|
MAIKLING
KUWENTO
Mad Dino
Ni Chuckberry J. Pascual
Secret
"Things haven't been the same
Since you came into my life"
"MANGGAGAYA," SABI ni Madonna habang tinatapakan ang may
sindi pang stick ng Philip Morris. "Saan mo ba nabili tong
sigarilyong to? Hindi masarap. Lasang karton."
"Dyan
sa labas. Yan ang brand ko, e. At least, kapag nandito sa bahay.
Kapag nasa labas, Winston Lights," sagot ko. Pinagmasdan ko
munang pitikin ni Madonna ang napitpit na sigarilyo sa suwelas ng
Versace niyang stiletto bago ako nagsalita ulit.
"Anong
ginaya sa iyo ni Kylie?"
"Reinvention.
Nung nalaos siya, nagpalit din ng image. Saka kahit dati pa, ginagaya
na ako niyan." Masarap sigurong magyabang kung naka-Versace
at Dolce and Gabbana ka. Samahan mo pa ng Bulgari na bracelet. At
Tuberose na pabango.
"Yun lang?
Lahat naman ng nalalaos, nagme-make over ng career nila."
"Hindi, a. Bakit si Michael Jackson?"
Natawa ako.
"Sabagay."
"Next?"
Tumatawa pa
rin ako nang tingnan ko ang susunod na pangalan sa listahan ko ng
mga bibilhing CD's: Cher. Nahulaan ko na kung ano ang sasabihin
ng idol ko pero binasa ko pa rin ng malakas ang pangalan ng dating
asawa ni Sonny Bono.
Kumunot ang
ilong ni Madonna. "Baduy."
Gusto ko si
Cher; nanalo na siya ng Oscar bilang Best Actress at humigit-kumulang
apat na dekada na siyang kumakanta. Isa pa, isa sa mga paborito
kong kanta ang "Believe". Sinabi ko ito kay Madonna.
"Narinig
mo na ba ang 'Gypsies, Tramps, and Thieves'? Alam kong narinig mo
na ang 'I Got You Babe', pero alam mo bang sila ni Sonny ang kumanta
non?"
Nainis na rin
ako nang bahagya. Wala pa siyang nagugustuhan sa mga binabanggit
ko. Pangit na ideya yatang ipagpaalam ko pa kung sino ang mga gusto
kong pakinggan. E parang ang gusto niya, puro album lang niya ang
pakinggan ko.
Oo, idol ko
si Madonna. Pero siya na rin ang nagsabi di ba? "Music makes
the people come together, music makes the bourgeoisie and the rebel"?
Gusto ko nang i-expand ang musical horizons ko. Sa buong dalawampung
taon ng buhay ko, puro siya lang ang pinapakinggan ko.
"Si Bjork?"
"Okay,"
sabi niya habang nakangiti. Napatingin ako sa uwang sa pagitan ng
dalawang pangharap na ipin niya. Naalala ko yung mga panahong pilit
kong isinisingit ang ATM card ng lola ko sa gitna ng ipin ko sa
harap para magka-uwang din ako sa ipin. Walang nangyari; nagalit
lang ang lola ko dahil nakubikong yung gilid ng ATM card niya at
dumugo ang gilagid ko. One point si Bjork. Pero gusto kong malaman.
"Bakit?"
"Visionary
siya. Weirdo. Next?"
"Weirdo
pero gusto mo?"
"Bakit
hindi? Next?"
May ilang banda
sa listahan ko pero una kong binanggit ang pinaka-weird sa tingin
ko.
"Radiohead."
Nag-isip sandali
si Madonna.
"Well?"
sabi ko. Mapapasubo siya ngayon.
"Maganda
ang 'OK Computer'. Pero hindi ko pa naririnig ang 'Kid A'."
Shocked ako.
Nakikinig pala sa rock music ang idol ko. "Bakit hindi pa?"
"Parang
'Emperor's New Clothes' yon , e. Kapag pa-intellectual ka, gugustuhin
mo; kapag nagpakatotoo ka, malamang ayawan mo. Pero hindi ka matatawag
na intellectual."
"Ayaw
mo palang malaman kung intellectual ka o hindi."
"Ikaw,
gusto mo?"
Ako naman ang
napaisip. "Pero cute naman si Thom Yorke, di ba?"
"So-so."
"Mas cute
siya kay Dennis Rodman."
Inirapan muna
niya ako bago siya pumasok sa aparador, tumalungko sa ibabaw ng
mga damit na nakatupi at naglaho sa pagitan ng mga damit na nakasabit
sa hanger.
Impressive
Instant
"I'm
in a trance and the world is spinning
Spinning baby, out of control"
Lunes non ng
umaga; namimili ako ng damit na isusuot para sa eskuwelahan. Nagmamadali
ako dahil alas-otso ang klase ko pero alas-siyete na, kaliligo ko
pa lang. Pagbukas ko ng aparador, napasigaw ako.
May babaeng nakatalungko sa loob. Nakayuko siya kaya ang itim na
roots ng blonde niyang buhok ang bumungad sa akin. Hindi ko alam
kung alin ang dahilan, ang pagsigaw ko o ang pagpasok ng liwanag
sa aparador, pero itinaas ng babae ang mukha niya.
Akala ko dati,
umaarte lang yung mga taong napapaurong kapag nagugulat. Pero napaurong
ako at napaupo sa kama nang makita kong lumabas si Madonna mula
sa aparador ko. Puting sandong hapit sa katawan at maong na may
beads na nakakorteng sunflower sa kaliwang hita ang suot niya. Tinititigan
ko pa ang mga marka ng stiletto niya sa mga damit kong nasa loob
nang marinig ko siyang magsalita: "Ang ganda ng sounds mo,
a."
"Impressive
Instant" ang pinapakinggan ko non, paborito kong kanta sa "Music".
Pero sa halip na magpasalamat, napabulalas ako: "Madonna?"
"Yes?"
sabi niya at saka itinaas ang kaliwang kilay. Naalala ko yung pictorial
niya para sa Spin magazine. Naka-beret siya at leather na bustier;
nakahalukipkip, may kagat na tabako at nakataas ang kaliwang kilay
sa kamera. Parang naghahamon.
"Bakit
-" hindi ako makapag-isip. Kinuha ko ang remote control ng
CD player at hininaan ko ang tugtog. Pinagmasdan ko siya. Nakatayo
lang siya at tinitingnan din ako. Hindi siya nakatiis.
"May pasok
ka?"
"Kung
ikaw si Madonna -"
"Male-late
ka na ata," nakangiti siya. Sumisigaw na ang lola ko mula sa
baba ng bahay.
"- bakit
marunong kang mag-tagalog?"
Tumabi siya
sa akin sa gilid ng kama, nag-alis ng sapatos at saka humiga. "Lumabas
nga ako sa aparador mo, di ba?"
Nakangiti akong
lumabas ng bahay nung araw na yon.
Oh Father
"Oh father, you never wanted to leave that way
You never wanted to hurt me
Why am I running away?"
"Hindi
naman ako galit sa kanya." Nakadapa ako sa kama at naninigarilyo;
nasa sahig ang basurahan na ginagamit kong ashtray.
"May dahilan
ba para magalit ka?" Nasa paanan ko si Madonna, naglalaro ng
snake sa cell phone ko. Nakadikuwatro siya; may nakadikit pang Philip
sa suwelas ng Prada mary janes niya. Natutunan na rin niyang mahalin
ang haba at sarap ng Philip Morris.
"Ayaw
niyang uminom ako, pero siya, lasenggo. Ayaw niyang manigarilyo
ako, pero siya mismo, naninigarilyo," pinatay ko ang sigarilyo
sa pisngi ng sahig. Nadagdagan ang peklat ng sahig ng kuwarto ko.
Puro na marka
ng sigarilyo ang sahig ng kuwarto ko. Simula nang pabayaan kong
patayin ni Madonna sa sahig ng kuwarto ko ang unang Philip niya,
hindi ko na inalintana kahit na anong pagalit ng tatay ko sa tuwing
nakikita niya ang mga itim na marka sa sahig. "Kamukha mo na
tong sahig mo," sabi minsan ng tatay ko.
Pumalatak muna
si Madonna bago nagsalita. Hindi pa rin niya natatalo ang top score
ko. "Ano bang yosi niya?"
"Philip
din."
Tumawa siya.
"Kaya naman pala e."
"Nagagalit
siya sa akin sa tuwing tumatawag ang nanay ko. Siyempre kakausapin
ko yon."
"Siyempre.
Mahal ang overseas call."
"Mahal
ko rin ang nanay ko."
"E ang
tatay mo?"
"Mahal
ko rin."
"Hindi;
kinakausap mo ba?"
"Oo. Kapag
nangangatwiran ako."
Hindi mapatawad
ng tatay ko na napatawad ko ang nanay ko nang iwan niya kami. Umalis
ang nanay ko dahil ayaw niyang makisama sa mga biyenan niya. Masyado
raw pakialamera ang lola ko. Ilang beses niyang pinilit ang tatay
kong bumukod ng tirahan pero walang nangyari. Nag-iisang anak lang
kasi ang tatay. Ayaw payagang bumukod kahit nakapag-asawa na. Sabi
ng lola ko, wala naman daw masama doon. Ang masama, kung sa bahay
ng mga magulang ng nanay ko nakatira silang mag-asawa.
Mula nang iwan
kami ng nanay, naging lasenggo na ang tatay ko. Sinunog niya lahat
ng bagay na nakakapagpaalala sa dating asawa niya. Minsan nga, pakiramdam
ko parang gusto niya na rin akong buhusan ng gaas sa tuwing nakikita
niyang may kausap ako sa telepono.
Promise
To Try
"Little girl, don't you forget her eyes
Kep them alive inside
I promise to try - but it's not the same"
"Buti hindi
ka galit sa lola mo," sabi minsan ni Madonna habang nagpe-Play
Station kami. Pinadalhan agad ako ng nanay ko ng Play Station nung
sabihin kong nakikilaro lang ako sa kapitbahay. "Resident Evil"
ang paborito naming laro ni Madonna.
"Siya'ng
nagpalaki sa akin, e." Binaril ko sa dibdib yung zombie na
lumalapit sa akin.
Domestic helper
ang nanay ko sa Hong Kong. Noon. Ngayon, asawa na siya ng Intsik.
Malapit na rin daw akong magkaroon ng kapatid na Intsik, sabi niya
sa akin nung huli kaming magkausap.
Maliban sa
mga maiikling sulat niya sa tuwing nagpapadala ng pera, telepono
lang ang komunikasyon namin ng nanay ko. Mas mamumukhaan ko pa nga
siguro ang boses ng nanay ko kaysa aktuwal na mukha niya. Labinglimang
taon na kaming hindi nagkikita.
"E sa
nanay mo, hindi ka galit?"
Tinadtad ko
ng bala yung noo nung isa pang zombie. "Hindi rin."
Human Nature
"You tried to shove me back inside your narrow room
And silence me with bitterness and lies
(Express yourself, don't repress yourself)"
Nagtaka ang lola ko nung pumunta ako sa karinderya namin at nagsabing
mag-uuwi ako ng extra serving ng adobo. Sinabi kong may darating
kasi akong kaibigan. Lalong siyang nagtaka. Karaniwan na kasing
sa karinderya ko pinapakain ang mga bisita ko. Magtatanong pa sana
ang lola ko nang biglang sumabad si lolo: "Girlfriend mo?"
Ngiting makahulugan
lang ang isinagot ko. Dali-dali akong ipinagbalot ng lola ko ng
extra serving ng adobo.
Inakala kong
magrereklamo si Madonna dahil masyadong mamantika ang sabaw ng adobo
ni Lola. Nagkamali ako. Habang hinihigop ang mamantikang sabaw,
nagtanong siya kung ano ang ingredients ng adobo. Magpapaluto daw
siya kay Guy.
"Gusto
ko rin ng boyfriend na marunong magluto," bulong ko.
"E di
paturuan mo sa lola mo," sagot niya habang pinaghihiwalay ang
taba at laman ng baboy.
"Ano?
Anong sasabihin ko: 'Lola, turuan mo namang magluto ang boyfriend
ko?'"
"Aminin
mo na kasi," paanas na sagot niya habang kinakawkaw ng daliri
ang platitong may patis. "Ano to?"
"Patis.
