MAIKLING
KUWENTO
Lakbay
Ni Piya C. Constantino
HINDI UMAABOT
ang mga tulo ng luha sa kalye. Tinatangay agad ng hangin. Hindi
ko na alam kung saan napupunta ang mga patak.
Tumutulo rin ang mga
puno, poste, langit sa labas ng bintana. Humahalo sa tubig, ipinipinta
ng bintana kahit ang bawat obra ay binabawi rin agad ng hanging
humahampas sa bawat gilid ng kotse. Madilim ang lahat ng ipinipinta,
may kulay ang mga puno pero laging itim ang langit.
Wala akong bintana. Nakikisilip
lang ako, nakikinood sa bintana ni Ate, ni Kuya, ni Nanay. Sumisilip
kahit masakit sa leeg. May sariling bintana si Tatay pero hindi
niya pinapanood ang paghalo-halo ng mga kulay. Mas gusto niyang
panoorin ang pagdating ng kalsada kahit wala namang pagbabago, dire-diretso
lang ang semento ng highway na parang walang katapusan.
Ganitong-ganito rin dati,
pero ibang-iba. Dating hindi ko pa nalalapat ang paa ko sa halos
mabutas nang sahig ng kakarag-karag na kotse namin, ang kotseng
kailangang hila-hilahin ang mga kable para mabuhay ang makina. Masuwerte
kami noon at napaandar ang kotse nang hindi nasusunog ang makina
tulad ng laging nangyayari. Dahil siguro malamig din noon, bumubuhos
ang malalaking patak na humahamon sa manipis na yero ng kinakalawang
na sasakyan. Sinisipa-sipa ko ang mga upuan sa harap, nag-iiwan
ng mga marka ni Rainbow Brite na gawa sa putik.
Nag-uusap sina Nanay
at Tatay, usapang sila lang ang nakakaintindi at sila lang ang dapat
umintindi. Usapang matanda. Namatay na raw si kwan at may magaganap
na kwan sa darating na linggo. Alam daw ba ni Tatay na kwan si kwan…?
Sabay magtatawanan, hindi malakas pero nakabibingi sa loob ng kotse.
Humahalo sa ingay ng ulan at sa ingay ng kalbong gulong sa baku-bakong
kalsada. Humahalo at nagiging isang tunog.
Nagbabasa si Ate ng librong
hindi ko pa pwedeng basahin dahil maliit pa raw ako. Paglaki ko
na lang daw, hindi ko pa kasi maiintindihan. Namumutla ang mukha
niya sa likod ng makakapal na lente ng salamin niya, nahihilo siguro
sa pabago-bagong bilis ng pag-andar na nagpapagalaw sa flashlight
na nakatutok sa hawak na libro. Tinititigan ni Kuya ang isang guhit
sa paborito niyang komiks. Si Incredible Hulk, ang pinakamalakas
na nilalang sa mundo, ang hindi kailan man matatalo, sabi ni Kuya.
E paano kung tumanda na siya? Malakas pa din ba siya noon? Tinanong
ko sa kanya isang beses. Hindi tumatanda si Incredible Hulk, sabi
ni Kuya. Kaya raw hindi mawawala ang lakas niya. Pwede ba 'yun?
Hindi na niya ako sinagot.
Tumingala ako sa bubong
ng kotse. Masyadong manipis ang kinakalawang na bubong, masyadong
malakas ang ulan. Tatay, mabubutas na ang bubong. Tatay, mababasa
tayo. Nagtawanan lang silang lahat.
Pasikot-sikot ang kalsada.
Pinapanood naming lahat ang pagdating ng makitid na aspaltong pinakintab
ng ulan. Maraming dilaw at kahel na ilaw na nakayuko sa kalye, ginagabayan
kami. Winawalis ng mga ilaw ang kotse. Tatay, huhulihin ako ng mga
ilaw, wawalisin nila ako. Tawanan na naman, pero hindi na kasali
si Kuya. Natatakot din siyang mawalis ng mga ilaw.
Ayan, kukunin ka na ng
ilaw, lagot ka! Walang bahid ng ngiti ang mukha ni Ate. Tumingala
uli ako. Magkasabwat ang ulan at ang ilaw. Bubutasin ng ulan ang
bubong, mababasa ako, tapos hahanapin ako ng ilaw sa butas para
walisin.
Gusto kong umiyak. Ayokong
mabasa ng ulan at ayokong mawalis ng mga ilaw. Pero hindi pa nagsisimulang
tumulo ang mga luha ay pinatahan na ako ni Tatay. Hindi raw mabubutas
ang bubong. Hindi raw niya hahayaang mawalis ng mga ilaw ang bunso
niya.
Malapit na ba tayo? Higit
sa sampung beses ko na yatang natanong iyon. Malapit na. Sandali
na lang.
Panandaliang lumiwanag
ang langit sa biglang pagkidlat, binalik ako sa kasalukuyan. Patuloy
pa rin sa pagpinta ang mga bintana. Mas makulay ang bintana ni Ate
kaysa sa kay Nanay. Nalalapat ko na ang paa ko sa malambot na sahig
ng kotse, pero hindi ko pwedeng putikan kasi magagalit si Nanay.
Nabasa ko na ang libro ni Ate pero hindi pala maganda. Nalaos na
si Incredible Hulk. Wala pa rin akong bintana.
Malakas ang
pagbuhos sa labas pero hindi halos dinig sa loob, pinipigil ng malalambot
na telang bumabalot sa loob ng kotse ang mga sigaw ng ulan. Walang
lubak ang semento ng highway maliban lang sa mga linya kung saan
nagtatapos ang bawat parte ng kalsada, pantay-pantay ang layo sa
bawat isa. Tumutunog ang makakapal na gulong sa pagdaan sa mga pagitang
ito. May pulso ang kotse. O ang kalsada ba? Bumilis ang pintig.
Wala pa ring nagsasalita.
Sinusubukan akong abutin
ng hangin, parang ang mga ilaw na sinubukan akong walisin noong
bata pa ako. Umiihip ang umuusok na kalamigan nito mula sa harap
ng kotse, sa pagitan nila Nanay at Tatay. Walang pumipigil sa hangin.
'Nay, malapit na ba tayo?
Tinanong ko ang batok ni Nanay. Malapit na malapit na, sagot ng
batok ni Nanay. Saan nga ba talaga tayo papunta? Tahimik ang batok
ni Nanay, baka ninakaw din ng malamig na hangin ang kanyang sagot.
Nakatitig lang ang lahat
sa kanya-kanyang bintana. Wala akong bintana. Patuloy ang pagsuyod
ng mga ilaw ng kotse sa kalsadang hindi lumiliko at hindi nagtatapos.
Uwi na tayo.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|