v 22.0
Nobyembre 1-15, 2002  
Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

Ang mga Payo ni Mareng Winnie

Daluyong
Mong Palatino
NANG UNA kong mabasa ang tatlong payo ni Mareng Winnie Monsod sa mga kabataan kung paano babaguin ang lipunan, bigla kong naalala yung sinabi minsan ni Alejandro Lichauco, isa sa mga kakaunting makabayang ekonomista ng bansa, na dapat daw sunugin ang School of Economics ng UP Diliman dahil dito nanggagaling ang mga ekonomistang baliw na baliw sa teorya ni Adam Smith na siyang sanhi ng di-malutas-lutas na krisis sa kabuhayan ng bansa.

Naalala ko ito dahil si Mareng Winnie ay galing sa School of Economics ng UP at may malaking papel sa direksiyon ng pagpaplano ng ekonomiya ng bansa. Bukod dito ay isa siyang sikat at respetadong broadcaster sa TV at radyo. Pinahahalagahan ang kanyang mga komentaryo sa mga usaping pambansa. Hinahangaan ang kanyang katapangan sa paghahayag ng kanyang opinyon at ang kumplikadong isyu ay nagagawa niyang simple para maunawaan ng karaniwang mamamayan.

Subalit sumobra yata ang kasimplehan ng kanyang payo sa mga kabataan. Kung tutuusin, katanggap-tanggap naman ang mga payo ni Mareng Winnie. Malaya ang bawat isa na sabihin kung sino ang ayaw niyang kandidato para sa 2004. Walang masama kung maging aktibo tayo sa barangay at sumulat sa mga diyaryo para ireklamo ang mga tiwaling opisyal ng bansa. Ang delikado ay kung sasabihing ito lamang ang kayang gawin ng kabataan para mabago ang lipunan.

Marami ang pumuri sa mga payo ni Mareng Winnie. Marami din akong narinig na mga batikos. Isa sa mga puna ay ang pagkakahon sa potensyal ng kabataan na maging salik sa pagbabago ng lipunan sa balangkas lamang ng eleksiyon. Mukhang nakalimutan ni Mareng Winnie na ang Presidenteng kanyang sinusuportahan ngayon ay naluklok sa puwesto sa pamamagitan ng isang malawak na pag-aalsa ng mamamayan, kabilang na ang kabataan. Kung eleksiyon lamang ang ating inaasahang magbabago sa gobyerno, siguro hanggang ngayon ay tumatawag pa rin si Erap sa Debate ni Mareng Winnie at Pareng Oca mula sa kanyang kumportableng posisyon sa Malacanang.

Higit sa paglilimita sa kung ano ang kayang iambag ng kabataan sa pagbabago ng lipunan, inilalako ni Mareng Winnie ang kanyang konsepto ng oryentasyon ng kabataan: bumoboto, aktibo sa barangay, at tumatawag o sumusulat sa media. Katatapos lamang ng People Power 2 pero hanggang ngayon ay ayaw pa ring kilalanin ng ilan na ang sumbat nila sa kabataang Pilipino na walang pakialam sa problema ng bansa ay napatunayang mali. Hindi ba't hindi lamang tayo nagkasya noon sa pag-asa sa barangay o media para mapatalsik si Erap? Tayo ay lumabas mismo ng ating mga paaralan at komunidad para makipagkaisa sa iba't ibang sektor ng ating lipunan hanggang mawala si Erap sa Malacanang. Kasama natin ang mga manggagawa't magsasaka sa paghahangad ng pagbabago sa pamumuno, at nagwagi tayo. Napatunayan na nating higit pa sa ipinapayo ni Mareng Winnie ang kayang gawin ng kabataan para mabago ang lipunan.

May isa pang delikadong implikasyon ang payo ni Mareng Winnie tungkol kay Fernando Poe, Jr. Hindi ko alam kung sinadya niya ito pero ginawa niyang isyu ng personahe at indibidwal ang isang usaping nakabatay dapat sa mga programa ng isang partido para sa mamamayan. Imbes na hikayating maging kritikal ang mga kabataan sa isyu ng pambansang soberenya, patrimonya at demokrasya para malaman kung sino ang karapat-dapat sa 2004, hinusgahan agad ni Mareng Winnie sina FPJ at Panfilo Lacson batay sa pagiging artista ng una at ang parehong pagiging malapit ng dalawa sa pinatalsik na Pangulong Erap. Sa ganitong pagpapakete ng argumento ay makakatakas si Gloria Macapagal-Arroyo (na suportado ni Mareng Winnie) sa kritikal na paghuhusga ng mamamayan at ng kabataan ayon sa kanyang nagawang kabutihan o kasamaan sa bayan.

Tunay ngang nagagawang simple ni Mareng Winnie ang isang kumplikadong usapin. Pero higit sa lahat, ang isang balikong argumento ay napapalabas niyang lohikal at intelehente. Kung ako ang nagbigay ng mga payong ito, baka kahit sa isang tabloid ay hindi ako pansinin. Pero dahil si Mareng Winnie ang nagsalita, sa front page pa ng Inquirer ito lumabas, kahit sabihin na nating nakakainsulto ang mga payo niya. Hindi ko alam kung sapat na ba ang mga payo ni Mareng Winnie para maniwala tayong tama si Lichauco na dapat na ngang sunugin ang School of Economics ng UP. Ang alam ko lang, sa pagkakataong ito ay ikinahihiya kong minsan akong naging estudyante ni Winnie Monsod.

---------------
Si Mong ay pangulo ng National Union of Students of the Philippines at dating chairperson ng UP Diliman Student Council.

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

MULA SA PATNUGOT
Kabataan Laban sa Agresyon at Digmaan

BAYANI
Nonoy Marcelo
Ni Alex Remollino
Luksa sa Dagalandia
Ni Ederic Eder
The CCP Centennial Honors for the Arts

SA ISYUNG ITO
My Other Side
By Dennis Aguinaldo

The Dead
By James Nicolay

Lumads Can't Take It No More: My Reflections on GMA's Total War Policy
By Maricel Paz Hilario

Joy Ride
By Von Bryan C. Cuerpo

Acquiescence
By Shienna-Lou Claro

E-mail
Ni Sherbien Dacalanio

KOLUM
Subersibo
Michelle Licudine

Daluyong
Mong Palatino

Ligalig
Garry Rectin Lazaro

Alipato
Alexander Martin Remollino

LATHALAIN
Children Simplify the Concept of Peace
By Alfred A. Araya Jr.

Karapatang Pantao
Ni Carlo Aristotle Remollino

Pandaigdigang Pulong sa Pagsasaka, Tinuligsa ng mga Samahan
Ni Dennis Espada

MAIKLING KUWENTO
Olivia
By Noli Pasco

Mad Dino
Ni Chuckberry J. Pascual

TULA
Sa Lilim ng mga Ligaw na Damo
Ni Randy Nobleza

In Quest for Sanity
By Daryl A. Valenzuela
Panunuod ng Sine
Ni Mark Angeles

When Love Doesn't Feel Like Love At All
By Samantha Echavez
Para Sa 'Yo
Ni Renalyn Dimayacyac

 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved