TULA
Biktima
Ni Peter Robles
...samantala,
isang kolboy ang nahuli ng mga pulis
kaninang alas-dos kuwarenta'y singko ng madaling-araw.
Ayon sa report,diumano'y hinoldap ng suspek
ang isang bading na beautician dahil
hindi sila nagkasundo sa presyo ng naturang kolboy...
Nag-ala Fernando Poe
Jr. ka
sa pagbugbog sa salarin-
isang beinte anyos na lalaki,
sabi mo'y di kaguwapuhan
pero makinis at malaman
(mapagtitiyagaan);
tatlong suntok sa gilid ng braso,
dalawa sa sikmura,
isa sa mukha,
sabay hawi sa maalon mong buhok
na ngayo'y pula ang kulay
sumunod ang pambabatok
sa nakaposas na kaaway.
Siyempre nga naman,
nakatutok ang mga kamera,
nag-aabang ang mga radyo,
nakapila ang media
para sa ilang minutong salaysay
ng biktima ng pagnanakaw
na namasyal sa lansangan
sa dilim ng madaling-araw.
May mga ngiti sa iyong
labi
sa iyong pag-uwi,
at sa isip-isip mo'y
makakatulog ka nang mahimbing
dahil,
sa tulong ng pulisya,
isang kawawang bakla
ang nabigyan ng hustisya.
Mamaya uli.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|