|
MAIKLING
KUWENTO
Tumbang Preso
Ni Vlad Gonzales
(Ipinagpapatuloy
mula sa v20)
SI KUYA Banjo,
naaalala ko pa rin siya. Akala nga ng therapist ko, umubra na sa
akin ang mga psycho-therapy niya. Pero hindi, naaalala ko pa rin,
sa Salvacion street, sa paboritong kalye ng mga bata, doon nakilala
ni Bentot Payatot ang kanyang Kuya Banjo. Sino ba naman ang mag-aakalang
ako, si Benjamin Joseph Del Pilar, isang maskuladong six-footer
na estudyante ng Philippine University for Technological Advancements,
ay lumaki sa pang-aasar ng mga batang taga-Esperanza? Sino ang mag-iisip
na ang star varsity swimmer ngayon ay isang uhuging lampa noon?
Walang makapagsasabi na ang Benj na sikat sa buong campus ay tinawag
na Bentot Payatot noong bata pa siya. Walang maniniwala, pero totoo.
Noong lumipat kami sa Esperanza Homes, hindi ko inasahang magkakaroon
ako ng kaibigang tulad niya. Siya ang pinakamagaling sa lahat ng
laro. Siya ang pinakamabilis tumakbo, pinakamagaling magtago, pinakamataas
tumalon, at pinakamagaling umasinta't bumato ng lata. Baligtad na
baligtad siya sa akin. Ako, pitik-bulag lang, nababalian na. Pero
hindi siya katulad ng ibang batang nakatira doon. Pinasali niya
ako sa mga laro nila kahit na alam niyang ayaw sa akin ng mga kalaro
niya. Tinuruan niya ako kung paano umasinta ng lata, kung saan puwedeng
magtago na hindi kaagad makikita ng taya, at kung anu-ano pang tips
tungkol sa paglalaro. Kung minsan nga'y binubuhat pa niya ako kapag
naghahabulan kami, at sinasadya niyang maabutan siya kapag ako naman
ang taya. Gusto niyang makapaglaro ang lahat ng bata sa village,
ayaw niya ng may iniitsa-puwera. Akala ko nga'y matatapos na rin
ang mga pang-aasar at panloloko. Akala ko'y magiging masaya na si
Bentot Payatot. Nagkamali ako.
May pag-aalinlangan
pa rin ako pero naisip kong posibleng maging si Kuya Banjo ang lalaking
may hawak ng mic. Bakit hindi, noong pinaalis sila sa village, wala
na akong nabalitaan tungkol sa kanya. Malay ko ba kung ano na'ng
nangyari pagkatapos ng labindalawang taon? Baka siya, puwedeng siya
na 'yon. Nagsimulang magkuwento ang lalaki. Ipiinaliwanag niya ang
extension program na ginawa ng isang unibersidad para sa mga tao
sa bilangguan, para sa kanilang mga gustong makapag-aral at makapagtapos.
Nabilib ako, hindi ko inisip na nakakapag-aral pala ang mga preso
sa loob ng kulungan. Hindi ko naman talaga pinag-iisipan ang buhay
ng mga preso, pero kahit wala akong pakialam sa kanila'y natuwa
pa rin ako dahil kung si Kuya Banjo nga ang taong nagsasalita, siguradong
masaya na siya dahil narating na niya ang isa sa mga pangarap niya-ang
makapag-aral. Marami pala akong magagawa kung sakaling makulong
ako. Kapag napasok raw ako sa loob, pakukuhain muna ako ng iba't
ibang tests. Pag-aaralan ang takbo ng utak ko para malaman kung
bakit at paano ako naging kriminal, at kung saang programa ako nababagay
ipasok. Puwede akong mag-aral, puwede rin akong magtrabaho sa factory,
tuturuan akong maglagay ng barko sa bote sa pagawaan ng mga pang-display
sa istante, at marami pang iba. Hindi rin naman pala nasasayang
ang panahon ng mga preso. Kung tutuusin nga'y mas marami pa silang
nagagawa kesa sa aming mga taga-PUTA o kahit sa iba pang mga taga-labas.
