|
Pagbisita sa
Puso ng Campus Press
Ni
Mark Angeles
Si NANAY, hindi
ko maiaalis sa kanya ang pag-aalala tuwing nagpapaalam ako papunta
sa rally. Nanay siya. At sa panahon ngayon, lalo na sa mga nakikita
mong mga balita sa TV, hindi ka ligtas kapag pinili mong ipaglaban
ang mga paniniwala mo.
Matagal na panahon
rin bago ko naintindihan ang sinabi ni nanay. "Mana ka talaga
sa tatay mo!" sabi niya. Ngayon ko naalala na nung haiskul
pa ako naging media officer ng unyon sa kumpanya nila ang tatay
ko.
Galit ako sa
kanya nun dahil natanggal sila trabaho. Hindi ko pa naiintindihan
nun na kapag di binabayaran ng pinagsisilbihang kumpanya ang Social
Security System contributions mo may karapatan kang magreklamo.
Ang maliwanag lang sa akin nun, nang magreklamo si tatay kasama
ang mga kasamahan niya tinanggal silang lahat ng may-ari.
Kadalasan, mga
manggagawang nagwewelga ang napagbubuntunan ng sisi. Sila daw ang
gumugulo sa kaayusan ng paggawa. Kung hindi raw dahil sa kanila,
mas maunlad sana ang produksyon. Ang hindi nila maintindihan, hindi
mag-aalsa ang mga manggagawa, unang-una, kung masaya sila sa kanilang
sahod at mga benepisyo.
Tulad ng welga,
marami rin ang masama ang tingin sa progresibong campus press. Pangunahin
sa amin ang kolektibong pagkilos para magtagumpay ang kampanya.
Para sa kanilang nasa posisyon, kaming mga mamamahayag pangkampus
ay di lang basta manunulat kundi rebelde, at higit pa, mga walang
ginawa kundi "manira".
Madalas na kinukumpiska
ang mga kopya ng diyaryo ng aming mga miyembro at ipinapatawag ng
mga administrador ang mga editor at staff dahil sa mga artikulong
sinasabi nilang may pangil.
Hindi pa man
dumarating sa kamay ng mga estudyante, nakakaranas na agad ng censorship
ang mga campus journalists sa pagpipigil ng kani-kanilang mga advisers
na mailabas ang mga artikulong kritikal na tumitingin sa kalagayan
ng eskuwelahan at ng bansa.
Nakakaranas
ang campus press mula sa pinakasimple hanggang sa pinakamalalang
porma ng panunupil.
Sa kasalukuyan,
patuloy na dumaragdag ang bilang ng mga kasong isinusumite sa College
Editors Guild of the Philippines (CEGP). Ipinasara ang Regina
ng University of Assumption-Pampanga, minaniobra ng Chancellor ang
pagpili ng editor-in-chief ng UPLB Perspective ng University
of the Philippines-Los Baños, kinumpiska ang huling isyu
ng The Scholastican ng St.Scholastica's College-Manila.
Hanggang ngayon,
wala pa ring diyaryo ang mga estudyante ng National University at
Philippine School of Business Administration-Quezon City sa pagkakasara
ng kanilang mga diyaryo, ang The National at Pintig
ng Diwa.
Kabi-kabila
rin ang atake sa CEGP. Nariyang pagbintangan kami ng National Alliance
for Democracy na isang front ng Partido Komunista. Nang nakaraang
SONA, anim na miyembro namin ang binatuta ng mga pulis sa isang
violent dispersal, kasama na ako at ang aming national president.
Lahat kami'y nagtamo ng mga pasa sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Bahagi ng paglaban
ang mga pasa at galos para sa akin. Maliit lang iyan kumpara sa
pagkakait sa mga estudyante sa katotohanang nangyayari sa kanilang
eskuwelahan at sa bansa na mismo.
Higit pa ang
pandarahas na nakakaharap namin sa araw-araw. Nasa order of battle
ng Task Force Banahaw sa ilalim ng Oplan Tamaraw ni Pangulong Gloria
Macapagal-Arroyo maski ang mga miyembrong publikasyon namin sa Mindoro
Oriental. Inaresto ang isa naming kasamahan sa The Pacesetter
ng Bulacan State University matapos kuhanan ng larawan ang Pangulo.
At
higit sa lahat, ang tinik na pumakaw sa aming puso. Isang talulot
ng apoy ang nalagas sa aming hanay. Noong Abril 2002, pinaslang
ng mga CAFGU si Beng Hernandez, ang vice president for Mindanao
ng CEGP, sa North Cotabato kung saan siya gumagawa ng research tungkol
sa Tababa massacre doon.
Pitumpu't isang
taon nang naglilingkod ang CEGP sa mga estudyante at patuloy nitong
itinataguyod ang makabayan at demokratiko nitong layunin para sa
tunay na campus press freedom.
Ang CEGP pa
rin ang pinakamatanda at pinakamalawak na alyansa ng mga pahayagang
pangkampus sa mga kolehiyo at unibersidad sa buong bansa. Nagpapalawak
pa ito sa mga pahayagan sa haiskul.
Pag binubuksan
ng iba ang cell phone ko, natatawa sila. Ang welcome note kasi:
"True love causes pain." Akala nila tungkol yon sa petty
love ng isang teenager. Sabi ko, si Mother Theresa ang nagsabi noon.
At para sa akin ang true love na iyon ay selfless love. Handang
ibigay kahit na sariling buhay para sa iba. Ito ang pinakadakilang
sakripisyong magagawa ng isang tao bilang manunulat. Ito ay konsepto
ng pagbibigay ng walang hinihinging kapalit.
Dalawampu't
dalawang taon lang ako at dalawang taon akong magsisilbi sa CEGP.
Sa loob ng dalawang taon ko rito, hindi ako mapapagod sa pagharap
sa mga hamon sa aming mga campus press. Pero tulad ng mga nakaraang
tagumpay ng CEGP, hindi namin ito kayang mag-isa. Kailangan namin
ang tulong ng marami pang bilang ng mga taong sumusuporta sa laban
ng mga pahayagang pangkampus tungo sa makabuluhang pagbabago ng
lipunan sa kabuuan.
Dahil sa mahigpit
nating pagkakaisa, abot-kamay nating lahat ang tagumpay..
---------------
Si Mark ay Vice President for Luzon ng College Editors Guild of the
Philippines.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|