BAYANI
Luksa sa Dagalandia
Ni Ederic Peñaflor Eder
PIHADONG
NAGLULUKSA ang Dagalandia. Ang makulit at malikot na si Ikabod ay
inulila ng kanyang bosing. Ngunit malamang, ang kanilang pagluluksa
ay kaiba sa karaniwan.
Sapagkat kahit
yata sa kanyang paglisan ay tuwa at aliw ang naghatid kay Severino
Santos Marcelo na mas kilala bilang Nonoy Marcelo, kilalang kartunista
na lumikha kina Ikabod, Tisoy, at Aling Otik.
Sa burol niya
sa Funeraria Floresco sa Malabon, nagsidatingan ang mga kamag-anak,
kaibigan, dating kasama sa hanap-buhay, at mga tagahanga. Sa dingding
ng silid kung saan siya nakahimlay ay nakahilera ang mga kanyang
mga larawan at likha. Nagulat at naaliw ang marami nang malamang
noong maliit na bata pa lamang pala ito ay pinagbibihis-babae siya
ng kanyang magulang. May isa nga na humirit: "Buti hindi siya
naging bading."
Habang nagkukuwentuhan
ang mga dumalaw, ang kanyang mga munting apo ay masayang naghahabulan
at naghaharutan. Hindi tuloy maiiwasang maalala ang makulit na tropa
ni Ikabod.
Sa gitna ng
dilim ng Batas Militar na lumukob sa sambayanan noong panahon ng
diktadura, tila liwanag na tanglaw ang nakatatawang mga hirit ni
Nonoy Marcelo sa kanyang mga cartoon, wika ng dating aktibistang
pari na nagmisa nang gabing iyon.
Kahit nang muling
manumbalik ang demokrasya sa bansa, patuloy tayong kiniliti ng kanyang
sining. Naging kartunista siya sa i magazine ng Philippine
Center for Investigative Journalism, sa Philippine Journalism
Review ng Center for Media Freedom and Responsibility, at sa
Pinoy Times ng batikang peryodistang si Eugenia Apostol.
Muli rin niyang inilathala ang Ikabod Komiks.
Bago pumanaw,
si Nonoy Marcelo ay editor ng PTYK magazine ng Manila
Times kung saan tila sinadya ng pagkakataong ang pinakahuli
niyang tinampok ay si Tony Velasquez, Ama ng Komiks at lumikha kay
Kenkoy.
Siguro, ngayo'y
dumalaw na rin si Kenkoy sa Dagalandia upang makipagkulitan kay
Ikabod.
.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|