Sino
ang Lalong Baliw?
| Alipato |
 |
| Alexander
Martin Remollino |
KARANIWAN NA
natin silang masalubong sa mga lansangan—at may mga nagsasabing
habang lumilipas ang panaho'y lalo silang nagiging karaniwan. Iba't
iba ang kanilang anyo: ang iba'y taong-grasa, ang iba'y tila hindi
naman naiiba sa atin sa bihis, bagama't sa hitsura'y mapaghahalatang
may katagalan nang di nahahagkan ng tubig ang katawan. Sila'y itinatangi
ng kanilang mga kakaibang gawi. May ilan sa kanilang makikita nating
tawa nang tawa nang nag-iisa kahit na wala naman tayong makitang
anumang sukat nilang pagtawanan. May ilan diyang sasayaw-sayaw nang
halos walang suot sa gitna ng lansangan.
Sila ang mga
baliw. Di lang sa mga lansangan sila natatagpuan; marami pang katulad
nila sa mga pagamutan.
Karaniwan na
rin nating pagtawanan ang mga tulad nila. Subalit sino ba sila at
ano ang ipinag-iba natin sa kanila?
Sa mga diksiyunaryo,
sinasabing ang baliw ay yaong wala sa matinong pag-iisip, yaong
walang kakayahang gumawa ng makatwirang paglilimi.
Karaniwang itinuturong
sanhi ng kabaliwan ang mga karanasang lubhang hindi katanggap-tanggap.
Ayon sa mga sikologo at sikiyatriko, karaniwan nang kapag ang tao'y
dumanas ng ganito ay ang kanyang isip na mismo ang gumagawa ng paraan
upang ilayo ang kanyang kamalayan sa mapait na katotohanan.
Datapwat may
isang uri ng kabaliwang higit na laganap bagama't di pa napagtutuunan
ng pansin ng mga dalubhasa sa sikolohiya at sikiyatriya. Ito'y ang
kabaliwang likha ng katamarang magbukas ng isip upang umunawa.
Ang mismong
pagtatawa natin sa tuwing tayo'y makakikita ng karaniwang baliw
ay isang tanda ng kabaliwan. Hindi ba't ang matinong pag-iisip ay
uunawa sa kanila sa halip na sila'y pagtawanan pagkat ganap na nakagagagap
na hindi nila buong kasalanan ang kanilang pagkakagayon?
Bukod pa rito'y
maraming iba pang uring kabaliwan tayong ginagawa na hindi natin
napapansin. Dahil dito'y maitatanong natin kung sino ang higit na
baliw—tayong diumano'y may matinong pag-iisip o silang ang
isip ay tinakasan ng katinuan.
Tayong mga nagpapabayang
pagpasasaan ng mga dayong huwad na tagapagligtas ang ating bayan—hindi
kaya tayo'y higit pang baliw sa mga nagtatatawa kahit na walang
nakatatawa at sa mga nagsasasayaw nang halos walang suot sa gitna
ng lansangan?
Tayong mga nagbabaling
ng ating mga ulo sa ibang direksiyon sa tuwing makikita ang kalagayan
ng marami nating kababayang binubusabos ng iilan—hindi kaya
tayo'y higit pang baliw sa mga nagtatatawa kahit na walang nakatatawa
at sa mga nagsasasayaw nang halos walang suot sa gitna ng lansangan?
Tayong mga naghahalal
ng mga pinunong walang galang sa atin at handang ipagbili maging
ang mga bangkay ng ating mga ninuno at ang mga anak nating hindi
pa isinisilang—hindi kaya tayo'y higit pang baliw sa mga nagtatatawa
kahit na walang nakatatawa at sa mga nagsasasayaw nang halos walang
suot sa gitna ng lansangan?
Sino ang lalong
baliw? Sino ang lalong malayo sa katwiran?
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|