KANGINA
PA palakad-lakad si Waldo sa palibot ng paaralan. Kayganda ng pakiramdam
niya sa kanyang unipormeng Type A na ngayon pa lamang niya naisuot
sa pagpasok sa paaralan, at lalo niyang gustong ipakita sa madla na
siya ay naka-Type A.
Ito ang kauna-unahang araw nilang mga nagsasanay sa COCC na magsuot
ng unipormeng Type A makaraan ang may isang buwan nang pagsasanay.
Noong una'y puting t-shirt, pantalong maong, at sapatos na goma lamang
ang isinusuot nila kapag Biyernes. Ngunit ngayo'y nakakumpletong Type
A siya. Wala na siyang ipinagkaiba sa kanilang matitikas na opisyal
ng Citizens' Army Training liban sa kanyang kawalan sa ngayon ng ranggo—at
sa kanyang nakababang manggas—sapagkat mga opisyal lamang ang
maaaring magtupi ng manggas.
At ito ang kauna-unahang natatandaan niyang pagkakataong siya'y napuri
dahil sa kanyang pananamit. Karaniwan noon ang siya'y matawag na baduy
at kung anu-ano pa. Ngunit ngayo'y mga tingin ng paghanga at mga pangungusap
ng pagpuri ang natatanggap niya.
"Astig ka pala pag naka-Type A, a!"
"'Tang ina, Pare, sundalong-sundalo'ng dating mo!"
"Hayop, snaping-snapi!"
Sadya kayang bagay sa kanya ang unipormeng Type A? Nakatulong din
marahil ang siya'y natutong tumindig nang tuwid sa COCC; kapag nahuli
kang nakahukot doon ay tutukuran ng tuhod ang puwitan mo at iuunat
ang iyong likod. Sa tingin niya'y nakaragdag pa sa kanyang tikas sa
uniporme ang natutunan niyang tuwid na tindig.
Tiningnan niya ang kanyang relo. Ilang minuto na lamang at magsisimula
na ang klase. Pumasok siya sa kanilang silid-aralan.
"Uy, Ela!" masayang bati niya sa katabing naroon na pala.
"Ano, okey ba'ng porma ko?"
Nanlisik ang tila laging matatakuting mga mata ni Ela. Nagulantang
si Waldo sa nakitang panginginig nito. Walang anu-ano'y sinugod siya
ni Ela at sinunggaban ang kuwelyo ng kanyang uniporme. Natagpuan na
lamang ni Waldo ang sariling nakasalampak sa sahig matapos na ibalibag
siya ni Ela, na may limang pulgada ang baba sa kanya at di hamak namang
higit na maliit ang katawan. Subalit hindi siya nagkaroon pa ng pagkakataong
magtaka, pagkat bigla na lamang bumuhos sa kanyang mukha ang isang
bagyo ng mga sampal. Pak-pak-pak! Namamanhid ang mukha ni Waldo.
Tatlong matitipunong lalaki ang kinailangan upang tuluyang maawat
si Ela.
Naroon na si Ela pagpasok niya sa tanggapan ng prinsipal. Sa kagagawan
ng ilang kaklaseng aywan ni Waldo kung naghahangad na tumulong o nagpapalapad
lamang ng papel at nang makakuha ng magagandang marka, tulad ng madalas
na gawin ng isa nilang kaklaseng di naman makasagot nang matino kapag
tinatawag ay kung bakit laging nasa talaan ng pinakamahuhusay na mag-aaral,
nakarating sa prinsipal ang nangyari at sila ni Ela'y ipinatawag doon.
Akma sanang susugod si Ela pagkakita sa kanya, ngunit maliksi ang
prinsipal at agad na nasawata ang muntik nang maganap na kaguluhan.
"Dito ka lang, Waldo," anang prinsipal habang inaakay patungo
sa labas ng tanggapan ang nagpupumiglas pa ring si Ela.
"Ano naman ba'ng ginawa mo kay Ela, Waldo, at gano'n na lang
ang galit n'ya sa 'yo?" tanong ng prinsipal pagpasok na muli
nito sa tanggapan.
"Wala po akong ginagawa sa kanya, Ser." Isinaysay ni Waldo
ang nangyari kangina.
"Parang napakaimposibleng magalit s'ya nang wala ka namang ginagawa.
Siguradong meron kang hindi 'kinuk'wento sa 'kin; malamang e 'kinakahiya
mo kaya hindi mo 'kin'wento."
"Ser naman—"
"Alam mo, Waldo, isa ka sa mga hinahangaan kong estudyante rito.
Kakaiba ang disiplinang 'pinakita mo, lalo na mula nang pumasok ka
d'yan sa COCC. 'Wag ka naman sanang gumawa ng dahilan para masira
ang maganda mong reputasyon sa isk'welahang 'to."
Sa palikuran pinalipas ni Waldo ang sumunod na mga sandali.
Ayaw niya munang pumasok sa klase—nawalan siya ng gana. Lintik,
nakawawalang-gana namang talaga yaong nagpapaliwanag ka'y di ka naman
pinakinggan. Naiisip ni Waldong siguro'y ganoon din ang nangyayari
sa kayraming nahahatulan nang walang kasalanan, lalo na yaong mahihirap.
Bukod pa rito'y ayaw niyang magpakita kay Ela. Baka pag nakita siya
nito'y kung ano na naman ang gawin sa kanya.
"O, Waldo," bati sa kanya ng kapapasok pa lamang na si
Peter. "Di ka ba papasok?"
"Ewan ko, Pare. Nakita mo naman siguro y'ong nangyari kanina."
"Baka naman wala na 'yon. Ano ba kasi'ng pinag-awayan n'yo?"
Hindi kumibo si Waldo.
"O, sige, mauna na 'ko," paalam ni Peter pagkalabas nito
ng cubicle. "Pasok ka na, 'Tol."
"Sige, susunod ako."
At saka pa lamang naisipan ni Waldong tingnan ang salamin. Mamula-mula
pa ang kanyang mukha, ngunit marahil ay higit itong namumula kangina.
At saka pa lamang niya nakitang nasira pala ang kuwelyo ng kanyang
bagung-bagong unipormeng fatigue. May sira kaagad ang bagong unipormeng
pinaglaanan niya ng mahigit sa pitong daang piso at siya niyang naging
agarang pasaporte sa kasikatan sa paaralan nila. Masama ang loob na
hinubad niya ang pang-itaas nito.
Habang naglalakad patungo sa silid-aralan, iniisip niya kung ano
kaya ang kanyang gagawin sakaling susugin siyang muli ni Ela. Ayaw
niyang pumatol sa babae, subalit baka sapukin na niya ito. Kung bakit
ba hindi naman niya inaano'y ginanoon siya. May sira yata sa ulo—dapat
sa mga ganoo'y hindi sa regular na paaralan ipinapasok, naiisip niya.
Sa klase, hindi siya makapagtuon ng atensiyon. Iniisip niya kung
bakit kanginang suot niya ang pang-itaas ng kanyang fatigue ay gayon
na lamang ang pagkapoot ni Ela sa kanya ngunit ngayong hindi niya
ito suot ay parang wala itong pakialam sa kanya.
"Servando, Waldo." Tinig iyon ng kanilang guro, na ikinagulat
ni Waldo. Tumayo siya.
May itinanong ang kanilang guro, ngunit hindi niya ito narinig. Ni
hindi niya nakikita nang mga sandaling iyon ang kanilang guro; ang
nakikita niya'y isang kaganapan noong bandang simula ng buwang nagdaan,
nang may isang babaeng naka-Type A na nakatupi ang mga manggas na
nagpunta sa kanilang silid upang magrekluta ng mga may gustong kumuha
ng pagsasanay sa COCC. Isa siya sa mga naunang pumirma sa papel na
dala ng babaeng naka-fatigue. Pagbalik niya sa kanyang upuan, napansin
niyang nanginginig ang mga labi ni Ela habang nakatitig ang nanlalaki
nitong mga mata sa babaeng naka-fatigue.
"Umagang-umaga, bwisit! Umupo ka na nga, Waldo!"
Parang may bumagsak na yero sa may kalayuan.
"Upo na sabi, e!"
Parang naalimpungatan si Waldo, at saka pa lamang niya napansing
naghahalakhakan na ang kanyang mga kaklase. Parang higit na malapit
ngayon ang tunog ng yerong bumagsak sa may kalayuan kangina.
Ngunit hindi ininda ni Waldo ang masiglang tawanan at ang sumunod
na pagkokomentaryo ng kanilang guro tungkol sa pagkalusaw ng mga utak
ng mga estudyante sa panahong ito. Higit na matunog sa pandinig ng
kanyang isip ang isang bagong natuklasan—takot si Ela sa mga
nakadamit-sundalo. Ngunit bakit kaya?
Bago sumapit ang sumunod na Biyernes ay naka-Type A na uli si Waldo.
Sinimulan nang sumunod na Lunes ang pagtatalaga sa mga nagsasanay
sa COCC upang magbantay sa tarangkahan ng paaralan. Hahalughugin nila
ang mga gamit ng mga kapwa mag-aaral nila upang tingnan kung mayroon
sa mga itong nangahas na magdala ng patalim—o kaya nama'y laruan.
Martes ang araw ni Waldo sa may tarangkahan. Salamat na lang at may
ilan siyang araw pagkakatapos ng Martes upang labhan at patuyuin ang
kanyang uniporme bago ang Biyernes.
