|
Simula na ng
pitik-bulag!
MALIBAN SA taguan,
piko, tumbang preso at moro-moro, naging paborito kong laro ang
pitik-bulag noong mas bata pa ako. Simple lang kasi ito. Kailangan
lang ang dalawang manlalaro, walang gamit na kailangan maliban sa
panghuhula at, kung papalarin, matataymingan ang anumang mini-acrobatics
ng mga daliri ng kalaro matapos alisin ang pagkakatakip sa mata.
Balagong ang mahihirapang manghula.
Ang buhay natin
ngayon ay para ring pitik-bulag. Pero hindi dahil simple ito gaya
ng larong nakagawian natin. Itanong lang natin sa mga kababata natin
na hindi na astang-bata ngayon o kaya'y sa mga magulang natin. Pihadong
bibigyan na lamang tayo ng sulyap na halos katapat nong sulyap ng
isang dakilang taong may pasan-pasang krus sa mga babaeng nagtatanong
kung bakit niya ginawa iyon.
Hindi naman
kasi hulaan ang pagpasok sa eskwela o kaya'y paghahanap-buhay. Lalong
hindi hulaan o laro ang pagsasakatuparan ng mga pangarap natin para
sa sarili, sa pamilya at sa buong bansa. Maraming balakid sa dinaaan
at daraanan pa natin at tanging bulag lamang ang magkakandarapa
na madapa sa mga balakid na ito sa halip na ito'y alisin at itapon
sa pinakamalapit na bangin.
'Bigyan ko kayo
ng halimbawa.
Bakit kaya hindi
makapagtapos sa kolehiyo ang karamihan sa kabataan? Ayon kasi sa
isang pag-aaral, mas kaunti pa sa 10 sa bawat 100 tumuntong ng Grade
1 ang makakaabot ng kolehiyo. Sa kabilang banda, walang tigil ang
mga balita hinggil sa mga paslit na nagbebenta ng kung anu-ano sa
kalye, nagpupunas ng sapatos sa mga komyuter sa jeep o kaya'y nagiging
pokpok.
May simpleng
sagot ang pelikulang Jologs. Bilang isang "generation film"
o pelikulang naglalarawan sa henerasyon natin ngayon, tinutulak
nito ang konseptong "napariwara" na ang kabataan. Naging
pokpok, bakla, bobo, haliparot, coño, adik at kung anu-ano
pang itinuturing "masama" sa lipunan. Marami ang naniwala
dito, salamat sa todo-largang advertising ng Star Cinema.
Pero kung tutuusin,
ang pelikulang ito ay may isang mahalagang papel at ito ay ipakita
ang hindi ganap na totoo. Hinihikayat tayo nitong lampasan ang magandang
pakiramdam ng kantang "Next in line" at ituwid ang ipinalalabas
na marka ng kabataan ngayong bagong milenyo.
Dapat ilagay
sa tamang puwesto ang Jologs at ang konsepto nito ng kabataan—at
ito ang eskaparate ng mga produkto ng ABS-CBN na nais nilang ibenta.
Lagyan lamang ng tumpak na label na "Warning: Commodity for
sale. Not to be mistaken for truth."
Kung matatandaan,
mismong ang ABS-CBN ang ilang ulit na nagpatunay ilang buwan pa
lamang ang nakakaraan sa mga nagawa o maaaring gawin ng kabataan.
Nariyan ang
People Power 2 na nilahukan ng laksa-laksang kabataan. Gumawa pa
nga ang ABS-CBN ng ilang espesyal na dokumentaryo at MTV hinggil
dito, maliban pa sa mga episode ng mga programa nito na nagpakita
na "may aktibista pa rin pala" at "dakila ang maglingkod
sa kapwa at sa bayan". Nilagay din nito sa pedestal si Rico
Yan at itinanghal bilang isang ehemplo ng kabataan. ('Yun nga lang,
patay na siya nang ginawa ito at pinagkakitaan pa yata pati kamatayan
niya. Sabi nga ng isang kolumnista sa Inquirer, kinain ng ABS-CBN
ang sarili nitong anak, kahit patay na!)
Para sa mga
nasa likod ng Jologs at iba pang adelantadong tagapagsalita raw
natin, siguro'y mahirap mag-isip o kaya'y walang kita o tubo sa
pagtuturo sa kabataan na mag-isip lampas sa pakikinig ng magagandang
linya o kanta sa isang pelikula na para daw sa atin. Ngunit sa totoo
lang, sila ang ayaw mag-isip o ayaw paganahin ang isip.
Kailan kaya
sila magkakaroon ng pelikula para itanghal ang mga opisyal ng gubyerno
bilang mga magnanakaw ng bilyon-bilyong piso mula sa kabang-yaman
ng bayan na dapat sana ay napupunta sa edukasyon at iba pang serbisyo.
Sana ay ipakita rin ang pangunguna ng mga pulis sa mga sindikatong
nagtutulak ng droga at nagrerekluta ng mga bata at kabataan sa mga
prostitution ring. Pwede rin nilang ipakita ang kadakilaan ng mga
may-ari ng mga pribadong eskwelahan na nagbibigay ng "de kalidad"
na edukasyon matapos pwersahin ang mga pamilya ng mga kabataan na
magsangla ng ari-arian para lamang makapagbayad ng matrikula.
Puwede ring
gawing teleserye ang buhay ng mga kabataang naging pulang mandirigma
o miyembro ng New People's Army. Aba, kung hindi alam ng Star Cinema
o ABS-CBN, marami pa ring kabataan ang lumalahok sa NPA. Kahit nga
ang teleseryeng Pangako sa 'Yo? Ay naglagay ng isang Lourdes, isang
marangal na kaibigan na lumahok na namundok din.
Siguro at marami
ang gugulong sa sahig sa kakatawa kung mapapakita ang kahungkagan
ng mga classified ads para sa mga bagong gradweyt at mga prospesyunal
gaya ng "Wanted: Encoder". Titipahin mo lang sa keyboard
ang laman mga dokumento pero kailangang nagtapos ka ng apat-na-taong
kurso sa kolehiyo! Siyempre, pwede kayang ilagay sa mga imahe ng
pinilakang-tabing kung ano ang pakiramdam ng isang bagong gradweyt
o kaya'y bagong trabahanteng kabataan na umuuwi sa kanila kipkip
ang P250 minimum na sahod mula sa isang buong araw na pagtatrabaho.
Siguradong malaking hamon ito sa mga eksperto sa special effects
para maipakita ang "galing" ng kabataan at mga magulang
sa paghihigpit ng sinturon.
Simulan na,
nagsimula na ang pitik-bulag sa Tinig.com.
-------------------
Abangan ang mga susunod na paksa: Stateside; Ang kabataang Pinoy
sa Internet; Bakla!; atbp.
Hayskul
pa lang ay mahilig nang magsulat si Tonyo. Nahasa ito sa UPLB Perspective
habang kumukuha ng kursong Sosyolohiya at sa College Editors Guild
of the Philippines bilang assistant vice president for Luzon at
deputy secretary-general nito. Noong 1996 at 2001, nakapunta siya
sa Europe para sa isang youth fellowship at conference. Kasalukuyan
siyang nagsusulat para sa Bayan, Plunder Watch, Out Now!, Power,
Sept. 21 Committee, at Justice Not War Coalition. Siya rin ang spokesperson
ng TXTPower. Maganda na sana ang buhay pero wala pa rin siyang lovelife.
Hehehe.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|