ISANG MANIGO at progresibong Bagong Taon sa inyo, mga kaibiga't kaTinig.
Ginulantang ang buong Pilipinas nang ipahayag ni Pangulong Gloria
Macapagal-Arroyo na hindi na siya tatakbo sa halalang pampanguluhan
sa 2004: "...I have decided not to run for President during the
election of 2004."
" If I were to run, it will require a major political effort
on my part. But since I’m among the principal figures in the
divisive national events for the last two or three years, my political
efforts can only result in never-ending divisiveness," sabi niya.
Pero kung hindi raw siya tatakbo, mas maitutuon niya ang kanyang
panahon at atensyon sa pagpapalakas ng ekonomiya, sa pagsusumikap
na mapagkaisa ang bansa, at sa pagtitiyak na magiging malinis at matapat
ang halalan sa 2004.
Sinalubong ng mainit na pagtanggap ang pahayag na ito ng Pangulo.
Naitaon pa niya ang pagsisiwalat nito sa araw ng pambansang bayani
na si Dr. Jose Riza kaya't para sa marami, isa na rin daw dakilang
martir para sa bayan si Ginang Arroyo. (Uyy, pareho na sila ni Loi
Estrada, mga martir, hehehe!)
Mayroon namang nagdududa. Baka raw pakana lamang ito ng kampo ng
Pangulo, at kapag tumaas na ulit ang kanyang approval ratings, ilang
buwan bago ang 2004 elections ay bigla siyang hihirit ng "I've
changed my mind!" Patay tayo dyan! Wag naman sana.
Natutuwa tayo't sa wakas ay sinunod na ng Pangulo ang matagal nang
payo ng mahusay na manunulat na si Conrado de Quiros. Ngunit unang
hakbang pa lamang iyan. Ang mas mahalaga ay ang katiyakang gagampanan
na ni Gng. Arroyo ang gawain ng isang Pangulo ng People Power 2. Ang
hiningi natin dalawang taon na ang nakararaan ay ang katarungan, katotohanan,
at tunay na pagbabago. Iyan pa rin ang nananatiling hamon sa Pangulo.
Hindi porke't wala nang Gloria sa 2004, ay awtomatikong papabor na
tayo sa lahat ng mga policy ng kasalukuyang administrasyon. Ang kanyang
pagtakbo lamang ang nabago, ngunit nariyan pa rin ang kanyang todo-todong
suporta sa umano'y "war against terror ng US," at sa giyerang
agresyon ng US laban sa Iraq; nariyan pa ring ang Balikatan at MLSA
at ang di-pantay na relasyong US at Pinas; hinihila pa rin tayo ng
kanyang administrasyon sa mapanganib na dagat ng globalisasyon; at
di pa rin natatapos ang usapang pangkapayapaan sa CPP-NPA-NDF at MILF.
Hindi porke't wala nang Gloria sa 2004, solb na tayo. Dapat patuloy
ang pagbabantay.
Dito sa Tinig.com, patuloy tayong naniniwalang ang mga kabataan ng
People Power 2 ay dapat manatiling mapagmasid at nag-iisip. Patuloy
tayong magsusulat at iwawagayway ang bandila ng People Power 2.
Medyo nawala tayo nitong Disyembre at ilang unang araw ng Enero dahil
pa rin sa mga problemang teknikal. Pero ngayong Eurofficial
Internet na ang ating Web server, asahan ninyong mas malakas ngayon
ang ating Tinig. Maayos na ring gumagana ang ating Forums
at Free E-mail.
At napansin ba ninyo ang bagong design? Ano sa palagay ninyo? Ipaalam
ninyo sa amin ang inyong mga puna at mungkahi, at huwag mahiyang mag-contribute
para sa mga susunod na isyu.
Hanggang sa muli,
Ederic Eder
Patnugot, Tinig.com
---------------