Repleksyon
sa Isang Pelikulang Hapon
Sining-Pelikula, Kasaysayan, at Kinabukasan
Ni Dennis Aguinaldo
INANTABAYANAN KO talaga
itong Eiga Sai 2002, ang libreng pagpapalabas ng mga kontemporaryong
pelikulang Hapon sa EDSA Shangri-La. Pinalad naman ako't nagkapanahon
upang makapanood.
Sa anim na pelikula,
tatlo ang napanood ko. Una kong napanood ang "Adorenarin Doraibu"
(Adrenaline Drive) at sumunod ang "Nabbie No Koi" (Nabbie's
Love). Parehong nakakaaliw na kwento ng pag-ibig ang dalawa.
Life, Love, and Laughter
ang tema ng Eiga Sai. Sawa-sawa ka naman talaga sa dalawang huling
elemento duon sa unang dalawang pelikula. Masaya talaga. Pero para
sa akin pinakamatingkad ang tema ng buhay sa "Ashita".
Kung hindi kayo nakapanood, hayaan nyong ikwento ko ha?
Pelikula
Mga pira-pirasong sulyap
sa iba't ibang buhay ang ipinamahagi sa mga manonood. Nariyan ang
isang salu-salo, kompleto rekados ang mga handa, todo satsatan,
at may kuhanan pa ng litrato! May isang pares na bagong kasal. Sa
kalaliman ng gabi ng kanilang pulot-gata, nababagabag ang isipan
ng lalaki. May lihim na hindi makuhang ibunyag sa kanyang bagong
kabiyak.
Gayun din naman ang estado
ng pag-iisip ng dalawa pang binata. Nasa tahanan ng puta ang isa,
lugmok sa pagsisisi sa pag-iwan niya sa kanyang kaibigan sa maiitim
na kamay ng peligro. Sa saglit ng magkasanib na kahinaan, nagbahagi
rin ang babae sa kanyang kliyente.
Naghihintay naman ang
isa pang binata sa kanyang sinisinta. Masiglang tumakas ang dalaga
mula sa bahay upang makarating sa kanilang luntiang tagpuan. Masaya
pa niyang isinalaysay ang kanyang pagtakas habang habol-hiningang
sinasalubong ang katagpo. Subalit mabigat ang balita ng binata.
Dumating na ang draft. Isasama siya sa pwersang susugod sa pagpapatuloy
ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
At sa isang bahay, dinadaluhan
ng kumadrona ang isang babaeng ipit sa isang mahirap na panganganak.
Itinapon ng lahat ng
karakter ang kanilang mga panaginip, pagbubunyag-lihim, pag-aalala,
pagkabahala, at kaligayahan sa isang hinaharap. Bagamat balisa buhat
ng mga suliranin at ligalig na kaakibat ng giyera, hinarap ng mga
tauhan ang kanilang kinabukasan.
Nangyayari ang lahat
ng ito sa Nagasaki, ikawalong araw ng Agosto, 1945. Hindi lahat
ng kwento ay magkakaugnay, ngunit pinagtagni-tagni ang mga ito sa
mantel ng digma. Kinaumagahan, nadebelop ang litrato at nailuwal
ang isang magandang sanggol. At buong-loob na tumingala sa bagong
umaga ang ating mga bida.
Pagsapit ng tanghali,
ibinagsak ang bomba.
Historia
Sinusulat ng mga nagtagumpay ang kasaysayan, ika nga.
Ngunit sa mga panahong ito kung saan sadyang basag at kalat ang
mga pamantayan ng tagumpay, lubos na interesante ang mga kasaysayan.
Para sa akin, lalo na ang kasaysayang nakahain sa porma ng sining.
Heto ang mga Hapon, halimbawa.
Naging mananakop natin ang mga Hapon at sa panahon nila, iniluwal
ng bansa ang mga comfort women, collaborator,
papet, gerilya, at Huk. Kung tutuusin, natalo sila dahil naroon
tayo sa banda ng mga nanalo, pinangungunahan ng Estados Unidos at
Britanya.
Sinasabing ang mga bombang
ibinagsak sa Nagasaki at Hiroshima ang tumapos sa gyera. Pero wasak
rin ang Maynila dahil sa "mapagpalayang" pagbomba ng mga
Kano. At sa komparatibong analisis ng mga kondisyong postwar, makikitang
parang mas tinrato pang kakampi ang Hapon at ang Pilipinas ang kaaway.
Paglaon ng galit ni MacArthur
at ng mga Kano, napakaraming pabor ang binigay sa bansang Hapon.
Pati ang pambayad ng reparasyon sa atin ng Hapon, pinakiusapan ni
MacArthur na bawasan ang hinihingi para bigyan ng puwang ang mga
Hapon na makaahon.
Mabuti iyon kung ganoon
lamang. Ngunit ipinupwesto na ng mga Kano ang mga Hapon sa Hilagang-Silangang
Asya bilang kapangyarihang proxy. Tinatapatan ng US ang banta ng
komunismo sa Korea, at mga karatig-bansa. Itinapat rin ang mga Hapon
sa mga Ruso na dati na nitong nakatunggali at natalo.
Hanggang ngayon, gamit
pa rin ng mga Hapon ang Konstitusyong mula sa mga kamay ni MacArthur.
Naging makapangyarihan ang mga Hapon, pero sa kabila ng lahat, hindi
mawawala ang sugat ng dalawang syudad.
Sa ngayon, isa sa mga
pangunahing ekonomikong karibal ng US ang Hapon. Pero hindi pa rin
matanggal ng mga Hapon ang base militar ng mga Kano sa kanilang
bansa. Pinag-aaralan ng ilang dalubhasa nila kung paano napatalsik
ng mga Pilipino ang mga base militar.
Hinaharap
Halata sa larangan ng sining ang mga relasyon ng kapangyarihan.
Ngunit iba ang dinamiko nito kaya para itong malakaleidoscope na
masalimuot na sumasalamin sa kalagayan ng mga indibidwal at komunidad.
Naalala ko ang "Pearl
Harbor" at iba pang malapropagandang pelikula ng US tungkol
sa kasaysayan nito. Nakikita natin lalo na sa mga pelikulang aksyon
ng Hollywood ang pagdidiin ng mga Kano sa kanilang sarili bilang
inherent na pinuno sa gilas, lakas, at talinong-pandigma. Mahahalata
ito lalo na sa mga pantasyang pre-apokaliptikong senaryo kung saan
nakasalalay sa militar na teknolohiya ng mga Kano at indibidwalistikong
(mala)bayani nito ang kaligtasan ng sangkatauhan.
Sa isang eksena sa "Armageddon",
pinahayag ng pangulo ng US na ang sandaling iyon ng pandaigdigang
peligro ang kulminasyon ng lahat ng agham at teknolohiyang nahasa
sa mga gyera. Dito natin mababasa ang hustipikasyon ng mga makapangyarihan
sa kanilang madugong kasaysayan. Kaya't mahusay basahin ang dalawang
daloy na ito na tinutustusan ng bilyong dolyar ng Hollywood: ang
hustipikasyon sa pamamagitan ng alamat ng ginintuang kasaysayan
at mito ng maluwalhating kinabukasan.
Sa pagtutok sa mga inaangkat
na pelikula, mainam na balansehin ang dyetang Pilipino ng mga gumagalaw
na teksto mula sa ibang bansa at puntodebista. Isang mahalagang
kontribusyon ito sa tunay na pandaigdig na kultura. Mabibilang ang
"Ashita" sa mga importanteng pelikula. Kung sa pelikula
ng US, tinutukan pa ang bombang Hapon na pabagsak sa isang aircraft
carrier, sa pelikulang ito naman, isang malabong litrato na lang
ng mushroom cloud ang pinakapresensya ng bombang atom. Tila iniimbitahan
ang manonood na siyang magbigay-timbang sa tunay na halaga ng mapangwasak
na pwersang ito.
Hindi ito tuwirang naninisi.
Iniiwan iyon sa sistema ng moralidad at pagpapahalaga ng mga manonood.
Tila nga wala itong kubling agenda. Ito lamang, simple, ang estetikong
pagsasalarawan ng mga epekto sa mga mamamayan ng isang mapanlupig
na bomba. Pero dahil sa bigat ng historikal na pangyayari na natanaw
mula sa buhay ng mga pumanaw na indibidwal, hindi maiiwasang hindi
humusga.
Sa mas malaking larawan,
ito ang pagpapalabas ng saglit ng kamatayan ng mga pangarap, ng
anumang kinabukasan. At kung nais itong iugnay sa mga kasalukuyang
daloy, ito ang maayos na pagsasapelikula hinggil sa pinakamalaking
pagka-ipokrito ng mga Kano tungkol sa terorismo. Sa pamumulisya
nito sa mga bansa at pagbabala ng mga bansa laban sa ibang bansa,
tila kinukubli ang tanging bansang historikal na tumulay sa tunay
na pangmasang pangwawasak.
Overkill ang pagbagsak
ng proyektong Manhattan sa Hiroshima at Nagasaki. Talo
na ang axis. Sadyang aroganteng pambabala na lang ito ng EU sa mga
bansa at ideolohiyang kumokontra o kukontra pa lang rito. Sumunod
rito ang Cold War at ang black ops ng CIA, ang ahensyang may kinalaman
sa hindi iilan lamang sa mga terorsitang grupong ngayo'y sinisilo
nito.
Malinaw na anumang diskarteng
pangkapangyarihan ay may aspetong kultural, ang paghubog at pagpapalambot
sa kamalayan upang madaling mausog o makontrol. Dito ko isinasalig
ang aking asersyon na mabuting kontrahin at tapatan ang mga problematikong
imaheng bumabaha mula sa kahiya-hiyang gastos ng Hollywood.
Dito isinasalig
ang pagkilos tungo sa isang mas malawak na pananaw na mas may karapatang
mabansagang "pandaigdig".
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|