Pulitika
at Telenobela
Ni Armando Sinaglahi
HABANG TUMATAGAL ay tila lalo pang sumisikat ang
mga panooring tinatawag na telenobela, soap opera, sinenobela, o
kung anumang uri ng pangalang ibinibigay sa mga ito. Marahil, ang
pagsikat na ito rin ang nagiging dahilan kung kaya maraming lumilitaw
na kung sinu-sinong artistang malalaki ang ulo.
Ang mga telenobela
ay may layunin daw na bigyan ng pag-asa ang mga kapos-palad na manonood,
o di kaya'y mga taong nawawalan na ng kakayahang mabuhay.
Saan kaya nagsimula
ang telenobela? May mga nagsasabing ito'y nagsimula sa Mara Clara,
Valiente, at Marimar. Subalit sa aking palagay, ito'y nagsimula
sa mga pulitiko.
Tuwi kasing
papalapit ang eleksiyon ay saka naglalabasan ang "malulungkot"
na istorya ng buhay nitong mga pulitiko. Talagang tulung-tulo ang
mga luha, uhog, at laway nila kung inilalahad ang kani-kanilang
mga kuwento.
Tingnan natin
ang mga ikinukuwento ng ibang mga pulitiko. May nagsasabing sila
raw ay dating magsasaka, samantalang ang totoo'y sila ang "nagpapasaka".
Ang sabi naman ng isa ay dati siyang shoe shine boy, at may naglahad
na siya raw ay isang anak sa labas. Hindi ba't katulad din ng mga
nasa telenobela? Pare-pareho silang nagsasabing nagsimula sila bilang
mga hampas-lupa at biglang naging mayayaman. "Mula sa pagkabaon
ay bumangon ako bilang isang bagong nilalang," tila nais nilang
sabihin.
Sa telenobela
ay uso ang walang pusong mga kontrabidang pumapatay ng mga tao,
at sa pulitika naman ay uso ang patayan; parang matira-ang-matibay
kapag nagaganap na ang eleksiyon.
Uso rin sa telenobela
ang pagnanakaw ng kontrabida at pambibintang nitto sa bida. Ganito
rin ang nangyayari kapag may nananakawan ng balota, kung sinu-sino
ang nagtuturuan.
Paminsan-minsan—lalo
na sa mga telenobela ng ibang bansa—ay may isang seksing babaeng
nagbabawas ng kanyang saplot sa katawan upang maragdagan ang nakikita
ng mga manonood sa maganda niyang hubog. Nangyayari rin ito sa pulitika;
hindi ba't talamak ang dagdag-bawas sa eleksiyon?
Ngunit mayroon
din palang ipinagkakaiba ang pulitika at ang telenobela, at ito'y
nangyayari lamang kapag nagkakaroon ng blackout. Kapag may nanonood
ng telenobela at biglang nag-blackout, inis na inis siya, pinagsasasabunutan
ang sarili at mukhang puputok pa ang mga ugat niya sa ulo. Kapag
may nagaganap na eleksiyon at biglang nag-blackout, tuwang-tuwa
naman ang mga pulitiko dahil madali na nilang maisasagawa ang maiitim
nilang balak. Hindi na nila mapigilan ang papagkiskisin ang mga
kamay at maglabas ng ngiting kasinlaki ng pagitan ng mga Galaksiyang
Milky Way at Andromeda.
Tingnan mo nga
naman talaga ang mga telenobela at ang pulitika. Kung puro telenobela
na lang ang makikita saanman tumingin, ano na kaya ang mangyayari
sa atin?
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|