v25
Enero 16-31, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

KOLUM
Henerasyong EDSA, Saan Ka Pupunta?

Ligalig
Garry R. Lazaro

DALAWANG TAON na ang nakakalipas nang sabihin ko sa sarili ko na kabilang ako sa Henerasyong EDSA—isang henerasyong kabahagi sa pagtutulak ng pagbabago sa pamamaraan ng pamamahala sa pamamagitan ng aktibong pagkamamamayan.

Isang henerasyong patuloy na nagbabantay at kritikal sa mga pagkilos na humuhubog sa ating bayan, sapagkat sa ganang akin ang bayan ay hindi lamang tao, kilusan o gubyerno —sapagkat ang bayan ay tayong lahat na pinag-uugnay ng pulitika, ekonomiya at kultura. Isa ako sa mga naghahangad ng ganap na pagbabagong panlipunan sa iba't ibang porma't larangan ng pakikibaka. Nananatiling sumasandig at umuugat sa sambayanan upang manatiling buhay ang totoong saysay at kahalagahan ng "Serve the People" o kaya'y tinitimpla ang mga kundisyon para sa panibagong sigwa ng kasaysayan.

Lahat ng ito ay sinubok sa lansangan ng EDSA na siyang nakapagluklok ng isang pangulong nangako ng pagkiling sa mga batayang sektor na patuloy na naaapi, isang maunlad na agrikultura,malayang kalakalan at isang gubyernong may mataas na moralidad tungo sa makabuluhang pamamahala. Dalawang taon na ang nakakalipas simula nang tumaya ang kabataang Pilipino sa panawagan ng pagkakaisa at pakikibaka subalit wala pa ring substanyal na pagbabago sa kalakaran ng pamahalaan. Patuloy pa ring binabagabag ang mga maralitang taga-lungsod sa kakulangan ng mga serbisyong panlipunan na makakaagapay sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang mga manggagawa ay nauubusan ng lakas paggawa sa kakarampot na halaga.

Ang mga magsasaka ay nag-aalay pa rin ng dugo sa lupang di naman kanila gaya ng mga kababaihang mukha ng kahirapan at mga batang lansangang sumasalamin sa pighati't dusa ng kumakalam na sikmura. Huwag na nating banggitin pa ang patuloy na pagpupunyagi ng mga kapatid nating Moro para sa ganap nilang kasarilanlan at iba pang katutubong nililigalig ng pang-aagaw sa kanilang lupang ninuno o maging ang kapwa nitong paghahangad para sa sariling-pagpapasiya.

Ang mga polisiyang pang-ekonomiya ng bansa ay patuloy na nagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Ang panawagan para sa maunlad na agrikultura ay nakaagapay hindi sa redistribusyon ng mga lupa para sa mga lehitimong magsasaka o proteksyunan man lamang ang maliliit na magbubukid sa mapangahas na panginoong maylupa. Ang maunlad na agrikultura ay nanatiling larawang-pananaw sa isang pang-ekonomiyang kaayusan kung saan ang tanging makikinabang ay dayuhang bansa.

Paano uunlad ang sektor ng agrikultura kung nananatiling nakatali tayo sa liberalisasyong itinutulak ng World Trade Organization o kaya'y imposisyon ng mga dayuhang institusyon para sa 0% na taripa? Paano uunlad ang sektor ng agrikultura kung maluwag ang ngipin ng ating batas sa pagpasok ng mga dayuhang produkto sa ating mga pantalan at paliparan? Mas malala, paano reresolbahin ng isang agri-businessman at isang dating pulitiko ang daang taong suliranin ng mga magbubukid kung di tuluyang nalalansag ang mga kaayusang pumipigil sa pag-unlad ng kabuhayan sa kanayunan?

Dalawang taon na ang nakakalipas at paulit-ulit pa ring binabalangkas ang pagkakaroon ng isang matinong gubyerno bilang tuntungan ng isang matatag na republika. Nakakahiya mang sabihin, mahigit daan taon na tayong republika pero mukhang bagong tatag pa rin gaya ng East Timor ang ating bansa sa larangan ng pamamahala. Ni ang tagpi-tagping pagsasampa ng kaso laban sa korupsyon ng mga malililiit na isda sa loob ng burukrasya ay di makakatugon upang linisin ang imahe ng pamahalaan. Maging ang rigodon sa gabinete ay di sasapat upang lubusang masabi na may silbi ang mga departamento sa pagtataguyod ng isang matinong gubyerno.

Maliban sa mangilan-ngilang matitinong kasapi ng gabinete, halos ang iba ay kumikilos batay sa ihip ng pampulitikang hangin sa taong 2004. Hindi rin nakaligtas ang Senado at Mababang Kapulungan, tuloy pa rin ang pagguguhitan hindi upang balangkasin ang makataong batas bagkus ay guhitan batay sa mga personalidad na kailangang umangat sa lalong maagang panahon lalo na't may sinat na ang eleksyong Pinoy. Ang administrasyon ay di magkamayaw sa pagpapabango ng pangalan ng kasalukuyang estado, samantalang ang oposisyon ay tumututol hindi dahil sa prinsipyadong pulitika't plataporma kundi dahil kailangan tumutol sa lahat ng pagkakataon.

Maging ang "civil society" at kilusang masa ay naghiwalay na ng landas sa intersection ng EDSA. Ang iba'y tumulak na pa-San Juan upang doon planuhin ang muling pagbabalik sa luklukan ng kapangyarihan sa pamamagitan ng sunod-sunod na exposition at nitong nakaraan ay Impeachment ni Gloria. Ang iba'y umikot ng Crame at tumawid ng Aguinaldo upang paypayan ang siga ng military junta at coup. Samantalang ang iba ay bumalik na ng Maynila para magpaalam na sa Pangulo at ang iba'y nanunubok at nang-iinis sa loob at labas ng pamahalaan habang ang iba'y tuluyan ng naging bahagi ng pabango sa Malacanang.

Sa dulo, sa paggunita ng Ikalawang Taon ng People Power 2, isang bagay lang ang sigurado—WALA TAYONG NAPALA; WALA PA RING PAGBABAGO AT ITO AY ISANG PAGHAMON SA ATING HENERASYON UPANG TULDUKAN ANG SINIMULAN SA EDSA.

Paano nga ba tutuldukan ang sinimulan sa EDSA? Sabi ko noon sa simula ng taong 2003 ay mananawagan na ako ng BOYCOTT GMA 2K4 para pigilan si Gloria na tumakbo para sa panibagong termino dahil para sa akin sapat na ang panahong nilagi niya sa Malacanang at panahon ng wakasan ang pagkakahati-hati ng ating bansa dahil sa paboritong libangan ng bayan—ang pulitika. Subalit bago ko pa man simulan ito, naunahan na ako ng Pangulo nung nakaraang taon sa kanyang pamosong one-liner na "I decided not to run in 2004!". Dinugtungan pa ito ng pagtataya para tutukan ang pamamahala sa pamamigatan ng Creation of Livelihood and Jobs, Healing the Division within the Society at Ensuring a Clean, Honest and Orderly Election in 2004. Sabi ng mga kaibigan ko sa gubyerno, sinsero at irreversible daw ang Pangulo sa kanyang litanya, ang sabi ko naman I'll wait and see and act to seize the moment.

Simple lang, ito ang panahong iahon ang ating sarili sa ating "self-imposed and self-vested ignorance" upang tuluyang itulak ang panlipunang reporma. Ito ang panahon para makita talaga ang kulay ng Pangulo kung hindi niya kakainin ang kanyang sinabi pagdating ng 2004. Kasabay ng pagtutulak ng ating hangarin, inihahanda ang ating henerasyon para sa panibagong puwang ng pagkakaisa at pakikibaka sa isang panibagong larangan.

---------------
Si Garry, 23 ay naging Pambansang Kalihim ng Student Council Alliance of the Philippines at Patnugot sa Balita ng The Torch Publication ng Pamantasang Normal ng Pilipinas. Kasalukuyang kasapi ng AKBAYAN Citizen's Action Party at Bukluran sa Ikauunlad ng Sosyalistang Isip at Gawa (BISIG). Siya rin ang Kinatawan ng Kabataan at Istudyante sa National Anti-Poverty Commission (NAPC).

Karapatang-ari © 2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan