Nitong nagdaang Disyembre 25, isa sa mga pelikulang bumati sa mga
manonood ng sine sa Kamaynilaan ang Dekada '70. Ang pelikulang ito'y
ibinatay sa isang nobelang gayundin ang pamagat, na sinulat ni Lualhati
Bautista at nanalo sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature
noong 1983.
Ang nobelang pinagbatayan ng pelikula ay batbat ng mga tagpo ng iligal
na pandarakip at pagpapahirap sa mga lumalaban sa pamahalaan noong
dekada 1970, isang dekadang sa Pilipinas ay sumaklaw sa maalab na
Sigwa ng Unang Sikapat o First Quarter Storm (FQS) ng 1970 at sa kalakhan
ng mahabang gabi ng batas militar. Bukod pa rito, ang nobela'y may
tauhang naging biktima ng isang pagpatay na walang basbas ng prosesong
ligal.
Sa pelikula, ang mga iligal na pandarakip ay nabanggit sa pamamagitan
ng mga kuwento ng mga tauhang aktibista para sa karapatang pantao.
Mayroon ding maikling tagpo ng pagpapahirap sa isang bilanggong pulitikal,
at isa sa mga tauhan ay naging biktima ng pagpatay na walang basbas
ng prosesong ligal.
May ilang nagkurong hindi maganda ang pagpapalabas ng isang ganitong
pelikula sa panahong dapat ay nagsasaya lamang ang mga tao. Datapwat
kung ang manonood ay may kahit kapiranggot man lamang na talino sa
kanyang utak, mapagkukuro niyang ngayon at higit kailanma'y napapanahon
ang pagpapalabas ng isang pelikulang tulad ng Dekada '70.
Ang pelikulang nababanggit, gaya ng nasabi na, ay tungkol sa isang
dekadang ang kalakha'y sumakop sa malaking bahagi ng panahon ng batas
militar sa bayan natin.
Ang panahon ng batas militar ay siyang panahong sumunod sa pagsisimula
ng isang malawakang pagbabangon ng iba't ibang makabayan at makademokrasyang
sektor ng sambayanan.
Ano ang nagpakilos sa kanila? Nang mga taong bago ipatupad ang batas
militar, ang paglayo ng bansa sa minimithing kaunlaran dahil sa panghihimasok
ng imperyalismong Estados Unidos sa ating kabuhayan, pulitika, at
kultura ay pasidhi nang pasidhi, gayundin ang kahirapang dulot ng
malawakang kawalan ng katarungang panlipunan—sa kalunsuran,
ang di-pagbibigay ng karampatang sahod at benepisyo; at, sa kanayunan,
ang laganap na pangangamkam ng lupa at ang di-matwid na partihan ng
ani sa pagitan ng magbubukid at propitaryo. Marami noon ang nagsisimula
nang kumilos tungo sa pagbabago ng pangkalahatang balangkas ng lipunan.
Nang ipatupad ang batas militar, ang mga kilalang pinuno, kasapi,
at tagatangkilik ng mga kilusang makabansa at makamasa, gaya nina
Lorenzo Tañada, Jose Diokno, ang mag-amang Armando at Bobbie
Malay, Jose Maria Sison, Satur Ocampo, Dolores Stephens-Feria, Bien
Lumbera, Luis Teodoro, Pete Lacaba, Bonifacio Ilagan, Ricardo Lee,
Danilo Vizmanos (dating Kapitan ng Hukbong Pandagat), Renato Constantino,
Luis Mauricio, Ernesto Granada, Hernando Abaya, Manuel Almario, Crispin
Beltran, Medardo Roda, at Felixberto Olalia ay nilamon ng mga piitan.
Ganito rin ang kapalarang dumapo sa mga tagapagtanggol ng mga kalayaang
sibil, tulad nina Ditto Sarmiento, Don Chino Roces, Tito Guingona
(na sa mga darating na panahon ay magiging isa ring pangunahing makabansa
at progresibong estadista), at Joker Arroyo.
Marami sa kanila, tulad nina Sison, Ocampo, Vizmanos, Bobbie Malay,
Lacaba, Ilagan, Beltran, at Olalia ang nakaranas ng matinding pagpapahirap
bilang mga bilanggong pulitikal. Marami katulad nila na di nila kasimpalad
ang pinaslang ng militar, tulad nina Liliosa Hilao (na ang bangkay
ay natagpuang puno ng mga tanda ng pagpapahirap gaya ng mga paso ng
sigarilyo sa bibig at sunog na lalamunang wari'y binuhusan ng asido),
Eman Lacaba, Lorena Barros, ang magkapatid na Tony at Tinyente Crispin
Tagamolila, Johnny Escandor (na natagpuan ang bangkay na nawawala
ang utak at sa loob ng binasag na bungo'y naroon ang kanyang kalsunsilyo),
at ang mga taong-simbahang sina Puri Pedro (na namatay sanhi sa pagkakasakal)
at Nilo Valerio (na nakitang pugot ang ulo).
Maliwanag, samaktwid, na ang batas militar ay nagsilbi upang harangan
ng sibat ang mga naghahangad ng pamalit sa mapaniil na kaayusang panlipunan
at papanatilihin ang nakasusulukasok na kairalan. Bagama't may ilan
ding nadakip at nabilanggong mga maituturing na haligi ng kalakarang
umiiral, tulad ni Geny Lopez, higit na nakararami sa mga biniktima
ng batas militar ang mga kalaban ng kairalan.
Minsan, sa isang kumperensiya, nawika ni Luis Teodoro ang ganito:
"Nangangamba akong isa sa matatatag na pamana ng batas militar
ay ang sarili nitong posibilidad na maulit."
Nakababahala, ngunit tama ang sinabi niya. Ang batas militar ay ipinahayag
noong Setyembre 21, 1972. Sa darating na Setyembre 21, hustong tatlumpu't
isang taon na mula nang maipahayag ang batas militar—sapat nang
panahon upang sumibol ang ilang henerasyong walang kamalay-malay sa
lagim ng panahong mula 1972 hanggang 1981.
Nakikita na natin ang mga larawan ng mga walang malay sa bahaging
ito ng ating kasaysayan. Ilang kabataan ang naniniwalang makabubuting
umiral uli sa ating bayan ang isang kalagayang tulad niyaong batas
militar? Ilang kabataan ang nag-iisip na ang batas militar ay "pagdidisiplina"
lamang sa walang disiplinang bansang Pilipinas? Ilang kabataan ang
nag-aakalang ang mga pangunguryente sa mga bayag at utong, pagsasalaksak
ng posporo sa mga titi, pagpapasak ng talong na may sili sa mga puki,
pagpatay ng sigarilyo sa mga labi, pagpapahiga ng mga nakahubo't hubad
na tao sa mga bloke ng yelo, pagpapakain ng tae, pagpapainom ng ihi,
at pamamaril sa mga bibig ay nagaganap lamang sa "baluktot"
na imahinasyon? Ilang kabataan ang hindi nakakikilala sa napakaraming
dakilang martir at magiting na bilanggong pulitikal ng batas militar?
At bakit hindi magkakaganito? Walang maayos na pagsusuring opisyal
sa kahindik-hindik na panahon ng batas militar sa ating mga aklat-aralin,
sapagkat marami sa mga may kinalaman sa batas militar ay nakaaakyat
pa rin sa mga bulwagan ng kapangyarihan—at ang isa sa kanila'y
may kapal pa ng pagmumukhang humingi ng isang "masusi at obhetibong"
pag-aaral sa naturang kapanahunan—at nakagagawa ng paraan upang
ang anumang opisyal na pagsisiyasat sa yugtong ito ng ating nakaraan
ay mahadlangan. Yaon namang mga diumano'y istoryador (iba sa mga tunay
na istoryador na tulad nina Renato Constantino at Teodoro Agoncillo,
subalit salamat sa kabutihan ng tadhana'y siyang nakararami), na maaari
sanang magbigay ng liwanag sa panahong tinutukoy, ay labis na abala
sa hindi gaanong mahahalagang usapin sa ating kasaysayan, gaya halimbawa
ng kung ilang babae kaya ang pinaghandugan ni Heneral Gregorio del
Pilar ng kanyang matamis na panunuyo—mga usaping sa kabutihang-palad
ay napakalimit na talagang tinatalakay nang husto sa ating napakahuhusay
na silid-aralan.
Ang mga kalagayang nagluwal sa batas militar ay narito pa rin. At
sa gitna ng malawak na kawalang-malay ng kabataan—na malaking
bahagdan ng ating populasyon—maaaring maulit ang batas militar,
sapagkat paano natin maaasahang humadlang dito ang mga walang nalalaman
kung ano ang maaaring idulot ng pag-uulit nito?
Sa gitna ng ganitong kalagayan, napapahanong lubha ang pagpapalabas
ng isang pelikulang gaya ng Dekada '70.
---------------
Si Alex, isinilang noong Agosto 1977, Kapatnugot ng Tinig.com, ay
manunulat sa Bulatlat.com at sa BNext. Sangkot siya sa mga kampanyang
panlipunan at pampulitika, sa lansangan man o sa Internet.