Nabilib ako. Kahit papaano pala'y may mga taong marunong pa ring
magmalasakit sa iba. Akala ko kasi, hindi na uso iyon ngayon. Nakakabilib.
Pagkatapos ng pagkukuwento, nagkaroon ng presentation. Sobrang multi-talented
pala ang mga kriminal na nandoon. Hindi lang sila lumalabag sa batas,
kumakanta pa sila't sumasayaw. Mayroon silang choral group at may
banda rin. Kasama nga sa banda ang lalaking nagho-host ng programa,
naggigitara kasabay ng mga kakosa niyang tumutugtog ng iba't ibang
instrumento. Naalala ko tuloy noong bata pa ako. Sabi ni Kuya Banjo,
magiging sikat na gitarista siya balang araw. Balak ko sanang magpaturo
sa kanya, kaya lang ay nakikigamit lang siya ng gitara sa kapitbahay,
at bago pa ako maibili nina Mom and Dad ay wala na siya sa Esperanza
Homes. Nawalan na rin ako ng gana. Nainggit ako sa mga tumutugtog
na preso. Dapat siguro'y pareho na kaming magaling ni Kuya Banjo
kung hindi sila umalis ng pamilya niya. Nag-pray nga ako noong mismong
oras na iyon. Gusto ko kasing maging si Kuya Banjo na talaga ang
lalaking naggigitara. Nagpaka-religious ako; hiniling ko kay Almighty
Creator of Heaven and Earth na kung may balak siyang tuparin ang
kahit isa lang sa mga dasal ko, sana'y tuparin niya ang hinihiling
ko sa oras na iyon. One-time lang Lord. Sige na naman, God. Humingi
ako ng sign, ng confirmation. Isang sign lang na magpapatotoo ng
kutob ko.
Pagkatapos ng ilang kantahan at sayawan, kinuha na naman ng lalaki
ang mic. Seryoso na ang mukha niya, hindi katulad sa umpisa ng program.
Pinaliwanag niya sa amin ang mga karanasan ng mga bilanggong nandoon.
Sinabi niyang hindi naman lahat ng taga-Munti ay gumawa ng kasalanan,
at kung lumabag man sila sa batas ay dahil sa tawag ng panahon,
dahil sa kailangan. Sabi niya, wala namang taong likas na masama
talaga. Pinag-isipan ko ang sinabi niyang iyon. Totoo kayang walang
taong likas na sinungaling, o kaya'y likas na mandaraya, likas na
walang pakialam o likas na mapang-api? Magulo para sa akin ang sinabi
niya, parang hindi ko mapaniniwalaan. Pero sa tono ng kanyang pananalita,
sa ekspresyon ng mukha niya, sa emosyong nakita ko sa kanyang mga
mata, pati sa emosyon ng ilong, nguso, kilay at lahat ng bahagi
ng katawan niya, hindi ko maiwasang sumang-ayon. Parang totoo, dahil
ang pagsasalita niya'y may kasamang pananalig at sinseridad. Parang
Hollywood film, complete with special digital effects and the latest
in lighting and set design. Parang totoo.
Ginawang halimbawa
ng lalaki ang buhay niya. Mahirap lang daw sila. Tatlo silang magkakapatid,
palipat-lipat ng tirahan. Napasok daw siya doon dahil sa droga.
May sakit daw ang nanay nila noon, pulmonya. Kailangan lang daw
nila ng pambayad sa ospital kaya nalinya siya sa pagtutulak, pero
nang lumaon ay dahil sa gumagamit na rin siya. Imbes na makatulong
ay nakaperhuwisyo pa siya dahil ang perang kinikita niya'y pinambibili
naman niya ng kanyang titirahin. Natauhan lang daw siya nang namatay
ang kapatid niyang lalaki. Ni-raid ang pugad nila, nakatakbo siya
pero naabutan rin ng pulis sa kanilang tinutuluyan. Wala raw siyang
balak magpahuli, kaya hindi siya tumigil sa pagtakbo kahit nag-warning
shot na ang humahabol sa kanya. Pinaputukan ang lalaki, kaya lang
ay humarang ang kapatid niya't yun ang tinamaan. Sumuko rin siya't
naikulong. Pagkalipas ng ilang buwan, namatay naman ang nanay niya't
ang bunsong babae'y dinala naman sa ampunan. Pero kahit na tragic
ang nangyari sa buhay niya, malaki ang pasasalamat ng lalaki sa
kanyang pagkakakulong. Sabi niya, nagkaroon siya ng pagkakataong
magkaroon ng direksyon at tunay na magbagong-buhay dahil sa pagpasok
niya sa Bilibid. Tapos na raw siya ng commerce sa kanyang prison
university at sa ilang buwan lang ay lalaya na. Sabi niya, paglabas
niya'y hahanapin niya ang kanyang bunsong kapatid, pipiliting mabuhay
nang mapayapa sa mundo ng lipunang malaya, sa mundo naming mga taga-Philippine
University for Technological Advancements. Napakasimpleng pangarap-mabuhay
nang mapayapa. Pero sa mundong ginagalawan ko, sa mundong naging
mitsa ng pagiging kriminal ng lalaki, mukhang napakaimposibleng
maabot ang pangarap niyang iyon.
Hiningi ng
lalaki ang reaksyon ng mga estudyante. Mukhang hindi naman nasayang
ang laway niya dahil marami namang tumayo't nagsalita, hindi lang
ako sigurado kung dahil sa naantig sila o dahil sa gusto lang nilang
makapagsalita sa mic. Wala kasi ang atensyon ko sa kanila. Nais
ipasuri ng prof ko ang kultura ng mga bilanggo, pero mas naging
abala ako sa pagsusuri sa mga kuwento ng lalaki. Anim na taon ako
nang makilala ko si Kuya Banjo, limang taon ang lamang niya sa akin;
dapat ay beinte singko anyos na siya ngayon. Tatlo rin silang magkakapatid,
isang babae at dalawang lalaki rin. Palipat-lipat din sila ng bahay.
Kaya nga sila umalis noon, dahil sa ayaw ng homeowners' association
ng Esperanza sa mga squatters. Ang aking Kuya Banjo, dalawang taon
lang kami nagsama, at nang umalis siya'y bumalik na naman ang mga
pang-aasar at panloloko kay Bentot Payatot, tulad ng ginagawa sa
kanya, sa akin, ng mga bata sa mga dati niyang tinitirahan. Naguluhan
ako. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa, maasiwa, magalit,
malungkot. Ang alam ko lang ay kaharap ko na ang aking Kuya Banjo.
Desidido na ako. Natagpuan ko na ang aking Kuya.
Aalis na dapat
ang lalaki para masimulan na ang huling bahagi ng aming field trip-ang
tour of the Bilibid. Gusto ko siyang kausapin, pero hindi ko alam
kung paano ako lalapit sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang uunahin
kong kuwento. Paano ako magpapakilala? Matatandaan kaya niya ako?
Ano kaya ang una kong ikukuwento, ang mga psycho-therapy sessions
ko, ang mga confidence seminars,o ang pagpunta ko sa gym? Marami
akong gustong sabihin sa aking Kuya Banjo, pero hindi ko alam kung
paano o saan ako magsisimula. Papalabas na ng kuwarto ang lalaki
pero wala pa rin akong ginagawa. Natigilan lang siya nang tinawag
siya ng prof ko.
"Hoy,
lalabas ka na kaagad e hindi ka pa nga nagpapakilala!"
"A oo
nga pala. Caloy, Caloy ang pangalan ko."
Caloy. Banjo.
Hindi magkapareho ang Caloy at Banjo. Malayung-malayo.
Nainis ako
sa sarili ko. Masyado akong na-excite, hindi ko naisip na puwede
pala akong magkamali ng hula. Siguro tama rin ang sinabi ng therapist
ko. Dapat ibaon ko na lang sa limot ang Kuya Banjo ko, katulad ng
lahat ng masasakit na episodes ng aking buhay. Mayaman naman ako,
maraming pera. Ayos lang kahit na si Bentot Payatot ako noon, ang
mahalaga'y si Benjamin Joseph Del Pilar na ako ngayon, isang sikat
na athlete ng Philippine University for Technological Advancements.
Tama rin siguro sina Mom and Dad. Hindi ko na kailangan ng friends,
pera lang solb na ako. Nandiyan naman sina Playstation, Levi's,
Glorietta, Nokia, Pentium, Toyota at Nike. Hindi ko kailangang maging
malungkot dahil sa dami ng pera namin, madaling bumili ng barkada,
ng kasiyahan. Siguro tama silang lahat, at ako ang mali. Pati existence
ko, mali. Maling mag-isip, maling makialam, maling umasa. Lahat
mali, yun ang naisip ko.
Nagulat ako
sa pagsalubong ng mga taong may hawak na kung anu-anong pang-display.
Hindi ko namalayang napahiwalay ako sa aming grupo at napalibutan
na ako ng mga presong naghahanap ng mabebentahan.
"Bente
lang bos, kung ayaw mo, pahingi na lang ng pambili ng tinapay kahit
barya lang."
Makukulit ang
grupong ito, hindi ako tinigilan hanggang sa nakita na nilang bumunot
ako sa aking bulsa. Kukuha na sana ako ng pera kung hindi ako pinigilan
ng taong lumapit sa amin.
Si Caloy. Nakita
niyang nahuli ako't dinumog ng mga nagbebenta. Pinaalis niya ang
mga ito't tinanong kung okey lang ako. Tumango lang ako't nagyayang
sumunod na sa mga kaklase ko. Habang naglalakad kami'y nagkuwento
pa siya. Pinaliwanag niya na hiwalay rin ang mga presong nag-aaral
sa mga presong nagtatrabaho. Magkakaiba rin daw ang katayuan ng
mga tao sa loob, depende kung saang grupo sila kasali. Tinanong
ko kung wala na siyang ibang kamag-anak bukod sa kapatid niyang
babae, para magmukhang concerned ako sa kanya. May babalikan naman
daw siyang syota sa paglaya niya. Nabuntis niya yata noong durugista
pa siya at nagkadebelopan na lang sa huli. Nagkaanak ng kambal,
babae't lalaki. Sila raw ang kasama niya sa kanyang pagbabagong-buhay.
Marami pa sana siyang ikukuwento, kaya lang ay malapit na kami sa
aming grupong tumitingin naman sa barracks na para sa mga nag-aaral
na bilanggo. Pagdating namin sa aming mga kasama'y nilapitan siya
ng isang preso.
"Caloy,
'Andiyan si Lydia, kasama sina Alex at Carlo."
Tuwang-tuwa
si Caloy. Nagpaalam siya dahil nandiyan raw ang mga anak niya. Hinanap
ko ang kuwarto ni Caloy at nakita ko ang kuwartong may nakadikit
na pangalang "Carlos Bartolome Fernandez." Habang pinagmamasdan
ko ang maliit na espasyong binuo mula sa ilang pirasong plywood
ay bumisita na naman sa utak ang aking Kuya Banjo. Lagi niyang sinasabi
noon na kung magkakaanak siya, ipapangalan niya sa kanya o kaya'y
sa pangalan ng village. Lagi rin niyang ikinukuwento ang mga kapatid
niya, tatlo yata yung mas bata at dalawa yung mas matanda sa kanya.
Nakakatawa, trese anyos pa lang siya noon pero kung anu-ano na ang
sinasabi niya, na kesyo balang araw ay magiging maginhawa rin ang
pamilya niya, na kesyo handa raw siyang mamatay para sa pamilya
niya. Ang dami niyang kalokohang sinasabi, at ako namang si tanga'y
nangako sa sariling gagawin ang mga kalokohang iyon, na magiging
katulad ko siya. Hindi naman niya ako masisisi kung hindi ko matupad
ang pangako ko. Pamilya nga niya, pinagtatawanan lang raw siya kapag
ikinukuwento niya ang mga balak niya sa buhay, ako pa kayang hindi
niya kadugo? Hindi ako katulad niya. Hindi ko kayang maging katulad
niya.
Pagkalipas
ng ilang oras ay natapos din ang aming activity. Isa-isang umakyat
ang mga taga-PUTA sa bus. Umalingawngaw sa loob ng sasakyan ang
sari-saring kuwentuhan ng mga estudyante. May kanya-kanyang masasabi
ang bawat isa tungkol sa ginawa nang araw na iyon.
"Grabe,
I was like touched na touched sa story of the lowlife prisoner kanina,
sobra!"
"Are we
like, uh, the lipunang malaya ba?"
"And they
were so galing when they were singing and dancing for us kanina!"
"Ya, and
binigay ko pa ang cell number ko so that the presos can chat with
me when they make laya na!"
Magkahalong
lungkot, panghihinayang, pagkamuhi sa sarili at pagkagulo ng isip
naman ang naramdaman ko habang pumapanhik ako papunta sa aking upuan.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isipin o sabihin o maramdaman.
Nalito ako. Ang alam ko lang ay may bago na namang ia-analyze ang
aking therapist. Kikita na naman siya.
Mahaba na naman
ang biyahe't muli na naman akong napaidlip. Nakasakay na naman ako
sa isang tricycle, pero may kasama na akong dalawang bata, sina
Alex at Carlo. Ibinaba ako ng driver sa malawak na kapatagang sementado.
Hindi na kalansay ang nagmamaneho kundi si Caloy. Binayaran ko siya
ng gintong ngipin at pasigaw akong nagpasalamat, at pagkatapos ay
sinuklian ako ni Alex ng lata ng sardinas na ang tatak ay kapareho
ng pangalan ng Kuya Banjo ko. Nagpaalam na sina Caloy sa akin, pupunta
na raw sila sa langit at magbabagong-buhay. Pinalipad niya ang tricycle,
pero hindi na naman sila tinanggap ng langit. Bumagsak ang tricycle.
Sumabog. Muli akong nasilaw at nang dumilat ako'y naglabasan ang
sari-saring taong may dala-dalang mga tsinelas. Nandoon ang mga
kaklase ko, ang mga homeowners sa Esperanza, lahat na yata ng taong
dumaan sa buhay ko. Nakita na naman nila ang latang hawak nakakulong
sa aking mga daliri. Nagalit silang lahat at hinagis ang mga tsinelas
papunta sa akin. Gaya ng dati'y napakalakas ng pagtama nito, halos
mahiwa ang aking balat sa lakas. Gusto ko nang bitawan ang lata,
kaya lang ay bigla itong nagsalita. Huwag raw akong bumitaw, yun
ang sinasabi niya sa akin. Patuloy ang pagbato, at umaalingawngaw
sa paligid ang magkakahalong pakutya, patawa, at pagalit na sigaw,
"Payatot! Iskuwater! Lampa! Durugista! Uto-uto! Kriminal! Uhugin!
Preso!"
Bigla ang paglakas
ng pag-ulan habang naglalakad ako pauwi. Dito, sa malawak na Salvacion
street ng Esperanza Homes, sinlaki ng Buddha beads ang patak ng
ulan. Nabura na ang mga drowing sa semento. Wala na rin ang mga
batang kani-kanina lang ay masayang naglalaro. Basang-basa na ako.
Pati mga gamit ko'y basa na rin, pero wala na akong pakialam. Hindi
ko inasahang magbabago ang panahon nang ganito kabilis, gaya ng
hindi ko inasahang matatagpuan ko ang aking Kuya Banjo nang hindi
ko siya nakikita. Kanina lang, full power ang sikat ng araw. Kanina
lang, si Benjamin Joseph del Pilar ako. Kanina rin ay naranasan
ko ang isang nakakikilabot na panaginip, na posibleng maging pinakakakaibang
panaginip sa buong buhay ko. Ngayon, habang naglalakad ako sa gitna
ng pagpatak, sa kalsada ng Salvacion ng aking Esperanza Homes, habang
pinanonood ko ang mga nabuburang drowing at mga latang nababasa
ng ulan, napag-isipan kong hindi naman pala ako nagising, at mas
lalong hindi ako nakatulog.
Matutuwa na
naman ang therapist ko.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|