SINSERO RAW ang diumano'y sakripisyo ni Gloria Macapagal-Arroyo na
hindi tumakbo sa eleksyon ng 2004 para asikasuhin ang problema sa
trabaho, pagkain, pabahay at edukasyon.
Pwes, kung ito ay totoo, patunayan ito ng gobyerno!
Hamunin natin ang gobyernong Macapagal na pakinggan ang ating mga kahilingan
at ipatupad ang mga repormang pabor sa mahihirap. Gamitin ang Apat
na Dapat bilang panukat sa sinasabing "sinseridad at sakripisyo"
ni Macapagal:
1. Tanggalin ang PPA, Itigil ang Pagtaas ng Presyo ng Tubig
Nasa 42% ng singil ang kuryenteng hindi naman ginamit. Muling tumaas
ang PPA simula Setyembre at madadagdagan pa ito ng 40 sentimo kapag
inaprubahan ang petisyon ng Meralco sa pagtaas na P1.12 per kwH. Ang
presyo ng tubig ng Manila Water ay tumaas ng 500% mula noong 1997.
Hindi pa natuloy ang pagtaas ng Maynilad ngayong taon dahil balak
na nitong ibalik sa gobyerno ang operasyon.
2. Ilipat ang Pambayad ng Utang sa Serbisyo sa Tao
Nasasayangan si Macapagal sa P22 bilyong piso ng kaban ng bayan na kinukurakot
ng mga tiwali sa loob ng gobyerno. Pero hindi siya umiimik sa P223
bilyon ng badget ng gobyerno-sampung ulit na mas malaki-na di pakikinabangan
dahil pambayad utang. Kung totoo di panloloko na aasikasuhin ang "jobs,
food, housing and education," dito dapat kunin ang pampondo sa
serbisyo sa tao.
3. Isuspindi ang Zero Tariff Regime
Inaamin ni Macapagal na di na uso ang globalisasyon pero hindi niya sinasabi
na taob ang ating industriya at agrikultura sa di-pantay na kompetisyon
ng mga dayuhan kapag itinuloy ang pagbagsak ng taripa sa angkat na
mga produkto sa 0-5%. Ang mga pabrika ng textiles sa loob ng huling
10 taon ay dalawang beses nangalahati ang kapasidad at nagtanggal
ng 42,000 manggagawa, habang ang mga magbababoy ay nalulugi ng P1.8
bilyon kada buwan at namimiligro ang 45,000 trabahador.
4. Bawiin ang Suporta sa Gera ng US sa Iraq
Nagkakandarapa ang gobyerno na ilikas sa ligtas na lugar ang 1.5
milyong OFW sa Middle East na apektado ng napipintong paglusob ng
Amerika sa Iraq. Nasa P300 milyon ang gagastusin para dito habang
di makwenta ang bulabog na idudulot nito sa hanapbuhay ng OFW. Mas
makabubuti para sa mga OFW na manatili ang kapayaapaan sa Middle East
at lutasin ang mga kaguluhan sa kaparaanan ng UN.
Ang Apat na Dapat ay kayang isagawa ng isang gobyernong makamahirap
na determinado sa pagbabago kahit sa natitirang 18 buwan ng termino
ni Macapagal. Ang ating hinihingi ay reporma hindi milagro kaya't huwag
sabihing ito ay imposible.
Kung hindi ito pakikinggan at isasagawa ng gobyernong Macapagal, ipaliwanag
nila ang katigasan ng kanilang ulo at puso. Sagutin nila ng tapat
ang ating Apat na Bakit:
1. Bakit ipinagpapatuloy ang pagsasapribado ng mga pag-ari ng gobyerno
gayong bigo ang pangako nitong ibaba ang presyo ng kuryente, tubig
at langis?
2. Bakit sinusunod ang dikta ng IMF-WB na bayaran ang utang na di-pinakinabangan
ng bayan kahit labag ito sa isinasaad ng Konstitusyon na iprayoridad
ang serbisyo sa mamamayan?
3. Bakit pwedeng depensahan ang interes ng lokal na mga kapitalista
laban sa dayuhang kompetisyon pero walang proteksyon ang kabuhayan
at karapatan ng mga manggagawa at magsasaka sa delubyo ng globalisasyon?
4. Bakit ipinapailalim ang ating pambansang interes at ang internasyunal
na proseso ng UN sa pansariling agenda ng Amerika na ibagsak ang kanilang
mga kalaban?
Kung hindi kaya ng gobyerno na tugunan ang Apat na Dapat at sagutin
ang Apat na Bakit, ibig sabihin peke at pakulo lang ang pangako ni
Macapagal.
---------------