v 21.0
Oktubre 15 , 2002  
Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

Pitikan sa Komunikasyon 3

Pitik
Vlad B. Gonzales

MAY ISANG eksena sa isang librong hindi ko na matandaan ang pangalan, tungkol sa isang babaeng nagsusulat ng mga alaalang hindi naman nangyari, mga eksenang sa isip lang niya naranasan. Noong tinanong siya ng kaibigan niya kung paano niya nagagawa iyon, kung paano niya isinusulat ang mga bagay na hindi naman naganap, ang kanyang sagot—nang buong kagalakan at pagkawili: "Hindi na nawala sa isip ko ang eksenang ito."

Kaya ngayon, ipakikilala ko sa inyo ang ilan sa mga paborito kong tao mula sa aking paboritong klase, mga taong naging bahagi ng mga alaalang nangyari o di-nangyari ngunit inaalala ko nang buong pagkawili. Sa loob ng halos apat na buwan, sila ang aking naging mga kabagyong-utak, kabiruan, kachokaran, kakuwentuhan, kaumpugang-bayag at kaibigan, sa isip man o sa totoong buhay. Sila yung mga tipo ng taong kapag nagtatapos ang semestre'y mapapaumpog ka sa pader at sasabihin sa sarili mong "puta, patapos na ang sem!"

Puta, patapos na ang sem!

1. Si Incredible Diva
Incredible talaga siya dahil parang si Incredible Hulk ang katawan niya, tapos bigla siyang bibirit ng kanta ni Lani Misalucha o ni Carol Banawa. Incredible talaga.

Naglaban kami minsan sa isang class activity, mala-Sing Alis ang istilo (yung tipong maaalis yung pangit kumanta). Nagsimula sa anim, tapos isa-isang nalagas yung mga sumali hanggang kami na lang yung natira. Akala ko matatalo na ako, buti na lang at hindi niya alam yung mga kanta ng Eraserheads at Parokya ni Edgar dahil ang mga kanta ng mga bandang ito ang huling pinakanta sa amin.

Ito ang unang pagkakataong nanalo ako sa singing contest. Una at huli.

2. Si Ms. Straightedge
Naging partners kami ni Ms. Straightedge sa isang assignment. Gagawa kami ng kuwento base sa mga buhay at pananaw namin. Marami-rami akong natutunan sa babaeng ito.

Unang-una, hindi kailangang kalimutan ang Diyos para maging exciting ang buhay. Siya rin ang nagsabi sa aking ang trabaho talaga ng isang tao'y ang pigain ang iba pang tao para mailabas ang kanilang potensyal. Nakakabilib talaga siya, lalo na yung disiplina niya sa sarili. Di umiinom, di nagyoyosi, walang masamang bisyo. Yun nga lang, hindi siya gaanong mahilig sa pagbabasa at pagsusulat.

Marami ring talents si Ms. Straightedge, magaling siyang umarte at kumanta (baka kasinggaling pa nga ni Incredible Diva). Balita ko'y magsasayaw siya sa huling presentasyon namin sa klase. Alam kong maraming papalakpak sa kanya sa araw na iyon.

3. Si Lady Tigasin
Tahimik lang itong si Lady Tigasin. Hindi nga siya gaanong nagsasalita noong naging magkagrupo kami. May kahinhinan pa siyang kumilos, parang di makakabali kahit isang pirasong tinting lang. Siya yung tipo ng taong pag tinanong mo'y parang puro "okey lang" o "sige" ang isasagot.

Kaya naman nagulat/natuwa ako sa kanya noong medyo naging mas malapit na kami at nagsimula sa siyang magtanong ng kung ano-anong bagay. Tulad noong isang beses, isang karaniwang araw lang sa klase, napansin kong may malalim siyang pinag-iisipan. Maya-maya'y kinalabit niya ako't tinanong kung may posibilidad bang mabuntis ang babae kapag withdrawal method ang ginamit. Ang sabi ko, posible dahil baka may nakakawalang semilya habang nakasuksok pa yung etits. Sabi ko, mas effective kung condom. Tinanong niya naman kung sigurado bang hindi makakabuntis ang lalaki kapag naka-condom, at siyempre'y hindi ang sagot ko. Napatigil siya sandali, nagbuntung-hininga habang nakatingin sa kawalan bago niya sinabing "e di mag-withdrawal method na lang habang naka-condom para sigurado."

Ang huling tinanong ni Lady Tigasin sa akin ay kung gaano katigas ang pinakamatigas (na may kasamang paghahambing pa sa bunga ng saging).

4. Sina Boy Smiley at si Bedroom Voice
Hindi ako sigurado kung napansin nila at ng iba ito, pero sa buong semestre ay palaging nagkakasama sa isang grupo itong sina Boy Smiley at Bedroom Voice. May hinala nga akong noong nakaraan nilang buhay ay magkasintahan sila't ngayon ay pinagtatagpo uli sila ng tadhana. Sana nga'y magkatuluyan sila.

Kakaiba talaga ang boses ni Bedroom Voice. Sa sobrang pagiging kakaiba'y napagkamalan kong babae ang kausap ko nang tumawag siya sa akin. Simple lang din ang taong ito, palaging naka-shorts at t-shirt lang kapag pumapasok sa klase namin, "palengke look" yata ang tawag niya rito.

Noong tinanong ko siya kung bakit may mga lalaking boses-babae, ang sagot niya'y "ganoon talaga." Tama naman siya, sa palagay ko.

Si Boy Smiley naman, tahimik lang tulad ni Lady Tigasin, kaya may suspetsa akong nasa loob lang ang kulo nito. At sa apat na buwan ng pagpasok ko sa klase namin ay may mga nahuli akong tatlo o apat na taong nagkaka-crush sa kanya. Yun nga, bihira humirit itong batang ito, pero kapag nagsalita na'y puro patawa at kakulitan naman ang naririnig at nakikita ko, madalas kapag may mga group activity kami. Yung ngiti niya, parang yung ngiti ko noong una akong nakatanggap ng medal sa quiz bee, o kaya'y noong niregaluhan ako ng espada ni Voltron noong grade two ako, o noong unang beses akong nakakuha ng uno, parang ganun ang ngiti niya.

Gusto ko rin sanang ngumiti na katulad ng sa kanya, pero sungki-sungki na ang ngipin ko ngayon, tulad ng utak ko.

5. Si Speed Reader
Kasama rin si Speed Reader sa mga unang nakasundo ko sa klase. Talented din ang babaeng ito lalo na sa pag-arte. Nanalo siyang "best performer" sa aming group activity. Mahilig din siyang magbasa, at napakabilis pa. Nakakatapos yata siya ng dalawang nobela sa isang araw, habang inuubos ang load niya sa kaka-text.

Ako ang nagsilbing source ni Speed Reader ng Libro. Puro bastos yata ang napahiram ko sa kanya, kaya naman tuwang-tuwa siya palagi. Pinapahanap niya ako ng libro tungkol sa mga lesbiyana, at sinabi niya sa aking baka lesbiyana siya noong nakaraang buhay niya. Mahilig din siya sa mga diwata at mga bagay na may kaugnayan sa kaluluwa. Kung hindi mga libro'y mga naisulat ko naman ang binabasa niya.

Kung hindi naman nagbabasa'y abala si Speed Reader sa paglalaro ng basketbol o kaya'y sa panonood ng Women's Basketball Team kapag may laro ito. May sinusubaybayan yata siyang manlalaro sa team na iyon.

Gusto ko pa sanang pabasahin ng mga naisulat ko si Speed Reader pero uuwi na siya sa probinsya niya at doon na mag-aaral. Sinusubukan ko siyang kumbinsihing magpatuloy na lang ng pag-aaral sa eskuwelahan namin pero mukhang desidido na talaga siya. Magulo raw kasi ang isip niya, parang pamilya niya. Kaya sa susunod na semestre'y hindi na kami magka-eskuwela.

Ipinangako ko sa sarili kong isusulat ko siya at ang aming mga napagkukuwentuhan. Dito ako magsisimula.

6. Si Pepeng Pep Squad
Sa limang taon ko nang pag-aaral sa kolehiyo, si Pepeng Pep Squad lang ang nakapilit sa aking gumawa ng isang cheering routine sa harap ng mga kaklase ko. Unang araw pa lang ng klase'y nagtatakbo't nagtatalon na ako na para bang nasa isang cheering competition kami. Siyempre, yung unang linya lang ng cheer yung natandaan ko, at si Pepeng Pep Squad lang yung hindi nagkakamali sa steps na ginagawa namin. Mahal niya talaga ang pagiging miyembro ng Pep Squad.

At mabait itong si Pepe. Inilibre niya ako kasama nina Lady Tigasin at Speed Reader noong birthday niya. Siya rin ang kakuwentuhan ko sa maraming bagay, maraming bagay na bastos (hindi naman palagi). Ang huling naikuwento niya sa akin ay yung mga babaeng hubad na nagsasayaw habang nagkikiskis ng yelo sa kanilang kiki. Ito yung reaksyon niya sa naikuwento kong mga dancer sa club na gumagamit ng kanilang ari sa paninigarilyo.

7. Boy Tawa/ Bomb threat Guy/Jimboy Calisang
Noong naghagis yata ang Diyos ng halakhak sa mundo'y binuwakaw niya ang 75% nito. Si Boy Tawa, ang pinakamasayahing kaklase at kaibigan ko. Ang tanging araw yata na nakita kong nakasimangot siya ay noong nagkaroon ng bomb threat sa building namin at hindi siya umabot para sa aming group speech. Ayaw kasi siyang paakyatin ng mga guwardiya kahit may nagsabi nang false alarm lang naman ang bomb threat na yun. Resulta, bagsak na grado at sambakol na mukha.

Pero pag karaniwang araw ay palaging maririnig ang halakhak ni Boy Tawa. Kahit palagi ko siyang inaasar kapag late siyang dumarating, tinatawanan pa rin niya ang mga korning patawa ko.

Kamukha rin niya si Jimboy Calisang, isang singer ng religious songs at nagkalat ang mga poster sa Shopping Center.

8. Sina Kapitan Basa, ang mga lalaking diwata at mga babaeng eggnog
Sila yung mga kaklase kong parang hindi tinuruang gumalaw o magsalita kapag normal na araw pero kapag may gawain sa klase ay parang ikamamatay nila kung hindi performance level ang delivery. Pagkanta at pagsayaw, cross dressing, paggulong-gulong at pagtatalon-talon, paghuhubad, panggagaya ng mga commercial at mga palabas sa TV, lahat ay gagawin nila para maging masaya ang aming pagkikita at para maabot ang extra points na inaasam ng lahat.

9. Si SM Lady
Magkapareho kami ng kurso ni SM Lady, parehong pagsusulat ang linya. Tuwing Sabado at Linggo'y nagtatrabaho siya sa SM at kapag nagkikita kami sa klase'y ikukuwento niya ang mga kalokohang ginawa niya, mga himutok at iba pang kuwento tungkol sa kanyang trabaho. Mga tanga, masungit, tanga't masungit, tanga't tanga o masungit at masungit na kostumer, ang kanilang overtime na walang kuwenta dahil wala namang dagdag-bayad, ang magulo at nakakapagod na eksena kapag may mall-wide sale at marami pang iba. Sabi niya, hanggang sa isang taon pa ang kanyang kontrata, kaya marami-rami pa siyang magagawang kalokohan (tulad ng pang-iiwan sa kostumer na nagpapahanap ng tamang size ng pantalon) at marami-rami pang kostumer na maaaway (minsan ay may inaway siya dahil nagsara na sila ng counter at pinipilit ng isang matandang lalaki na magbayad doon).

Ang pinakahuling reklamo niya sa akin ay ang mga sugat niya sa daliri dahil sa packaging machine na ginagamit nila sa SM. Binalutan niya ng papel at maraming masking tape ang mga sugat niya para hindi maabala ang kanyang pagtatrabaho. Naikuwento rin niya ang kanyang future husband, ang suweldo niyang ibinibigay niyang lahat sa kanyang pamilya at ang tambak ng labadang naghihintay sa kanilang bahay.

10. Si Ma'am Sinigwelas
Si Ma'am Sinigwelas ang captain ball ng klase namin, ang supreme ruler, ang daluyan ng kaalaman, ang dakilang teacher. Mahilig siyang magpatawa, at kapag nakikita ko siya'y iniisip ko kung may pagkakataon kayang sumisimangot ang guro kong ito. Palagi niyang ginagawang magaan ang daloy ng klase, magaan at nakalilibang pero malaman.

Noong Hulyo'y inoperahan siya, sakit sa bato yata ang dahilan. Basta, noong bumalik siya'y ikinuwento niya ang tinanggal sa kanya, isang bukol na kasinglaki ng sinigwelas. Tawa nga siya nang tawa noong ginaya siya ni Incredible Diva noong nagpa-activity siya. Pinipilit niyang pigilan ang pagtawa niya dahil masakit pa ang tahi sa kanyang tiyan. Nakiramay din sa sakit niya si SM Lady, na halos kasabay lang ni Ma'am Sinigwelas na naoperahan dahil sa appendicitis naman. Pareho na silang magaling ngayon.

Tulad ni Boy Smiley, nakakatuwa rin ang ngiti ni Ma'am Sinigwelas. Pero naiiba nang kaunti ang ngiti ng gurong ito. Mas buo yung sa kanya, mas matibay.

20-28 Setyembre 2002

----------------
May paksa ba kayong gustong talakayin sa Pitik? Sumulat lamang sa amin. Hihintayin ko ang mga e-mail ninyo.

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

MULA SA PATNUGOT
Terorismo

SA ISYUNG ITO
Pagbisita sa Puso ng Campus Press
Ni Mark Angeles

Paglaya ni Prometeo:
Isang Tula at Saling-Tula sa Alaala ng Batas Militar

By Dennis Aguinaldo

The Truths According to Me
By Karla Maquiling

What Everyone Should Know About Cancer
By Arosh Mamil

E-mail
Ni Sherbien Dacalanio

CyberFriend
Ni Tembarom

KOLUM
Pitik-bulag
Tonyo Cruz

Pitik
Vlad Gonzales

Alipato
Alexander Martin Remollino

Pahimakas
Jayson Edward B. San Juan

LATHALAIN
Terrorism: Towards a Legal Definition
By Soliman M. Santos, Jr

Anti-Terrorism Act: A Prelude to Authoritarian Rule?
By Rhea Delos Santos

International Confab of Church Leaders Unite Against U.S.-Led Wars of Intervention, Initiates Global Network for Peace

Final Declaration of the International Ecumenical Conference on Terrorism in a Globalized World

MAIKLING KUWENTO
Tumbang Preso
Ni Vlad Gonzales

Gold from the Fields
By Felicia Sanchez

TULA
Sembreak
Ni Soliman Agulto Santos
Isang Paradoks
Ni Randy Nobleza
Headline
Ni Renee Facunla

 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved

Click Here!