v 22.0
Nobyembre 1-15, 2002  
Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook
Huwag Ninyong Luraan ang Aming Pangalan

Alipato
Alexander Martin Remollino

KAKAMAKAILA'Y NAGPAHAYAG ng pagtangkilik ang ating sakdal ng giting at talinong Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa inihahandang pakikidigma ng Estados Unidos sa Iraq. Inialok niya ang himpapawid ng Pilipinas upang magamit ng Estados Unidos sa digmaang ito. Bagama't binawi na ng Pangulo ang alok na ito, nananatiling nakahandang tumangkilik ang ating pamahalaan sa isang posibleng pakikidigma ng Estados Unidos sa Iraq.

Sa Estados Unidos, umaabot na sa ilampung libong mamamayan ang sumisigaw ng, "Hindi sa ngalan namin!" Ito'y isang pagsigaw ng pagtutol sa walang katuturang mga digmaang ginagawa at gagawin pa ng kanilang pamahalaan sa ngalan nila.

Minsan nang tinangkilik ng pamahalaang Macapagal-Arroyo ang isang walang silbing digmaan-ang digmaan ng Estados Unidos laban sa Afghanistan, na kumitil ng libu-libong inosenteng buhay diumano'y upang wakasan ang terorismo ng pinatalsik na Taliban, na iniluklok ng Estados Unidos sa kapangyarihan noong dekada 1990 at sa mahabang panaho'y hinayaang maghasik ng kaimpaktuhan laban sa kanilang mga nasasakupan, at kinaaway na lamang ng Estados Unidos nang makalabuan sa mga kasunduang may kinalaman sa pagpapatako sa industriya ng langis doon. Tinangkilik ng pamahalaang Macapagal-Arroyo ang digmaang ito diumano'y upang mailigtas din ang pilipinas sa terorismo.

Ngayo'y didigmain ng Estados Unidos ang Iraq-diumano'y upang patalsikin ang terorista raw na si Saddam Hussein. Tiyak na sa ngalan nating lahat ay tatangkilikin ng pamahalaang Macapagal-Arroyo ang digmaang ito.

Kaya't kami nama'y magpapapailanlang din ng aming tinig: "Hindi sa ngalan namin!" Hindi sa ngalan namin, Kagalang-galang na Pangulo, tatangkilikin ang isang walang kuwentang digmaan.

Terorista na kung terorista si Hussein. Batid namin ang kanyang pagpapapatay sa mga kasapi ng mga progresibong partido sa kanyang bansa at maging sa mga higit na progresibong kasapi ng kanyang sariling partido. Batid namin ang pinamunuan niyang pakikidigma ng Iraq sa Iran noong dekada 1980.

Ngunit ang mga gawaing teroristang ito'y matagal na tinangkilik ng Estados Unidos. Bilang kapalit ay umasa ang Estados Unidos na mahahawakan nito ang industriya ng langis sa Iraq, ngunit tumutol si Hussein at isinabansa pa niya ang industriyang ito.

At ito ang ipinagngingitngit ngayon ng Estados Unidos laban sa Iraq-ang hindi nito pagpayag na mapailalim sa kanyang dambuhalang ekonomikong imperyo. Ang pakikidigmang inihahanda ng Estados Unidos laban sa Iraq, samakatwid, ay isang pakikidigma sa ngalan ng imperyalismong kaaway ng kasarinlan.

Hindi sa ngalan namin tatangkilikin ang isang digmaan laban sa kasarinlan. Hindi sa ngalan namin tatangkilikin ang isang digmaan alang-alang sa pagpapabundat ng isang gahamang bansa. Kung ibig ninyong tangkilikin ang kahayupang ito, Kagalang-galang na Pangulo, ay kayo na lamang.

Huwag ninyong luraan ang aming pangalan.

---------------
Si Alex, 24, Kapatnugot ng Tinig.com, ay isang manunulat sa Bulatlat.com. Sangkot siya sa mga panlipunan at pampulitikang kampanya, sa lansangan man o sa Internet.

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

MULA SA PATNUGOT
Kabataan Laban sa Agresyon at Digmaan

BAYANI
Nonoy Marcelo
Ni Alex Remollino
Luksa sa Dagalandia
Ni Ederic Eder
The CCP Centennial Honors for the Arts

SA ISYUNG ITO
My Other Side
By Dennis Aguinaldo

The Dead
By James Nicolay

Lumads Can't Take It No More: My Reflections on GMA's Total War Policy
By Maricel Paz Hilario

Joy Ride
By Von Bryan C. Cuerpo

Acquiescence
By Shienna-Lou Claro

E-mail
Ni Sherbien Dacalanio

KOLUM
Subersibo
Michelle Licudine

Daluyong
Mong Palatino

Ligalig
Garry Rectin Lazaro

Alipato
Alexander Martin Remollino

LATHALAIN
Children Simplify the Concept of Peace
By Alfred A. Araya Jr.

Karapatang Pantao
Ni Carlo Aristotle Remollino

Pandaigdigang Pulong sa Pagsasaka, Tinuligsa ng mga Samahan
Ni Dennis Espada

MAIKLING KUWENTO
Olivia
By Noli Pasco

Mad Dino
Ni Chuckberry J. Pascual

TULA
Sa Lilim ng mga Ligaw na Damo
Ni Randy Nobleza

In Quest for Sanity
By Daryl A. Valenzuela
Panunuod ng Sine
Ni Mark Angeles

When Love Doesn't Feel Like Love At All
By Samantha Echavez
Para Sa 'Yo
Ni Renalyn Dimayacyac

 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved