CyberFriend
Ni Tembarom
Unang nalathala sa Tembtation,
Peyups.com
Setyembre 20,
2002
PARANG IDINULOT
ng salamangka ang ating pagtatagpo. Mula sa salasalabid na mga sinulid
ng Web, ikinulong tayo ng mIRC sa isang silid na sinarili natin.
Sa lambong
ng kawalang-pagkakakilanlan, naghingahan tayo ng mga tagong hinanakit
at nagpatayugan tayo ng hagis sa ating mga dakilang pangarap. At
oo nga pala, natalakay rin natin ang kabutihan sa kutis ng kamatis
at carrots. Sa proseso’y patuloy tayong naghabi ng mga titik
na naging mga salita’t mga pangugusap na sapat upang tayo’y
magpatuloy.
At ang mga titik
ay naging tinig—matamis na tinig na aking kinasanayan at inasam-asam
sa bawat kiriring ng munti kong telepono. Naging oyayi para sa akin
sa pagdatal ng madaling araw ang mga awit mong pilit. Sa gitna ng
patuloy na palitan ng mga kuwento ng kasayahan at kasiphayuan at
sa pagitan ng mga hikbi’t halakhak, lalong umunlad ang musika
ng ating elektronikong pagkakaibigan.
At ang tinig
ay nagkaroon ng mukha, at nabalisa ako sa kagandahang aking mamalas.
Pinangingiti ako sa tuwina ng titig mong inosente. Kalabisan na
para sa akin ang pagmasdan ang mga pilikmata mong mas malantik pala
kaysa rito sa akin. Di ko pagsasawaan ang mga ngiti mong naglalantad
sa pino mong mga ngipin. At kaysarap haplusin ang itim at malambot
mong buhok.
Nagdadala ng
pagkabagabag ang iyong presensya. Pakiramdam ko, malapit mo nang
sakupin pati ang daigdig ng aking mga panaginip na naka-encode sa
HTML format, ngunit tila sigaw na nagtataboy ng antok ang iyong
mga bulong.
Nahuhulog na
yata ako. Ngunit natatakot akong bumagsak sa Net na puno ng sapot
ng kabiguan, sapagkat ang salamangka ay kasalukuyan mong nararanasan
sa piling ng iba.
Magdi-disconnect
na ba ako?
(http://peyups.com/article.khtml?mode=flat&order=0&sid=1281)
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|