| Sa
Pagsusulat*
| Pitik |
 |
| Vlad
B. Gonzales |
UUMPISAHAN MO
hindi sa pag-upo't pagpapaandar ng bolpen sa papel. Magigising ka
mula sa mahimbing mong pagkakatulog. Tuwang-tuwa ka pa dahil nakasama
mo ang paborito mong bold star sa iyong panaginip. Titingnan mo
kung anong oras na. Mapapabalikwas ka dahil makikita mong alas-sais
y medya na samantalang ang klase mo'y alas-siyete ng umaga. Gagayahin
mo si Flash sa paghahanda at pagpunta mo sa klase. Hindi ka maglalakad—tatakbo
ka. Tatakbo ka nang mabilis na mabilis papunta sa sakayan. Masasakyan
mo ang isang bus na hinugot mula pa sa panahon ng iyong mga ninuno
at sa wakas, makararating ka na rin sa iyong klase (bagaman huli
ka ng 35 minutos). May ibibigay na readings ang iyong guro. Babasahin
ninyong lahat ang akdang nasa readings na ito. Pagkatapos, bibigyan
kayo ng dalawang minuto para pag-isipan ang akda. Magtatanong ang
guro kung anong mga ideya ang nakuha ng klase mula sa akdang pinabasa.
Magpapakadakila ang isa mong kaklase at babanat ng "Ang akda
po'y tumatalakay sa isang pulitikal, emosyonal, ispiritwal, historikal,
pisikal at moral na konteksto. Kung susuriin po natin ang ika-lima
hanggang ika-dalawampu't tatlong pangungusap, makikita po natin
ang mga bakas ng opresyon, modernisasyon, globalisasyon at militarisasyon
na kung susuriin po natin nang may kritikal at masusing pamamaraan
ay mabubuo sa ating isipan na may isang padron na nanggaling sa
kasaysayan at umaabot hanggang sa kasalukuyan…" na dadagdagan
pa niya ng lahat ng napag-aralan niya sa kanyang klase sa Kasaysayan.
Magtataas ng kamay ang iba mo pang mga kamag-aral at lahat sila'y
may masasabi tungkol sa akda. Ikaw ay nananatili pa ring nasa isang
semi-conscious state ngunit bigla kang tatawagin ng iyong propesor.
"Ikaw, ano ang masasabi mo sa akda?" Hindi ka makakakilos.
Mamumutla ka. "Am…ma'am, kasi po….ang akda po ay….parang..parang…it's
like, uh…like, hello?…duh…kasi po…kasi po,
late po ako, e….". Mag-iinit ang ulo ng iyong guro (maaaring
hindi siya magpahalata). Maya-maya'y sasabihin niyang gumawa ang
klase ng isang sanaysay tungkol sa pinabasa niyang readings. Magrereklamo
ang iba mong kaklase, ngunit ngingitian lang niya ang mga estudyanteng
ito (dahil isinisingko na sila ng iyong guro sa kanyang isip). Magpapauwi
siya nang maaga dahil nawalan na siya ng ganang magturo. Habang
papalabas ka, muli mong babasahin ang akda. Pag-aaralan mo ito habang
ikaw ay naglalakad papunta sa kantina. Bibigyan mo ng espesyal na
atensiyon ang mga taong ginawang halimbawa-ang mamang drayber, ang
aleng nagtitinda ng tawas, ang paslit na nagtitinda ng Storck, at
iba pa. Kung nabasa mo ang akda dalawang taon na ang nakalipas,
sa panahong sinisipa-sipa mo lang ang mga pulubing namamalimos sa
iyo, sa mga araw na ang pinagkakaabalahan mo ay ang iyong crush,
kung ano ang nangyari sa Clic o sa G-mik, sa mga oras na niloloko
mo ang iyong magulang para maka-iskor ka ng dagdag na baon na gagamitin
mo sa panonood ng sine, paglalaro ng Counter-strike o sa pakikipagtomaan
kasama ng iyong mga katropa, talagang wala kang masasabi tungkol
sa akda. Ngunit iba ka na ngayon. Makikita mo ang napakamahal na
presyo sa kantina kaya bibili ka na lang ng sapin-sapin sa tindera
ng kakanin sa may kanto. Sisingilin ka niya ng singkuwenta pesos
at aabutan ka ng ga-kulangot na bagay na nakabalot sa plastik (nilalangaw-langaw
pa ito). Tatanungin mo ang ale. "A, ale, kasama po ba sa singkuwenta
yung langaw, kasi mas malaki pa po siya sa sapin-sapin, e."
Sasagutin ka niya ng isang malutong na "Putang ina mo! Lumayas
ka nga dito!" Lalayo ka at mag-iisip. Oo, apektado ka na ng
mga bagay-bagay na dati'y hindi mo napapansin. Habang lumalaki ka'y
nakikilala mo ang iba't ibang mukha ng buhay. Pinahahalagahan mo
na ngayon ang beinte singkong nakalilimutang isukli ng drayber ng
dyip (minsa'y nang-aaway ka pa nga). Hindi mo na iniinsulto ang
mga nagrarali dahil alam mo nang tama at may kabuluhan ang kanilang
ipinaglalaban. Makikisali ka pa nga sa kanila kung usapang tuition
fee ang pinagtatalunan. Mapapaupo ka sa isang tabi, natapos mo na
ang iyong binabasa. Maaalala mo ang pamilya ng mangingisdang tinuluyan
mo noong nag-field work ka para sa isa mong subject. Maaalala mo
ang lahat-lahat, dahil lamang sa isang akda na pinababasa ng iyong
guro. "Oo, kaya pala nagpupursigi ako sa pagsusulat, dahil
dito. Dahil sa nakakita ako, nakarinig, nakadama," ito ang
mababanggit mo sa iyong sarili. Pag-uwi mo sa iyong tahanan, magmamadali
kang kukuha ng papel at panulat. Sisimulan mo nang bihisan ang iyong
nililikha ng telang hinabi mo mula sa mga karanasang iyong pinagtagni-tagni.
Susuotan mo ito ng damdaming ibinigay sa iyo ng mundo, kukulayan
ng magagarang salita, patitingkarin ang katotohanan, bubuhayin.
Matutulog ka nang may ngiti sa iyong mga labi, hindi lang dahil
sa may ipapasa ka na sa iyong propesor, ngunit dahil na rin sa may
isa na namang kaluluwang naliwanagan ng katotohanang ibinabahagi
ng isang mahusay na manunulat. Totoo nga, kung magsusulat ka, ikaw,
ang buhay mo, ang iyong direksiyon at pokus sa buhay, ang talagang
nalilikha.
*Ang istilo
ng pagsusulat ay hango sa sanaysay na "Kung Susulat Ka"
ni Jose T. Villarin, S.J.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|