May kabigatan ang kanyang loob, pagkat di niya lubusang maintindihan
ang patakaran. Naiintindihan niya ang pangangailangang ipagbawal ang
pagdadala ng patalim, ngunit ang mga larua'y bakit kailangan pang
ipagbawal? Mapanganib ba ang mga ito sa buhay ng mga estudyante, o
nakasisira kaya ng pag-aaral, kung kaya't dapat na ipagbawal? Gayunma'y
ginagawa na rin ni Waldo ang nararapat na gawin pagkat nais niyang
maging opisyal ng CAT.
May nagkamaling magdala ng laruang sundalo. Kinuha agad ito ng kasama
ni Waldo, si Eric.
"Ser," pagmamakaawa ng nakumpiskahan ng laruan, "pagbigyan
n'yo na 'ko dito. Bagung-bago 'yan, bigay ng ninong kong galing Saudi.
Sige na, Ser, parang awa n'yo na."
"Pasens'ya ka na' Tol, sumusunod lang kami sa utos," matigas
na wika ni Eric.
"Sige na, Ser, parang awa n'yo na." Maluha-luha na ang
mga mata niyaong nakumpiskahan ng laruan.
"Pagbigyan na natin, Eric. Wala namang officer, e."
"E pa'no pag nalaman nilang pinalusot natin, di lagot tayo?"
"Di naman nila malalaman kung walang magsusumbong, di ba?"
"O...sige na nga," bantulot na wika ni Eric. Iniabot niya
ang laruan sa may-ari.
"'Wag mo lang ilalabas, ha," wika ni Waldo. "Kami'ng
malalagot sa mga officer, tandaan mo 'yan. Pag napahamak kami, mananagot
ka sa 'min."
Hindi na nakuhang magpasalamat niyaong nagdala ng laruan. Pagkapasok
na pagkapasok ni Ela ay bigla nitong inagaw ang laruan. Inihagis niya
ito sa lupa at akma nang aapakan nang bigla siyang sunggaban ni Waldo
at hilahing palayo.
Biglang nagpumiglas si Ela at siya'y nakawala sa pagkakahawak ni
Waldo. "Ano, ano'ng gagawin n'yo sa 'kin?" dumadagundong
na tanong niya habang nanlilisik ang mga mata. "Papatayin n'yo
'ko?"
"Ba't ka naman namin papatayin? Inaawat ka lang—"
"Di ba talaga namang mga mamamatay-tao kayo? 'Yan naman talaga
trabaho n'yong mga sundalo, e—pumatay nang pumatay!"
"Ano ba'ng pinagsasasabi—"
"Mga wala kayong awa." Nanginginig ang lumuluhang si Ela.
"Mga walang kalaban-laban, pinapatay n'yo. 'Tang ina n'yo, wala
namang kasalanan ang mga magulang ko kundi ipagtanggol ang mga sarili
nila at ang mga kapwa nila magsasaka sa mga nang-aagaw ng lupa, pero
pinatay n'yo. Di pa kayo nakuntentong patayin, dinukutan n'yo pa ng
mata, kinaladkad n'yo pa y'ong bangkay!" Nagsimula si Elang pagsusuntukin
si Waldo. "Mga demonyo kayo, mga demonyo kayo!"
Biglang binuksan ni Waldo ang pang-itaas ng kanyang fatigue. Sa gitna
ng mga suntok ni Ela, dali-dali niya itong hinubad at inihagis sa
lupa. Hinawakan niya nang mahigpit sa magkabilang bisig si Ela, na
nagpumiglas. Sinampal niya ito. "Ela, hindi ako sundalo, ako
'to, si Waldo, katabi mo sa classroom. Hindi ako'ng pumatay sa mga
magulang mo."
Tahimik na tumitig sa kanya ang luhaang si Ela. Sumubsob ang mukha
nito sa balikat niya.
Inakbayan niya si Ela. "'Lika na, pasok na tayo sa room."
Sumama naman ito sa kanya, at nakailang hakbang na sila nang may
biglang kumalabit sa kanyang likod.
Paglingon niya'y nakita niya si Eric.
"Tsong, naiwan mo 'tong upper garment mo."
Saglit na tinitigan ni Waldo ang kanyang pang-itaas. Hindi niya inalis
ang pagkakaakbay kay Ela. "Gusto mo, 'Tol, sa 'yo na lang,"
maya-maya'y winika niya nang buong katiyakan.
---------------
Si Alex, isinilang noong Agosto 1977, Kapatnugot ng Tinig.com, ay
manunulat sa Bulatlat.com
at sa BNext.
Sangkot siya sa mga kampanyang panlipunan at pampulitika, sa lansangan
man o sa Internet.