v 23.0
Nobyembre 15-30, 2002  
Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

Bakit Ako Malungkot
Ni James Paul Fajardo

NAALALA KO pa nung nakatira kami sa Almacen sa probinsya, Grade 2 yata ako sabi ng nanay ko: ayusin ko ang paglakad ko. 'Tsaka hindi ko makakalimutan nung sinulat ng pinsan ko sa dingding ng sala ang salitang "bakla." Alam ko na iba ako e. Unang araw ko sa elementary school, hinatid akong nakayuko hanggang sa silid-aralan. Hiyang-hiya ako...

Malungkot ako kasi parang acting career ang buhay ko, e. Di mabilang na beses nang pinag-aaralan ko ang paglakad ng iba, mahirap nang me makaalam na bakla ako. Magsisinungaling pa ako nun sa mga slambook pagdating sa "Who is your crush?" dahil dapat babae. Para 'kong nag-a-audition para sa papel na lalaki.

Matagal na akong hindi homesick e. Ang ikinalulungkot ko lang e pakiramdam ko sumpa ang pagiging bakla ko. Nainlove na ko e, maraming beses na. Humanga na rin ako tulad nyo. Pero laging me kakambal na kahihiyan at galit sa sarili kasi masama ang mga pakiramdam na yun. Kahit pilitin ko hindi ako sa babae nabibighani.

Pinakamalaking takot ko e yung me magsabi sa 'king bakla ako. Hindi ko siguro malalaman ang gagawin. Buong buhay ko ginawa ko lahat para walang makahalata. Sana alam nyo kung gano kahirap magpanggap. Maraming sandali na gusto ko nang magtapat sa iba pero sabi ko, sayang naman ang mahigit sampung taon kong paghihirap. Wala na 'kong inisip kundi ang patunayan na lalaki ako. Ginagawa ko to para hindi nyo ko tuksuhin. Pinoprotektahan ko lang ang reputasyon ko. Sana sa lahat ng pagod ko balang-araw hindi na ko bakla. Sayang itong pekeng James na ginawa ko para sa respeto ng iba kung bigla akong maglaladlad. Pinaghirapan ko 'to.

Pero kailangan, e. Pano ko mamahalin ang sarili ko kundi ko sya matanggap? Di bale nang tuksuhin basta kakampi ko lang ang sarili ko. Nakahinga 'kong maluwag nung magsimula akong sabihin sa iba na bakla ako. Sabi ko, sa wakas nandito na ang tunay na James na pilit kong itaboy noon. Hindi ko maipaliwanag ang saya ng pagiging totoo sa sarili. Kaya kong magpanggap habambuhay pero alam ko na hindi yun ang plano ng plano ng Maykapal.

Pinapangarap ko ang araw na hindi na kailangang magkunwari ang mga katulad ko dahil wala kaming dapat ikahiya.

Si James, 18 ay Pilipinong nakatira sa Guam. Unang lumabas ang artikulong ito sa kanyang personal Web site, ang Yakap.com, noong Oktubre 30.

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

Back to Main page
 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved