v 21.0
Oktubre 15 , 2002  
Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook
Mga Alaala ng Setyembre 21, 1972

Alipato
Alexander Martin Remollino

ANG IKATATLUMPUNG anibersaryo ng pagkakapahayag ng batas militar ay noong Setyembre 21, 2002. Ngunit ang paggunita rito ng Bagong Alyansang Mabakabayan at iba pang militanteng pangkat ay naganap nang isang araw na higit na maaga. Sabado kasi ang Setyembre 21 at pangit ang magdaos ng pamamahayag sa ganitong araw sapagkat di gaanong napapansin ng pabatiran.

Bahagya akong tinanghali ng gising nitong nagdaang Setyembre 20, kaya't nang ako'y sumapit sa Maynila ay wala na ang mga tao sa pook ng kitaan. Napilitan akong tumuloy nang mag-isa sa Mendiola.

Habang ako'y naglalakad sa kahabaan ng C.M. Recto, napagmasdan ko ang mga estudyante at kabataan sa paligid. Naroon lamang ang karamihan sa kanila sa mga tabi-tabi—naghaharutan, naninigarilyo, nagbibilyar. Parang walang anuman sa kanila na kinabukasa'y anibersaryo ng pagkakapahayag ng batas militar.

Kung ang panahon ng pananakop ng mga Hapones ay tinawag sa isang pelikula na tatlong taong walang Diyos, ang panahon naman ng batas militar ay halos dalawang dekada ng lagim. Panahon iyong ang karapatang pantao'y hinubdan ng lahat nitong kabanalan at niyurakan ng estado. Panahon iyong ang maggiit ng kanyang karapatan bilang mamamayan at bilang tao'y tinutugis ng batas, at kung sawimpalari'y nilalamon ng piitan, at ang talagang tinatakasan ng kabutihang-palad ay kinukuryente sa bayag o sa suso, dili kaya'y pinapasukan ng posporo sa titi o ng talong na may sili sa puki, o kaya nama'y pinahihiga sa malalaking bloke ng yelo, at ang iba'y ginugulpi, ginagahasa, at may mga pinapatay pa.

Ang mga estudyante at kabataang napagkikita ko sa paligid ng C.M. Recto nang araw na iyon ay parang walang pakialam na kinabukasa'y anibersaryo ng pagsaklot ng halos dalawang dekada ng lagim sa ating bayan.

Subalit sila'y mga repleksiyon lamang ng kalakhan ng kabataan. Liban sa iilang nasa Mendiola nang araw na iyon, at iilang wala nga sa Mendiola ay nagninilay-nilay, ang kabataan ay parang walang pakialam na kinabukasan ay anibersaryo ng pagsaklob sa ating bayan ng isang panahong ang igiit ang katwira'y tinutumbasan ng walang habas na kahayupan.

Maaaring ipagtanggol sila at sabihing sila'y misedukado at huwag namang isisi sa kanila ang gayong kalagayan.

Subalit ang kasaysayan ay di nagkukulang ng materyal tungkol sa panahon ng diktadura. Sa mga aklatan at bilihan ng aklat ay maraming babasahin tungkol sa mga naganap nang panahong ito. Ang mga palatuntunang dokumentaryo at hinggil sa usaping pangmadla, at ang mga pahayagan, ay naglalabas ng mga pagbabalik-tanaw sa panahong ito kapag malapit na ang Setyembre 21. Marami sa mga nabiktima ng kahindik-hindik na panahong iyon ang nakapagsiwalat na ng tungkol sa kani-kanilang masasakit na karanasan-ang mga pagpapahirap sa kanila, ang mga pagkawala ng mga mahal sa buhay.

Hindi kapos ang materyal sa sinumang may kagustuhang balikan ng tanaw ang panahong ito. Ang kulang sa kalakhan ng kabataan ay ang kagustuhang balikan ng tanaw ang panahong ito.

Babagsak ang lahat nito sa isang batayang kawalang-pakialam sa bayan.

Huwag sanang magbigay ang kasalukuyang henerasyon ng kabataan ng dahilan sa sinuman upang mag-isip na nang ilarawan ni Dr. Jose Rizal ang kabataan bilang "magandang pag-asa" ng bayan ay nagkamali siya.

 

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

MULA SA PATNUGOT
Terorismo

SA ISYUNG ITO
Pagbisita sa Puso ng Campus Press
Ni Mark Angeles

Paglaya ni Prometeo:
Isang Tula at Saling-Tula sa Alaala ng Batas Militar

By Dennis Aguinaldo

The Truths According to Me
By Karla Maquiling

What Everyone Should Know About Cancer
By Arosh Mamil

E-mail
Ni Sherbien Dacalanio

CyberFriend
Ni Tembarom

KOLUM
Pitik-bulag
Tonyo Cruz

Pitik
Vlad Gonzales

Alipato
Alexander Martin Remollino

Pahimakas
Jayson Edward B. San Juan

LATHALAIN
Terrorism: Towards a Legal Definition
By Soliman M. Santos, Jr

Anti-Terrorism Act: A Prelude to Authoritarian Rule?
By Rhea Delos Santos

International Confab of Church Leaders Unite Against U.S.-Led Wars of Intervention, Initiates Global Network for Peace

Final Declaration of the International Ecumenical Conference on Terrorism in a Globalized World

MAIKLING KUWENTO
Tumbang Preso
Ni Vlad Gonzales

Gold from the Fields
By Felicia Sanchez

TULA
Sembreak
Ni Soliman Agulto Santos
Isang Paradoks
Ni Randy Nobleza
Headline
Ni Renee Facunla

 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved

Click Here!