TRUNCHEON. TEARGAS.
Pillbox. Molotov. PC (Philippine Constabulary). FQS (First Quarter
Storm). Mendiola. Martial Law.
Ang mga salitang ito'y tila mga lagusan na naghahatid sa mga aktibista, mamamahayag,
pulitiko at iba pang naging bahagi ng mga rali't demonstrasyon sa
mga alaala ng isang di-malilimutang panahon sa ating kasaysayan—ang
dekadang 1970.
Ang nobelang Dekada '70 (Carmelo & Bauermann; 228 pahina) ng premyadong
manunulat na si Lualhati Bautista ay natatanging akda sa wikang Filipino
hindi lang dahil sa pagkamit nito ng unang gantimpala sa Palanca Memorial
Awards for Literature noong 1983 kundi dahil sa mapangahas na inilarawan
nito ang isang lipunang noo'y nasa bingit ng pagbabago sa gitna ng
papalalang krisis pang-ekonomiya at pampulitikang ligalig bago naganap
ang tinaguriang EDSA People Power Revolt ng 1986.
Sa akdang ito, ipinakita ni Amanda Bartolome (tagapagsalaysay ng nobela)
ang mga sakit, ligaya, problema, at adhikain niya bilang babae.
Ang mahabang salaysay ay nakasentro sa panggitnang-uring pamilyang
Bartolome, at sa kung papaano naapektuhan ng batas militar ang mga
tunggalian at trahedyang naganap sa buhay nila. Katuwang ni Amanda
ang inhinyerong asawa na si Julian Sr. sa pagpapalaki sa lima nilang
anak na lalaki: ang panganay na si Jules na isang kabataang aktibista
na sumapi sa rebeldeng New People's Army (NPA) at pagkatapos ay naging
bilanggong pulitikal; si Gani na sa batang edad ay nakabuntis ng babae;
si Em na isang manunulat na naghahanap ng pagkakakilanlan sa sarili;
si Jason na naging biktima ng salvaging at si Bingo na maaga pa'y
nagmamasid na sa mga nangyayari.
Sa Dekada '70, mababakas ng mambabasa ang tala ng mga aktuwal na kuwento
ng panunupil at karahasan ng mga militar sa mga inosenteng sibilyang
nasasangkot sa digmaan, mga paglabag sa karapatang pantao, iba't ibang
mukha ng karukhaan at pagsasamantala sa aping mamamayan, at ang walang
humpay na paglaban ng mamamayan sa diktadurya sa panahon ng batas
militar.
Sa paggamit ng awtor ng first person point of view sa kuwento, kapansin-pansin
ang hilig ni Amanda na kausapin ang sarili o mind-chatter hinggil
sa papel niya sa asawa't mga anak at sa mga usaping bumabagabag sa
kanya. Sa pagkatuto niya kay Jules, nakakapaghayag siya ng tungkol
sa mga nangyayari "dahil di na ako limitado sa mga bagay lang
na may kinalaman sa pampabata't pampaganda, pagdiriwang at mga kaburgisan,"
wika nga ni Amanda.
Hindi tipikal na babae si Amanda, bagkus, isang tao na may likas na
kamalayan sa mga pangyayaring kinasasangkutan ng mas malawak na bilang
ng mamamayan (na unti-unti niyang natutuklasan) at di nagpapasupil
sa limitasyon ng litanya ng asawa na, "Well honey, it's a man's
world."
Isang mahalagang tauhan sa akda si Jules, isang kabataang namulat
ng mga kampanya laban sa tuition fee increase sa paaralan hanggang
sa lumao'y piliin niyang lumahok sa sandatahang pakikibakang inilulunsad
ng NPA. Ang katangian niya bilang isang rebolusyonaryong nakikibaka
para palitan ang sistemang umiiral ay lubhang nakapukaw sa damdamin
ni Amanda na minsa'y iginiit ang kalayaang magpasya ng sariling buhay
noong sumulat siya sa kapatid ng mga katagang sinipi mula sa tula
ng makatang si Kahlil Gibran:
"Ang inyong anak ay hindi n'yo anak,
Sila'y mga anak na lalaki't babae ng buhay!
Nagdaan sila sa inyo ngunit hindi inyo,
At bagama't pinalaki n'yo,sila'y walang pananagutan sa inyo…"
Sa pagkakaalam ko, ito rin ang madalas sipiin ng mga aktibistang estudyante
ngayon sa pakikipag-usap sa mga magulang na hindi nakakaunawa sa kanilang
ginagawa!
At gaya ng maraming magulang, hindi naiintindihan ni Amanda ang anak
sa mga ginagawa nito. Sagot ni Jules sa ina: panahon na para mamili
ang tao. Alinman sa dito ka o do'n…Tutulong ka bang baguhin
ang kalagayang ito o magseserbisyo ka rin sa uring mapang-api?
Sa di-inaasahang pagkakatao'y nalasap ng buong pamilya ang dagok ng
batas militar nang walang awang pinahirapan at pinatay si Jason ng
mga di kilalang tao ilang oras matapos itong palayain ng PC dahil
sa hinalang gumagamit ito ng marijuana. Sa kawalan ng pagkakakilanlan
sa salarin, walang silang nagawa kundi ang tumangis sa kawalan ng
hustisya.
Ngunit kahit pa sumuong sa matitinding trahedya ang pamilyang Bartolome,
nananatili pa rin silang buo sa kabila ng pagkakaiba-iba nila ng prinsipyo.
Kahit hindi nagkakaintindihan sa mga diskursong pang-intelektuwal,
di nawawala ang mahigpit na ugnayang emosyonal. Ika nga ng isang awit,
"sa pagkakalayo ay may paglalapit din."
Ang mga pangyayaring ibinunyag sa Dekada '70 ay tila nakapagsisilbing
panggatong sa lumalakas at umiigting na tinig ng paghihimagsik sa
mga unang taon ng sumunod na dekada.
Unang naipakilala sa 'kin ang Dekada '70 noong Oktubre 1996 ni G.
Christopher Amat, guro sa Komunikasyon sa College of Arts and Sciences
ng University of Perpetual Help System-Laguna (UPHSL). Mula noon,
hindi ko tinantanan ang pagbabasa ng aklat hanggang sa ito'y matapos
ko sa loob lamang ng dalawang linggo.
Para sa mga estudyanteng may progresibong kaisipan, nakaambag ang
akda sa pagpapataas ng kanilang pampulitikang kamulatan at pagkamakabayan.
Kahit noong mga taong nagsisimula pa lang na sumulong ang pakikibaka
para sa isang malayang konseho at pahayagan ng mga mag-aaral sa UPHSL,
itinuring ko na ang nobela bilang nirerekomendang reading material
para sa pagmumulat at pag-oorganisa sa masang estudyante. May isa
ngang kasamang nagmungkahi pa na gawin itong kurso sa pag-aaral ng
organisasyon.
Sa mga panahong gaya ng dekada 70—na dekada ng pagkamulat at
pakikibaka—natutunan natin ang aral na ang bawat isa'y bahagi
ng mas malawak na lipunan kung saan ang mga kabataan ngayon, na "isang
malinaw na mata at tainga at tinig ng kanyang panahon", ang siyang
magpapasya ng kinabukasan ng bayan. Ang luma'y sadyang napapalitan
ng bago.
Wika nga ng isang bilanggong pulitikal, "ang payapang pampang
ay para lang sa mga pangahas na sasalunga sa alimpuyo ng mga alon
sa panahon ng unos."
---------------
Si Dennis, ay manunulat ng Balikas, isang lingguhang dyaryo sa wikang
Filipino na nagtataguyod ng kalikasan at katarungang panlipunan sa
Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon) area.