v 23.0
Nobyembre 15-30, 2002  
Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook
MULA SA PATNUGOT
Mga Lihim at Sorpresa ni Ate

ITONG ATING Mahal na Pangulo, ang Ate ng Bayan, pati na rin ang kanyang mga bataan, sadya palang mahihilig sa taguan at gulatan.

Naalala pa ba ninyo ang biglaang pagputok noon ng isyu ng Balikatan? Lingid sa ating kaalaman, niluto na pala ng Palasyo at ng United States ang war games na nagdala rito ng kayraming sundalong Kano.

Syempre, kadalasan, ang mga istorya'y may part two. At eto na nga ang Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) na biglaan at palihim na nilagdaan noong Nobyembre 21, sa Camp Aguinaldo ng mga kinatawan ng militar ng United States at Pilipinas.

Nagulantang ang mga kasapi ng Kongreso at ang publiko sa pagputok ng balita ng lagdaang sinaksihan ng sasampu katao lamang.

Ang MLSA ay magbibigay ng karapatan sa US military na magkaroon ng storage facilities dito sa Pilipinas. Nangangamba ang mga kritiko na magbibigay-daan din ito sa pagkakaroon ng walang patumanggang karapatan ng US military na dumaong sa mga daungan ng Pilipinas.

Pero paulit-ulit nang sinabi ng administrasyon na ang MLSA ay isang simpleng administratibong kasunduan lang. Magsasaayos lang daw ito sa bentahan at palitan ng military logistics sa pagitan ng US at Pilipinas. Ayon kay US Ambassador to the Philippines Francis Ricciardone, medyo boring daw para sa kanila ang MLSA dahil may mga ganitong kasunduan naman daw sila sa mahigit 50 bansa.

Hindi naman pala malaking bagay ang MLSA pero bakit kinailangang ilihim at gawin pang sorpresa ang paglagda nito?

Tila nakalimutan na ni Ate at ng kanyang mga alipores na ang transparency sa pamahalaan ang isa sa mga isinigaw natin sa EDSA, Mendiola, at iba pa noong kasagsagan ng People Power 2.

Paalalahanan natin sila.

Samantala, inihahandog namin sa inyo ang pinakabagong isyu ng Tinig.com at ang medyo binagong disenyo habang patuloy na pinaplano ang mas pinagandang Tinig.com.

Sa kabila ng mga nakadidismayang lihim at sorpresa, maligayang pagbabasa!

 

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

Back to Main page
 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved