BAYANI
Nonoy Marcelo
Ni Alexander Martin Remollino
ISA
NA namang matipunong haligi ng sining sa Pilipinas ang binawian
ng buhay.
Sadyang kaylupit
ng taong ito sa mga alagad ng sining sa ating bayan. Magkakasunod
kung sila'y kunin ni Malakalmut/Kamatayan. Nauna na noong Mahal
na Araw ang mga kompositor na magkaibigan sa matagal na panahong
sina Maestro Lucio San Pedro at Mang Levi Celerio. Sumunod noong
Abril 5 ang pinaslang na batang-batang si Beng Hernandez, na bukod
sa pagiging aktibista para sa karapatang pantao'y isa ring makata—at
kinilala ng maraming manunulat sa Davao City bilang isa sa pinakamagagaling
na kabataang manunulat ng kanilang lunsod. Noong dakong dulo ng
Hunyo'y lumisan upang di na magbalik pa ang kartunistang si Larry
Alcala. Nito namang Agosto'y iniwan tayo ng manunulat na si Franz
Arcellana. At ngayon nga'y sumunod na sa kanila upang di na natin
kailanman makapiling si Nonoy Marcelo.
Sa Far Eastern
University unang napabantog ang mga komik istrip ni Nonoy Marcelo.
Naging kartunista siya ng Advocate, ang pahayagan ng mga mag-aaral
sa naturang pamantasan.
Noong dekada
1970, si Marcelo'y naging direktor ng ilang "dokumentaryong"
pinasimunuan ni Imee Marcos.
Ngunit nang
lumao'y nakita niya ang nakapandidiring pagmumukha ng batas militar,
at siya'y naging isa sa pinakamahihigpit na kritiko ng mga Marcos.
Sa pamamagitan ng kanyang komik istrip na "Ikabod" ay
isinatira niya ang mga katarantaduhan ng rehimeng Marcos.
Kung saan-saan
napadpad ang kartun niyang "Ikabod", at ang pinakahuli
ngang kinalagyan nito'y ang nagpinid nang Pinoy Times, kung saan
siya naging art director.
Bukod sa "Ikabod",
na nanalo sa Catholic Mass Media Awards noong 1985, nakilala rin
siya sa paggawa ng iba pang komik istrip—ang "Plain Folks",
"Tisoy"; at ang pinakahuli'y ang "Ptyk", na
kanyang ginawa para sa Manila Times.
Bukod pa rito'y
manaka-naka siyang sumulat ng mga katatawanan, lalo na'y mga katatawanang
may panama sa mga namamahala sa bansa, halimbawa'y sa okasyunal
na pitak na "Ni Ha Ni Ho" sa Manila Chronicle.
Si Nonoy Marcelo
ay isang tunay na alagad ng Pilipinong sining. Sa mga likha niya'y
makikita natin ang ating mga sarili at ang ating katawa-tawang pamumuhay.
Malaking kawalan
ang kanyang pagpanaw.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|