v24
Enero 1-15, 2003
Home
About Us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

KOLUM
Tapatan

Alipato
Alexander Martin Remollino

ISA SA mga dahilan ng pagkakaluklok ng pamahalaang Macapagal-Arroyo ay ang naging malawakang pagkapoot ng mga mamamayan sa mga kabulaanang pinalaganap ng naunang nagsipamahala, na diumano'y makamasa ngunit iilan lamang na malalaking negosyante ang dinulutan ng kapakinabangan. Samakatwid, isa sa mga inasahan ng milyun-milyong mamamayang nagtungo sa EDSA noong Enero 2001 ay ang maging matapat ang pamahalaang ito.

Kamakaila'y naging mainit na usapin sa ating bansa ang tungkol sa paglulunsad ng mapagpangunang pagsalakay sa mga bansang pinaghihinalaang nagbabalak na magsagawa ng mga hakbanging terorista. Ang Australya, matapos na ang embahada nito sa ating bansa ay makatanggap ng banta ng pambobomba mula sa pinaghihinalaang mga terorista, ay nagmungkahing payagan itong maglunsad ng mapagpangunang mga pagsalakay sa mga teroristang bansa sa Asya. "Sadyang matwid na kung naniniwala kang may sasalakay sa iyong bansa, sa kumbensiyunal mang paraan o sa kaparaanan ng terorista, at may kakayahan kang pigilin iyon at wala nang mapipili pa liban sa kakayahang iyon, di kasi'y kakailanganin mong gamitin iyon," ani John Howard, Punong Ministro ng Australya.

Sa usaping ito'y nagpamalas ng pambihirang katapatan ang mga opisyal ng pamahalaang Macapagal-Arroyo—katapatang maliwanag na udyok ng walang kapantay na kagitingan. Makapangyarihang mga salita ang pinawalan ng mga bibig ng mga Blas Ople at Roilo Golez. Naging lubos silang matapat sa pagpapahayag ng pagtutol sa mungkahing ito ng Australya.

Ang pahayag na ito'y "lubhang padalus-dalos, mapusok, at bahagyang nakasusulukasok," ani Blas Ople, Kalihim ng Ugnayang Panlabas. Sinabi rin niyang ang alinmang bansang magbanta nang ganito'y siya na ring nagbubukas ng daan upang ito'y maparatangang may mga hegemonikong hangarin.

Ayon naman kay Roilo Golez, Tagapayo ukol sa Pambansang Seguridad, "palalo" ang ganitong pagpapahayag.

Matitindi ang mga salitang pinagbibitiwan nina Ople at Golez laban sa talaga namang aroganteng mga kapahayagan ni Howard. Ipinahihiwatig nga naman ng mga pahayag ni Howard na sa sandaling akalain ng Australya na ang alinmang bansa ay nagbabalak na salakayin ito ay may karapatan na itong magsagawa ng pagsalakay sa naturang bansa—kahit na maaaring ito'y isang maling pag-aakala. Hindi nagustuhan nina Ople at Golez ang ganitong pangangatwiran—at naging matapat sila sa pagpapahayag ng saloobin nila sa bagay na ito. Kung dito at dito rin lamang ay naging lubhang matapat sina Ople at Golez--at dapat silang ipagpatayo ng bantayog, lalo pa't ang katapatan, sabi nga sa isang sikat na kanta ni Billy Joel, "ay salitang nag-iisa lamang."

Subalit kung ang mga pahayag nila laban sa mungkahi ni Howard ay itatapat sa nauna nilang mga pahayag, ang naghahanap ng katapatan ay walang matatagpuan—wala, liban sa nag-iisa niyang sarili.

Sa mga pahayag nina Ople at Golez laban sa pinagsasabi ni Howard, maliwanag pa sa sikat ng sanlaksa nitong ating araw ang pagpapahiwatig ng mariing pagtutol sa makaisang-panig na hakbangin. Datapwat matatandaang kamakaila'y nagpanukala rin ang Estados Unidos na ito'y magsasagawa ng hakbanging makaisang-panig laban sa Iraq—diumano'y dahil sa pagiging banta ng bansang nasabi sa kapayapaang pandaigdig—at habang dinuduro si Dubya Bush ng halos buong mundo dahil sa mayabang na kapahayagang ito, sina Ople at Golez ay nakiisa sa pagpapahayag ng Kagalang-galang na Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng pagtangkilik sa napipintong digmaan.

Sa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas, ang nakapagbigay na ng pinakamatapat na kapahayagan hinggil sa mungkahi ng Australya ay si Lauro Baja, Katulong na Kalihim. "Ang Australya ay hindi ang Estados Unidos," ani Baja. "May mga higit na mabisa at mapagmalasakit pang hakbang upang labanan ang terorismo, at ang makaisang-panig na pagkilos ay hindi kabilang sa mga ito."

Kung sina Ople at Golez ay nararapat na ipagpatayo ng bantayog dahil sa kanilang katapatan sa pagtutol sa kapahayagan ni Howard, si Baja nama'y dapat na ipagpatayo ng bantayog na lalong malaki pa sa papagsasamahing magiging mga bantayog nina Ople at Golez. Dahil sa labis niyang katapatan ay naipagtapat niya—aywan kung sadya o di-sadya—ang tunay na saloobin ng pamahalaan sa usapin ng pagsasagawa ng aksiyong makaisang-panig. Naipagtapat niya, aywan kung sadya o di-sadya, na sa pananaw ng pamahalaang Macapagal-Arroyo, walang bansa ang may karapatang maglunsad ng mapagpangunang pagsalakay—wala, liban sa Estados Unidos. Naipagtapat niyang sa pananaw ng pamahalaang Macapagal-Arroyo, ang mapagpangunang pagsalakay ay matwid kung ang gagawa ay ang Estados Unidos, ngunit kung ibang bansa liban sa Estados Unidos ang gagawa ay isang kasalarinang walang kapantay kahit na papagsama-samahin pa ang lahat ng kasalanang napaggagawa na at paggagagawin pa ni Satanas.

Isang mahalagang aral ang matututunan sa lahat nitong mga pangyayari—mabisang paraan ng paghahanap ng katapatan ang pagtatapat-tapat ng mga pahayag

---------------
Si Alex, isinilang noong Agosto 1977, Kapatnugot ng Tinig.com, ay manunulat sa Bulatlat.com at sa BNext. Sangkot siya sa mga kampanyang panlipunan at pampulitika, sa lansangan man o sa Internet.

Karapatang-ari © 2002 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan