NANG MALUKLOK si Gloria Macapagal-Arroyo bilang Pangulo, naghain
siya ng apat na puntong magiging sandigan ng kanyang pamamahala.
Pangunahing layunin niya ang paglaban sa kahirapan sa loob ng
dekadang ito. At sa loob ng dalawang taon ng kanyang pamumuno,
umangat daw ang ekonomiya ng bansa. Subalit hindi ito nararamdaman
ng mga mamamayan.
Paano nga naman makakalag ang kadena ng kahirapan kung nilalatigo
pa tayo ng mababang pasahod, kawalan ng sariling tahanan at kawalan
ng karapatan sa lupang sinasaka? Dagdag pa riyan ang PPA sa koryente,
mataas na bilihin at pasahe, at ngayo'y ang balak na text tax at VAT.
Ang mga mahihirap na street vendor ay nasagasaan pa ng paglilinis
sa mga lansangan.
Ninais din ng noo'y bagong Pangulo na iangat ang mga pamantayang
moral sa pamahalaan at lipunan tungo sa mabuting pamamahala,
at isulong ang bagong pulitika at pakikipag-usap sa mamamayan.
Subalit hindi ito masyadong nakita sa kanyang pamamahala.
Sa kanyang gabinete mismo, malinaw na binalewala niya ang ganitong
simulain nang i-pressure ng Palasyo si Pangalawang Pangulong Guingona—isang
lingkod-bayan na makabayan at may paninindigan bukod pa sa walang
kaso ng katiwalian—na magbitiw bilang Kalihim ng Ugnayang Panlabas
upang palitan ng isang dating tauhan nina Ferdinand Marcos at Estrada,
ang pro-US na si Blas Ople. Anong bagong pulitika rin ang mahihita
kung dahil sa pulitika'y napilitan din magbitiw ang dating Kalihim
ng Edukasyon, si Raul Roco, na isa sa itinuturing na pinakamagandang
nangyari sa kanyang gabinete?
Mas malala pa ang paglabag sa simulaing ito kung hindi pa niya binitawan
si dating Justice Secretary Hernando Perez, na nasabit umano sa katiwalian,
at kung itinuloy ang paghirang kay First Gentleman Mike Arroyo bilang
envoy to the overseas Filipino workers."
At bagong pulitika ba kamo? Mahirap yata yun hangga't nasa Kongreso
si Jose De Venecia, na ngayon, kasama ang mga kaalyado, ay halos tumuwad
sa pagsusulong ng Charter change kahit ayon sa mga survey ay ayaw
ito ng mga mamamayan. Yan ba ang pakikipag-usap at pakikinig sa bayan?
Ayos na sana si Macapagal sa pamumunong nagbibigay ng mabuting
huwaran, sapagkat hindi maitatangging di gaya ng kanyang pinalitan,
ang Pangulo'y kilala sa kasipagan at kasigasigan sa mga gawain ng
isang working president.
Pero paano magiging huwaran ang isang pinunong sunud-sunuran sa dayuhang
dikta, na wika nga ng isang kaTinig ay tila handang sumama "kahit
na saang impiyerno pumunta ang United States?" Sa ilalim ng administrasyong
Macapagal, naganap ang Balikatan, na masusundan pa ng mas malalaking
military exercises sa pagitan ng US at Pilipinas. Pataksil ding nilagdaan
ang Mutual Logistics Support Agreement na pinangangambahang mas masahol
pa sa pagkakaroon ng US military bases.
Habang si Pangalawang Pangulong Guingona ay halos nag-iisang tinig
na sumisigaw ng "No to War," si Macapagal ay di-matinag
sa suporta sa "giyera laban sa terorismo" na kung tutuusi'y
giyera ng paghihiganti at agresyon ng US. Sino ngayon ang tunay na
huwaran?
Idagdag pa ang rekord ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim
ng administrasyong ito, at tuluyan ka nang mapapailing. Kabalintunaang
ang isang administrasyong naluklok ng mga protesta at rally ay nagtanggal
ng maximum tolerance. Samantala, ang mga operasyon laban sa rebelde
ay sumasagasa maging sa mga sibilyan.
Pero sa kabila ng lahat ng ito, ang marami'y may nasisilip na huling
hibla ng pag-asa sa ilalim ng rehimeng Macapagal. Nang ideklara niyang
hindi na siya tatakbo sa 2004 upang makapagtuon ng buong panahon sa
pamamahala, marami ang natuwa sa kanyang sakripisyo.
Sa ikalawang taon ng People Power 2, inianunsiyo niya ang mga bagong
balak ng pamaalaan upang masugpo ang katiwalian, at hiniling ang kooperasyon
ng sambayanan.
Dalawang maganda at mahalagang development ang bagong pangakong ito.
Ngunit sa huli, ang pamahalaang Macapagal ay hahatulan ng kasaysayan
hindi batay sa kanyang ipinangako kundi batay sa kanyang ginawa at
hindi nagawa.
---------------
Si Ederic, 23, Patnugot ng Tinig.com, ay nagtapos ng Journalism sa
UP Diliman at ngayo'y part-time reporter sa Kyodo News.