E-mail
Ni
Sherbien Dacalanio
PAGBABALIK-TANAW:
Hindi si Munirat
o ang kaawa-awang prinsesa ang mga unang nabiktima ng aking kagaguhan
sa pamamagitan ng e-mail.
Mabait naman
ako at ko maaatim na gumawa ng ganoong karumal-dumal na panloloko.
Pero kung minsan, pag sagad na ang aking pasensya at pagkamapagpakumbaba,
aba’y basta na lang lumalabas ang sarili kong demonyo sa di-maipaliwanag
na dahilan. Sa katunayan, pilit kong tinitimpi ang aking sarili
para di makasakit ng damdamin ng ibang tao pero minsan, di ko na
kayang labanan ang kadilimang bumabalot sa akin at nagpapaalipin
na lang ako rito. At kapag nangyari iyon, tiyak na may masasaktan
sa aking gagawin.
At ganoon nga
ang unang nangyari sa una kong panloloko sa e-mail.
Ang unang walang
kalaban-laban at walang kamuwang-muwang na biktima ko sa e-mail
ay ang aking best friend (at may konti akong paghanga sa kanya).
Oo, ang aking best friend—wala kasing pinipili ng aking pagademonyo;
walang kai-kaibigan o kama-kamag-anak (pero di si Erap ang masamang
ispiritung sumanib sa akin).
Nagawa ko lamang
sa aking best friend iyon para turuan siya ng leksiyon na dapat
kabisahin niya ang mahigit sa sampung e-mail address ko. Napakababaw,
‘no?
Kasi naman,
parati ko siyang inii-e-mail gamit ang isa kong e-mail address sa
Yahoo. Parating iyong e-mail address ang ginagamit ko pag sinusulatan
ko siya. Pero isang bakasyon, nag-e-mail ako sa kanya ng mga larawan
ng iba’t-ibang anghel at lakip pa n'on ang magandang pagbati
at pangungumusta sa kanyang bakasyon; gamit ko dito ang e-mail address
na parati kung ginagamit sa pagsulat sa kanya.
Kinabukasan,
akalain mo ba naming sabihin niyang, “who u?”
Napahiya ako’t
nagalit!
Sa tuso kong
pag-iisip, plinano kong takutin siya…
Agad-agad kong
inemail sa kanya na, “Hello Rizza… I know you but you
don’t know me…” Palibhasa’y naisip kong
gayahin ang pelikulang I Know What You Did Last Summer.
No'ng sumagot
siya sa e-mail, takot na takot ang best friend ko, mababakas ito
sa kanyang reply na puno ng panlalait at mga “f” word.
Ginatungan ko
pa ito ng pagpapadala ng mga nakakatakot na larawan… At kapag
nakikita ko siya sa profile niya sa Yahoo na nasa chatroom siya,
tinatakot ko siya sa chatroom.
Sinasabi kong
alam ko kung nasaan siya sa mga oras na iyon, ano ang ginagawa niya
(alam ko kasing parati siyang tumatakas mula sa bahay para lang
maka-chat ang Kano niyang boyfriend sa chatroom), kung sinu-sino
ang mga kaibigan niya, ano'ng kurso nito, at kung ano ang lovelife
nito...
Talagang takot
na takot na siya sa mga reply niya, kaya't tinigilan ko muna siya.
Minsan, pagkalipas
ng ilang linggong di panggugulo sa kanya, naisipan ko uling lokohin
siya at tiyempo namang namataan ko siya sa teen chatroom ng Yahoo
Chat. Aba’y sinimulan ko ulit. Sa pag-uusap namin, ginawa
ko siyang sunud-sunuran sa aking mga sinasabi sa chatroom upang
sa gano'n ay sabihin ko ang aking tunay na pagkatao. Hinihingi ko
lang naman na 'wag siyang magalit o mamuhi at patawarin muna ako
bago ko i-reveal ang tunay kung pagkatao.
Noong sinabi
kong ako ang kanyang kaibigang may “creative mind, si Sherbien,”
isinara agad niya ang chatroom.
Pinilit kong
humingi ng tawad sa pamamagitan ng e-mail ulit, pero di ko nagawa.
Noong sumunod
na sem, personal akong humingi ng tawad. Sa una’y di niya
ako pinansin pero no'ng nagsawa siya sa pangungulit ko, ikinuwento
muna niya ang impact ng ginawa ko sa kanya bago niya ako pinatawad.
Aba’y
nag-away sila ng kanyang childhood friend na crush na crush niya.
At noong mga panahong ginawa ko ang panloloko e tamang-tama na sana
na magkakatuluyan sila, pero nabulilyaso nang dahil sa akin. Hindi
na niya ipinaliwanag kung bakit nagkagayon. Grounded din siya sa
bahay nila.
Ang laki pala
ng impact ng ginawa ko sa best friend ko, pero ano kaya ang impact
ng ginawa ko kay Princess Williams—maaawa ba ako sa kanya
o ipagpapatuloy ang panloloko?
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|