Sawsawan yan." Pinagmasdan ko siyang isubo ang daliri at tikman
ang lasa ng mga bulok na isda. Napangiti si Madonna; dagling isinawsaw
ulit ang daliring kagagaling lang sa bibig at kinawkaw ang patis
na nasa platito. "Magagalit ang lola ko. Nag-iisang apo ng
nag-iisang anak na lalaki, bakla? Hindi puwede."
"Sa tatay
mo, hindi ka takot?" sabi ni Madonna habang subo ang hintuturo
ng kanang kamay.
"Mas takot
ako sa lola ko. Tatay ko mismo takot sa lola ko, e."
You Must
Love Me
"Deep in my heart I'm concealing
Things that I'm longing to say
Scared to confess what I'm feeling
Frightened you'll slip away"
Pinilit ko
si Madonnang turuan akong mag-tango pagkatapos naming sabay na manood
ng "Evita" sa VCD.
La Salida (4
step-start):
Sidestep right. "May boyfriend ka na?" tanong niya.
Sidestep left. "Wala pa."
Left backward. "Kahit isa, hindi ka pa nagkaroon?"
Right forward. "Hindi ko alam kung kami na, e."
Right backward. "E di meron."
Left forward. "Hindi ko nga alam kung kami na, e."
Caminata (the walk):
Right backward. "Hulaan ko, ha. 'Best friends' lang kayo ni—?"
Left forward. "Jason."
Left backward. "Nag-sex na kayo?"
Right forward. "Bakit kami magse-sex?"
Giros (double ocho).
Right pivot. "Kasi, kayo."
Left pivot. "Lalo lang gugulo kapag nag-sex kami."
Right step to left. "Bakit? Mahal mo na?"
Left step to right. "Parang. Pero—"
La Cunita (Spanish cradle):
Left forward. "Parang ano?"
Right backward. "Bisexual siya, e. May girlfriend siya ngayon."
Tumigil sa
pagsasayaw si Madonna. "Pagod na ako." Umupo siya sa gilid
ng kama.
"Ako rin,"
sabi ko. Lumabas ako ng kuwarto at tinawagan ang best friend ko.
Erotica
"Give it up, do as I say
Give it up and let me have my way
I'll give you love, I'll hit you like a truck"
Ang init, sabi
ko. Naghubad ako ng t-shirt at tumabi sa kanya sa kama. Magkadikit
ang mga balikat at braso namin habang nanonood ng "Snake Eyes".
Pareho naming inaabangan ang love scene nina Madonna at Ron Silver.
Pero magkakalahating-oras na, wala pa rin. Naramdaman kong nababasa
na ng pawis ang manggas niyang nakadantay sa hubad kong braso. Ang
init, sabi ko ulit. Hubarin mo na rin kaya yang t-shirt mo? Umupo
siya at nagsimulang hubarin ang t-shirt niya. Nakasabit pa sa kanang
siko niya ang isang manggas nang halikan ko siya sa leeg. Hindi
siya umimik. Ginaygay ng mga labi ko ang landas mula sa leeg niya
papunta sa dibdib niyang basa ng pawis. Dinilaan ko ang pawis sa
dibdib niya. Gumala ang dila ko sa buong katawan niyang basa na
ngayon ng sarili kong laway. Hindi pa rin ako napapagod nang hinawakan
niya ako sa batok at siniil ng halik. Hinalikan din niya ako sa
leeg; inalis ng kanyang dila ang pawis sa aking leeg, kili-kili,
dibdib, tiyan, pusod, singit, tuhod, paa. Sabay naming inangkin
ang bawat isa. Nagyakap kami pagkatapos. Natulog lang ako nang makita
kong nakapikit na siya. Ang mga mata sa nakauwang na aparador ang
huli kong tiningnan bago ko muling sinabayan si Jason.
Dear Jessie
"Pink elephants and lemonade, dear Jessie
Hear the laughter running through the love parade
Candy kisses and a sunny day, dear Jessie
See the roses raining on the love parade"
Linggo ng umaga.
Naghahanda ako dahil magsisimba kami ng alas-nuwebe ng lola ko.
Hindi nagsisimba ang lolo ko kaya ako ang parating kasama ng lola
sa simbahan.
Pagbukas ko
ng aparador, nandon si Madonna. Naka-evening gown siya. Mukhang
Versace; parang itim na leotard ang pang-itaas, may mababang scallop
na neckline, hakab hanggang sa may pahang balakang; pa-bolga ang
paldang chiffon. Nakalugay lang ang blonde niyang buhok. Mukha siyang
debutante. Debutante na may kulubot na sa gilid ng mga mata at mukhang
libing ang pupuntahan sa halip na debut party.
"Bakit
ako ang idol mo?" tanong niya. Nakaupo siya sa mga damit kong
nakatupi sa loob ng aparador. Hindi ko makita ang mga t-shirt ko
dahil nakasabog sa loob ng aparador ang palda ng gown niya.
Si Madonna
ang idol ko dahil maganda ang mga kanta niya; nakakaindak. Si Madonna
ang idol ko dahil maganda siya at magaling sumayaw. Naaalala ko
pa kung paano akong tuksuhing bakla ng mga kalaro ko nung Grade
Three ako dahil isinuggest ko na mag-Gaya-Gaya Puto Maya na lang
kami. May mga nag-i-impersonate kasi kay Madonna noon sa Eat Bulaga.
Inaabangan ko ang Eat Bulaga dahil sa portion na yon. Hangang-hanga
ako sa mga baklang kamukha at kasinggaling sumayaw ni Madonna.
Si Madonna
ang idol ko dahil hindi naman maganda ang boses niya, pero siya
ang pinakasikat na babaeng singer sa buong mundo. Si Madonna ang
idol ko dahil hindi siya magandang-maganda pero ang daming nagkakandarapa
sa kanya. Si Madonna ang gusto ko dahil ipinagyayabang niya ang
kung ano ang meron (minsan pati wala) sa kanya. Buhay siyang katibayan
ng perpektong paggapi sa hindi pagiging perpekto ng tao.
Si Madonna
ang idol ko dahil kapag naririnig ko ang mga kanta niya, nakakalimutan
ko kung nasaan ako, kung sino ako, kung ano ang gusto ko sa buhay,
kung sino ang gusto kong makasama habang buhay, dahil nagiging ako
yung kanta. Nagiging ako si Madonna.
"Ikaw
ang lahat ng bagay na hindi ako," sagot ko.
"Male-late
ka na ata," nakangiti siya. Sumisigaw na ang lola ko mula sa
baba ng bahay.
"Maaabutan
pa namin ang simula ng misa. Huli namang magsimula yung pari, e."
Kumuha ako ng polong naka-hanger sa loob ng aparador. Pinanood niya
akong matapos sa pagbubutones bago niya hinawakan ang mga kamay
ko.
Kumakatok na
ang lola ko sa pinto. "Dino! Mahuhuli na tayo sa misa! Pista
ng Immaculada Concepcion ngayon!"
Hinila ako
ni Madonna. Inilagay niya ang mga kamay niya sa mga balikat ko.
Napaluhod ako sa harap niya at sa harap ng aparador. Hinila niya
ako lalo palapit sa kanya. Napasubsob ako sa tela ng palda ng gown
niyang itim.
Nakarinig ako ng kalansing ng mga susi. "Dino! Lintek ka!"
Maaligasgas
ang pakiramdam ng chiffon sa mukha ko. Itinaas ko ang mukha ko at
tiningnan si Madonna. Napakaamo ng mukha niya. Ngumiti siya sa akin.
Bumukas ang
pinto.
---------------
Si Chuckberry J. Pascual ay Libra. Ipinanganak siya noong 1981,
Year of the Rooster. Isinunod ang pangalan niya sa sikat na gitaristang
si Chuck Berry, na nagsabing nagagamot ng ihi ang alipunga. Isa
siyang estudyante ng Malikhaing Pagsulat; paminsan-minsang nagsusulat,
paminsan-minsang nagbabasa, madalas nanonood ng sine, parating nakikinig
sa musika. Bestfriend niya si Madonna, ka-close si Bjork, at nangangarap
maging kasinggaling ni Jewel sa pagtugtog ng gitara. Boyfriend niya
si Anthony Kiedis sa kasalukuyan, matapos makipag-break kay Beck
at mag-ilusyon kay Ryan Adams.
For comments
and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|