|
MULA
SA PATNUGOT
Kabataan Laban sa Agresyon at Digmaan
SA MGA sandaling
binabasa mo ang ika-22 labas ng Tinig.com, patuloy na nagbabanta
ang digmaan. Sa isang iglap, maaaring gambalain ng karahasan ang
anumang natitirang kapayapaan sa buong mundo.
Dahil sa marubdob
na pagnanais ng United States na makontrol ang mayamang langis sa
Iraq, pinararatangan at pinagbabantaan ng una ang huli. Mayroon
daw weapons of mass destruction ang Iraq. Pilit na humahanap ng
butas ang US upang mabigyang-katuwiran ang binabalak na pag-atake
sa Iraq. Bahagi raw ito ng kampanya laban sa terorismo.
Kamakailan ay
ipinasa ng United Nations Security Council ang isang resolusyong
magpapadala ng grupong mag-i-inspect sa Iraq. Kapag pumalag daw
si Saddam, aatake ang US.
Masama na kung
masama ang rehimeng umiiral sa Iraq, ngunit daragdagan pa ba natin
ito ng lalo pang kasamaang kakalat sa buong mundo?
Naghahamon ng
digmaan ang US. At ang ating mahal na pangulo ay nagpahayag ng todong
pagsuporta sa mga layunin ng US. Hindi kaya masasangkot tayo sa
gulo?
Papayag ka ba?
Sana hindi. Sana ang bagong salinlahing Pilipino ay magbuklod upang
labanan ang agresyon at digmaan.
Ang digmaan
ay nagdadala ng kamatayan.
Katatapos lang
ng Araw ng mga Patay. Pati nga ang magaling na kartunistang si Nonoy
Marcelo at ang mahusay na basketbolista ng La Salle U na si Migs
Gozum ay namatay. Huwag na nating dagdagan pa ng lalo ang mga namamatay.

For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|