v24
Enero 1-15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

Byaheng Tanay

GUSTUNG-GUSTO KONG maglagalag, magbiyahe sa kung saan-saan. Masarap kasi sa pakiramdam y'ong kahit panandalian ay makawala ka sa mga pagkakahon sa iyong paligid. Kahit ba panandalian lang ang iyong paglaya.

Isa na siguro sa hindi ko malilimutang paglalagalag ay noong halos isang linggo akong magbakasyon sa Rizal, sa isa kong kaibigan doon. Noong nakaraang taon lang ‘yon, ilang buwan matapos patalsikin sa puwesto ang kurakot na si Erap (pasintabi sa mga maka-Erap). Maganda ang lugar. Mabundok, sariwa ang hangin at sagana sa tanim ang mga bukirin. Bagama’t may bahid na rin ng modernisasyon ang lugar, hindi pa rin nawala ang kapayakan ng pamumuhay. Sabi nga ng isang magsasakang nakausap ko roon (sa puntong Tanayin), “Naku, Ineng, dito’y basta masipag ka’y di ka magugutom!” Naisip kong maganda naman pala ang kalagayan ng mga magsasaka rito, maayos ang pamumuhay nila. Hindi katulad sa ibang lugar na kung hindi ka inaagawan ng lupa, eh inaabuso ka naman. At take note, sarili mo pa'ng lupa!

Akala ko lang pala na masuwerte sila. No'ng magtagal ako roon, napatunayan kong ang totoo, kabaligtaran pala ng akala ko!

Sa aking paglagi roon, tila hindi umiikot ang aking mundo. Hindi nagdaraan ang aking araw na wala akong ginagawa o kahit anong pinaglilibangan. Ang mga araw na iyon ay aking ginugol sa pagmamasid sa paligid at pakikipag-ulayaw sa kalikasan. Bakit ba hindi? Ilang dipa lang mula sa bahay na aking tinuluyan ay may isang maliit na ilog. Napakasarap maglunoy sa malamig nitong kabuuan. Sa di-kalayuan naman ay may isang kanal na pinagdadaluyan ng malinis na tubig, galing syempre sa ilog. Malaki ang pakinabang ng mga tao roon sa kanal na iyon. Labahan, paliguan ng mga bata, pinagkukunan ng pandilig sa kanilang mga halaman, at kung anu-ano pang sila lang ang nakaaalam.

Ayon sa kanila, ilang taon pa lang ang nakalipas mula nang may mahukay na isang bangang kayamanan sa mismong kanal na ‘yon. Mababaw lang ang pagkakabaon. Ayon na rin sa kanilang pagkakalahad, sila talaga ang nakadiskubre n’yon, isang pangkaraniwang araw habang naglalaba ang isa nilang kanayon.

Subalit mailap yata talaga sa kanila nag biyaya ng Maykapal. Ano ba’t wala pang ilang sandali’y may mga sundalong dumating upang angkinin ang yamang dapat ay sa kanila. Maghapong nag-ala Martial Law sa kanilang lugar. Wala man lang silang nagawa habang hinuhukay sa kanal ang yamang ang bayan sana nila ang makikinabang. Wala man lang nakalapit ni isa sa mga tagaroon, sa takot na maulusan o matutukan ng armalite. Ilang sandali pa’y pinanood na lang nila ang pag-alis ng kulay-luntiang trak ng mga sundalo, tangay-tangay ang kayamanang sa kanila sana. Hindi na sila nagreklamo sa mas nakakataas. Alam na rin naman daw nilang walang mangyayari.

Nagbalik naman y'ong mga sundalo makalipas ang ilang araw, subalit hindi para bahaginan o “ambunan” sila ng swerte (o malas?). Ipinasemento lang nila yung pobreng kanal na hinalukay nila. Pero yung mga puso ng mga tagaroon, uka-uka na’y duguan pa hanggang ngayon. Ang laki na tuloy ng phobia nila sa mga sundalo.

Hindi na nga ako nagtaka kung bakit maraming mga tao doon ang nagpasyang maging progresibo at makabayan. Paligid na rin nila ang nagdidikta, e.

Hindi ko rin maiwasang ikumparaha ang mga nakaunipormadong mga buwitreng ito sa ginawa ni Apo sa kabang-yaman ng ating bansa. Pasa-pasa lang naman, di ba? Déjà vu kung baga. Kita n'yo naman ngayon ang nangyari sa dating Pangulo, sa kangkungan ng kasaysayan pinulot. Y'ong mga sundalo roon sa Rizal, si Erap, at si Apo. Wala silang ipinagkaiba sa isa’t-isa (puwera sa may utak si Apo, ang dating action star e…. no comment!) Pare-pareho silang mga ganid at sakim. Pareho nilang inabuso ang bayang dapat ay matapat nilang pinaglingkuran.

Pagbalik ko, dala-dala ko na ang kwentong ito, bagama’t medyo nakaka-bad trip.
Ah…sana, lahat ng mga pinuno ng ating bayan, di katulad nila.

---------------
Si Lualhati ay taga-Peyups.com.

Karapatang-ari © 2002 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan