|
Pandaigdigang
Pulong sa Pagsasaka, Tinuligsa ng mga Samahan
Ni Dennis
Espada, BALIKAS
LOS BAÑOS,
Laguna—Tinuligsa kamakailan ng mga samahang magsasaka at di-pampamahalaan
mula sa iba’t ibang bansa ang anila’y kabiguan ng International
Rice Research Institute (IRRI) na matugunan ang kahirapan at kagutuman
sa mga bansa ng Ikatlong Daigdig.
Idinaos sa IRRI
noong Oktubre 29 ang tinaguriang "Araw ng IRRI" na dinaluhan
ng mga kinatawan mula sa kasaping-bansa ng Consultative Group on
International Agricultural Research (CGIAR) na noo’y nagdaraos
ng isang linggong taunang pangkalahatang pulong nito.
Ang CGIAR ay
nilikha noong 1971. Layunin nitong gamitin ang agham upang maibsan
ang kagutuman at kahirapan, mapaunlad ang nutrisyong pantao at kalusugan
at pangalagaan ang likas-yaman.
Ang IRRI, na
matatagpuan sa bayang ito, ay kasapi ng CGIAR.
Kontra-Magsasaka,
Kontra-Mahirap
Sa
isang "Pahayag ng Pagkakaisa" ng People's Street Conference
na inilunsad kasabay ng pulong ng CGIAR, binigyang diin nila na
mula pa noo'y itinataguyod ng CGIAR at IRRI ang isang "top-down,
one-size-fits-all approach sa pananaliksik na nagbabalewala sa kaalaman
at karanasan ng mga magsasaka, komunidad at katutubong mamamayan.
Idinagdag din nila na ang sistemang itinataguyod ng IRRI ay nakaasa
sa sa pestisidyo, abono at iba pang kemikal na mapanira sa yamang-lupa.
Ayon kay Pat
Mooney, puno ng Erosion Technology Corporation Group, isang organisasyon
sa Canada na nag-aaral ukol sa bagong teknolohiya, "Nandito
kami upang ihayag ang aming pangamba sa direksiyong tinatahak ng
IRRI at ng CGIAR. Sa palagay namin, ang mga ito’y naglilingkod
hindi sa interes ng mga magsasaka kundi para sa mga korporasyong
transnasyunal. Ito’y nasa krisis, at kung hindi nila aaminin
ito, lalong masasadlak ang mga magsasaka ng daigdig sa kumunoy ng
kahirapan at kagutuman."
Inamin ni Mooney
na matagal na nilang sinusubaybayan ang mga gawain ng CGIAR. At
sa kabila ng imbitasyon sa kanya na lumahok sa pulong nito, mas
pinili niyang makiisa sa mga magsasaka upang talakayin ang kanilang
alternatibong programa.
'Di
kami dapat sisihin'
"Hindi
kami ang dapat nilang sisihin."
Ito naman ang
pagtatanggol ni Duncan Macintosh, pinuno ng Visitors and Information
Services ng IRRI hinggil sa mga akusasyon ng mga bumubuo ng People’s
Street Conference. Ayon kay Macintosh, hindi umano makatarungan
na sisihin ang isang institusyong gaya ng IRRI sa lahat ng suliranin
ng mga magsasaka.
"Hindi
maipagkakaila na sa lahat ng dako, ang mga magsasaka ay naghihirap
at nagsisikap upang magkaroon ng hanap-buhay. Subalit makikita rin
naman na may mga bansa tulad ng Thailand, Vietnam, India at China
na nating matagumpay sa pag-aangkop nila ng mga bagong teknolohiya
mula sa IRRI upang mapabuti ang kalagayan ng kanilang mga magsasaka.
Ginawa rin ito sa Pilipinas nguni’t bunga ng maraming kadahilanan,
ang mabuting epekto nito ay hindi naging kasing tindi ng nangyari
sa ibang bansa," paliwanag ni Macintosh sa wikang Ingles.
Mariin niyang
itinanggi na itinataguyod ng IRRI ang paggamit ng pestisidyo at
kemikal sa kanilang pagpapaunlad ng binhi. "IRRI's research
for many years has been about getting farmers to reduce their pesticide
use. The institute has never promoted pesticide use among farmers,
and we would challenge those who claim this to produce evidence
to back up their claims. Even more important are the many rice varieties
developed by IRRI that are resistant to diseases and insects and
so require less pesticide," paliwanag niya.
Ayon kay Macintosh,
ilang ulit na nilang iniimbitahan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas
(KMP) at ang Peasants and Scientists’ Partnership for Development
of Agriculture (MASIPAG), dalawa sa mga pangkat na nakikiisa sa
People’s Street Conference, na bumisita sa IRRI upang makita
kung gaano kakumplikado at kadetalyado ang pag-aaral ng mga dalub-agham
sa IRRI.
"For many
years, we have not focused only on yield increases but also the
profitability of rice farming. But most important of all, IRRI consults
directly with farmers far more than it ever did. In the Philippines
alone, IRRI has at least three important projects directly involving
farmers in Quezon, Iloilo and Mindanao."
Nanawagan si
Macintosh sa mga nagpoprotesta na makipagtulungan sa IRRI upang
makinabang ang mga magsasaka. "We have asked them many times
to visit IRRI but they have always refused. That probably explains
why they do not see any change because they have not taken time
to look…If they’re sincerely concerned about farmer
interests, why did they not show up at the dialogue between farmers
and the CGIAR?"
NGOC
sa CGIAR
Samantala,
napag-alaman ng Balikas na ang Non-Government Organizations Committee
(NGOC) ng CGIAR ay lumabas sa harap ng Shangri-la Hotel sa lunsod
ng Makati kung saan ginanap ang ikatlong araw ng pulong noong ika-30
ng Oktubre 30 upang makipagdayalogo sa mga kinatawan ng People’s
Street Conference.
Matapos ang
pakikipagdayalogo, nagbigay ng pampublikong pahayag si Patrick Mulvany
ng ITDG-United Kingdom at kasapi ng NGOC. Ayon kay Mulvany, "CGIAR
is deviating from its mandate and is adopting a corporate agenda
for agricultural research and development. CGIAR’s consideration
of Syngenta Foundation’s membership (isang korporasyong agro-kemikal)
is a clear indication of the trend towards the corporatization of
public agricultural research. Furthermore, the quest for partnerships
with the private sector undermines the public role of CGIAR."
May ilan pang
obserbasyon ang NGOC sa CGIAR. Ayon sa NGOC, nabigo ang CGIAR na
suportahan ang kagyat na moratoryum hinggil sa paglalabas ng mga
halamang may pinakialamang himaymay-buhay (GMO crops) sa kabila
ng kontaminasyon ng GMO sa Mehiko at ang potensyal na kontaminasyon
sa iba pang sentro sa mga susunod na taon.
Nabigo rin anila
ang CGIAR na itaguyod ang prinsipyo na ang germplasm ay pampublikong
pag-aari at labanan ang banta ng monopolisasyon ng himaymay-buhay
(genes) sa pamamagitan ng Intellectual Property Rights. Ang prinsipyong
ito ay nakatakda sa Trust Agreement sa pagitan ng Food and Agriculture
Organization (FAO) at CGIAR. Ang germplasm ay ang pinagmumulan ng
mga selula. May iniipong ganito sa mga imbakan ng himaymay-buhay
o gene banks ng CGIAR.
Ikatlo, aktibo
rin daw na isinusulong ng CGIAR ang produkto at teknolohiya ng genetic
engineering o biotechnology na hindi naaayon sa makamagsasakang
pananaliksik na agro-ekolohikal.
Ipinaliwanag
ni Mulvany na kailangang isulong ang sistema ng pananaliksik na
pinangungunahan ng magsasaka at pangalagaan ang genetic resources
sa mga gene banks ng CGIAR. Ayon sa kanya, dapat bigyang-tuon ito
ng CGIAR. "Nakakalungkot na karamihan ng mga programa ngayon
ay hindi nakaayon sa mga prayoridad na ito," sabi ni Mulvany
sa Ingles.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|