v 23.0
Nobyembre 15-30, 2002  
Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

LATHALAIN
IRRI nais panagutin sa pagkalason

Ni Dennis Espada

LOS BANOS, Laguna-Nanawagan ang mga dating manggagawa ng International Rice Research Institute (IRRI) kasama ng mga dalub-agham at di-pampamahalaang samahan na papanagutin ang nasabing institusyon sa mga diumano'y pinsala sa kalusugan at kapaligiran dulot ng paggamit ng pestisidyo at kemikal.

Dahan-dahang pahirap
Iniulat kamakailan ng Brotherhood of IRRI Support Services Group (BISSIG), samahan ng rank-and-file na manggagawa at magbubukid sa nasabing institusyon, ang dalawang pinakabagong kaso ng pagkamatay ng mga manggagawa sanhi ng anila'y pagkalantad sa nakalalasong kemikal.

Dalawampu't dalawang taong nagtrabaho bilang field worker ng IRRI si Raymundo "Ka Mundo" Mercado. Dati siyang magsasaka na taga-Bgy. Paciano Rizal na napilitang ibenta ang kanyang lupa sa UP Los Banos dahil sa pangako ng pamahalaan na mabibigyan sila ng security of tenure bilang manggagawa sa IRRI. Tinanggal siya sa trabaho noong 1997 at mula noo'y nanguna na siya sa pakikibaka laban sa IRRI.

Noong nakaraang taon, nasuri siya ng mga manggagamot bilang dumaranas ng kidney failure na pinalalala ng di-normal na blood pressure. Ito'y resulta ng matagal niyang pagkababad sa pestisidyo at mga nakalalasong kemikal nang di gumagamit ng proteksyon sa katawan. Mula noo'y sumailalim siya sa blood transfusion at dayalisis. Namatay siya noong ika-12 ng Oktubre.

Mula 1975, nagtrabaho si Pantrasio "Ka Para" Mercado bilang manggagawang-bukid sa IRRI. Walong oras kada araw ay naglalagay siya ng insektisidyo at pestisidyo sa mga experimental fields ng institusyon. At gaya ni Ka Mundo, di rin siya pinagagamit ng anumang proteksyon. Sa katagalan, nagbunga ito ng sakit sa balat at paa hanggang sa bawian siya ng buhay noong ika-31 ng Agosto dahilan sa kidney failure, bronchitis at leukemia-related disease. Siya'y nasa edad 59 taong gulang at may limang anak sa kanyang nag-iisang asawa.

Sa isang pakikipanayam noong ika-17 ng Nobyembre kay Jun Layosa, tagapagsalita ng BISSIG, sinabi niya na "may medical check-up ang doktor ng IRRI sa mga manggagawa subalit ang ulat nito'y confidential. Kapag nalaman ng pamunuan ng IRRI na nakikipag-ugnayan sila sa amin o di kaya'y lumala ang kanilang karamdaman, kaagad na silang tinatanggal sa trabaho." Sa kasalukuyan, ang kaso ng mga natanggal sa trabaho ay dinidinig sa National Labor Relatons Commission (NLRC) sa Lungsod ng San Pablo.

Masakit na Pagtatanggal
Inihayag ni Duncan Macintosh, puno ng Visitors and Information Services ng IRRI sa isang pulong balitaan noong ika-30 ng Oktubre na binawasan ng 48 bahagdan ang pondong ibinibigay ng pamahalaang Hapon dahilan sa krisis pang-ekonomiya. Aniya, "Ang bansang Hapon ay nagbibigay sa IRRI ng tinatawag naming unrestricted na pondo na siyang ginagamit naming sa pagpapasuweldo sa mga manggagawa at pagbabayad ng batayang gastusin. Kung kaya ang pagbawas nito ay napakasakit sa amin."

Pinaliwanag niya na bilang pampublikong institusyon, kung noo'y 40-50 milyong US dolyar ang natatanggap nitong pondo taun-taon sa mga donor mula sa iba't ibang bansa, ngayo'y may tinatayang 20 milyon na lamang ito.
Ayon kay Macintosh, mapipigilan sana nila ang pagkawala ng trabaho ng mga manggagawa "kung sila'y makahanap ng bagong mapagkukunan ng pondo." Sinabi rin niya na nakapagbigay pa sila ng 1.5 milyong dolyar halaga ng retrenchment package na may katumbas na isang milyong piso kada tao para sa 172 na tinanggal sa trabaho.

Paraan ng Kaligtasan
Batay sa pananaliksik ng Institute for Occupational Health and Safety Development (IOHSAD), isang independyenteng grupong mananaliksik sa mga komunidad na nakapaligid sa IRRI, may 55 respondents (62.5 bahagdan) ang nagkumpirma ng masamang epekto ng pestisidyo at iba pang kemikal.

Iniulat rin ng IOHSAD na inilabas noong Pebrero na, "madalas dumanas ang mga tao ng matinding pagkahilo, skin rashes, pagtutubig ng mata, motion sickness, numbness, pananakit ng kalamnan, panginginig, pagsusuka, pananakit ng dibdib, pag-uubo at acidity."

Ngunit sa isang pahayag, sinabi ng pamunuan ng IRRI na may mga "bagong pamamaraan ang kamakaila'y itinatag ng institusyon na nagtatakda sa mga manggagawa na sumailalim sa dagdag na serye ng regular na pagsasanay na makakatulong upang proteksyunan sila laban sa malawakang hanay ng pagkabaldado at kronikong kalagayan."

Ang hakbang na ito, ayon sa pahayag na nakasulat sa Inggles, ay "part of IRRI's long standing commitment to farm worker safety and its research emphasis on Integrated Pest Management (IPM)."

Para kay Macintosh, tahasang kasinungalingan na ituring ang IRRI na may gawa ng pagkalason at pagkamatay sa komunidad. Aniya, nabawasan pa nga ang pesticide inputs sa kanilang mga sakahan. "Sinuman ay maaaring magpunta sa IRRI at makipagtalakayan sa amin hinggil sa kaligtasan at epekto ng biotechnology. Handa kaming makinig sa kanila kung mayroon silang lehitimong argumento," pagdidiin niya sa wikang Ingles.

Samantala, sinabi ni Dr. Romy Quijano, isang dalub-agham mula sa UP Manila at puno ng Pesticide Action Network (PAN)-Philippines sa isang pulong-balitaan sa Lungsod Quezon noong ika-25 ng Oktubre bago ang pagbubukas ng pagtitipon ng mga kasapi ng Consultative Group on International Agricultural Research (CGIAR) na, "Bagamat sinasabi ng IRRI na mataas ang kanilang pamantayan sa occupational health and safety, hanggang sa kasalukuyan ay marami pa ring nakalalasong kemikal ang ipinapagamit ng IRRI sa kanyang mga manggagawa."

Binigyang-diin ni Quijano na hindi totoong pinangangalagaan ng IRRI ang kalusugan dahil hindi nagkaroon ng sapat na pagbibigay-kaalaman sa mga manggagawa para maiwasan sana ang matinding epekto ng mga lason.
"Ang masaklap pa dito, di man lang sila mabigyan ng kaukulang kumpensasyon. Hindi rin sila makapagsampa ng reklamo dahil sa may imyunidad ang IRRI sa pamamagitan ng Presidential Decree (PD) No. 1620," wika pa niya.

Panawagan sa Proteksyon
Bilang pagtugon sa panawagan ng iba't ibang samahan, isinulong sa mababang kapulungan ng Kongreso ang isang panukala na magbibigay ng proteksyon sa karapatan ng mga nagtatrabaho sa IRRI.

Ang House Bill 5095 na tinaguriang "IRRI workers' rights act" ay naglalayong alisin ang immunity ng IRRI sa pagsasampa ng reklamo kaugnay ng mga batas sa paggawa, isang pribiliheyo na nakuha noong 1979 sa bisa ng PD 1620 sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Ayon kay Kinatawan Satur Ocampo ng Bayan Muna partylist, "IRRI has invoked this blanket immunity to subvert labor rights, conduct union-busting activities, harass unionists and implement mass layoffs." Para kay Ocampo, sa pagsasabatas ng HB 5095 ay maitutuwid ang matagal nang inhustisya sa mga manggagawa.

 

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

Back to Main page
 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved