MINSAN PA, napatunayang tunay na mas mahusay na medium ang panulat
kesa sa pelikula. Kahit pa nga sabihing "a single picture says
a thousand words," di pa rin maipagkakailang mas nabigyang buhay
ang Dekada '70 ni Lualhati Bautista sa kanyang libro kesa sa pelikulang
kapapalabas lamang.
Unang-una, ang katauhan ni Amanda Bartolome ay di naipakita bilang
isang babaeng namulat ang kamalayan sa mga isyung panlipunan at pampulitikal
sa kanyang paligid. Sa halip, naipakita lamang na siya ay isang ordinaryong
maybahay na napagod sa pag-aaruga ng kanyang asawa at mga anak. Hindi
nabigyang diin ang transisyon ng kanyang kamalayan mula sa pagiging
passive tungo sa kanyang pakikialam. Ang resulta, nagmukhang mahirap
lang ang pagiging babae dahil sa mga isyung pantahanan at di dahil
sa mga isyung may kinalaman sa katayuan niya sa lipunan.
Ikalawa, ang katauhan ni Jules na sya sanang pangalawang pinakamahalagang
tauhan sa pelikula ay di nabigyan ng hustisya. Masyadong matamlay
ang pagtalakay sa mga isyung pampulitikal na pinaikot sa katauhan
ni Jules. Halos ipinakita lang na kailangang igalang ng kanyang mga
magulang ang naging desisyon ni Jules ngunit hindi natalakay kung
bakit ba ito ang naging paninindigan nya. Kung sa bagay, alangan namang
ijustify ng pelikula na tama ang desisyon ni Jules na sumapi sa New
Peoples Army, e di hindi yun napalabas. Baka mabansagan pang pro-"terrorist"
ang pelikula.
Marami ring detalye ang nabago, mga detalyeng hindi naman fictional
kundi mga totoong nangyari noong 70's—mga detalyeng sana ay
naging karagdagang impormasyon sa mga manonood na di naman nabuhay
nung dekada '70.
Gayun pa man, di man masyadong natalakay ang lahat ng isyung tinalakay
sa libro, kahit papano, nagsilbi pa rin naman itong panggising sa
mga kababaihan at nagbigay ng mensaheng ang mga babae ay di dapat
habambuhay na nanay at asawa na lamang.
Masyadong lang sigurong naging mataas ang expectation ko sa masasaksihan
ko. At gaya nga na sinabi ng kaibigan ko, "If you adore the book,
don't watch the movie, you'll be disappointed."
---------------
Si Anna L., 25, ay nagtapos
sa UP college of Mass Communication noong taong 2000.