v 20.0
Setyembre 19 , 2002  
Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

Bakit Pitik?

Pitik
Vlad B. Gonzales

PITIK—MABILIS, maiksi, umuubos ng kakarampot na sandali at kadalasan ay binibigyan ng maliit na pagpapahalaga. Pitik—mga sandaling sandali ng pag-alaala at paglimot sa mga bagay-bagay at buhay-buhay na minsan ay humaging sa ating isip at puso. Pitik.

***

Ito yung isang tawag namin sa pagnanakaw ng gamit. Ang ibang tawag namin dito ay pandirigma. At kapag binanggit na ito'y maaalala ko ang isang kaklase noong nasa elementarya ako, ang kanyang mabilis na pandirigma, ang mahusay niyang pagpitik ng mga bolpen, papel, notebook, panyo, libro at mga wallet na kapag nahuli namang nasa bag niya'y itatanggi niyang siya ang gumawa.

***

Sa commercial ng sigarilyo, may lalaking pumipitik, tapos nagkakaroon siya ng magic. Magkakaroon din siya ng magandang kotse at babae sa pagtatapos ng commercial. Ito rin ang ginagawa ng bida kapag gusto niyang maglaho ang mga bagay na ayaw niya, yung pagpitik.

***

Ito yung ginagawa ng pinsan ko kapag ginigising niya yung gagamba niyang natutulog sa loob ng bahay na yari sa kahon ng posporo. Pinipitik din siya sa tenga ng nanay niya kapag ginagabi siya ng uwi dahil sa kanyang gagamba hunting sa may kakahuyan. Natigil din naman yung pagpitik sa tenga niya, kasi nakagat siya ng dahong palay noong nanghuhuli siya ng pulang gagamba, tapos namatay siya. Ang bilis daw ng mga pangyayari, sabi ng isang kapitbahay. Parang pitik.

***

Lolo ko, Tito ko, kaibigan ko, kaklase ko. Parang pitik din yung pagkawala nila. Tipong isang araw ay kakuwentuhan ko pa sila, pagkatapos patay na pala sila kinabukasan. At kapag inaalala ko ang mga bagay na natatandaan ko tungkol sa kanila, parang puro walang kuwenta ang maiisip ko, kaya sasabihin ko sa sarili kong wag nang pag-isipan ang mga taong patay na. Kaya mag-iisip ako ng mga taong buhay pa, tapos malalaman kong yung iba ay wala ring kuwentang pag-isipan kahit na buhay pa sila.

***

Relasyon, pagkakaibigan, pag-iibigan, pagtatalo, nag-uumpisa at nagtatapos na parang pitik. Mabilis at may saltik sa kaloob-looban. Kapag mahalagang punto'y nakakalimutan, habambuhay namang natatandaan ang kalokohan.

***

Pitik-bulag, madalas akong natatalo rito. Ito yung magtatakip ka ng mata tapos may pipitik at pag-alis mo ng takip sa mata mo'y huhulaan mo kung anong daliri ang ginamit ng kalaro mo. Palagi akong talo rito. Saka sa bato-bato-pik, lalo na kapag ang pustahan ay pitikan ng kamay. Palaging mapula ang kamay ko noong bata pa ako.

***

Ito yung tunog na pinasusundan sa amin ng facilitator namin sa aming recollection noong grade six ako. Pinapikit niya kami, tapos ay susundan namin ang tunog ng pitik na galing sa daliri niya. Pagkatapos ay iisipin naming humihiwalay ang aming kaluluwa sa katawan namin. Lalabas ang mga kaluluwang humiwalay sa katawan, lalabas ng pintuan ng classroom, ng gate ng eskuwelahan. Babalik ang mga kaluluwa namin sa kanya-kanya naming mga bahay, bibisitahin namin ang aming mga magulang, tapos iisipin namin ang mga kasalanang nagawa namin sa kanila. Makikita rin namin yung mga namatay naming kamag-anak, kakausapin nila kami. Maiiyak daw kami dapat, tapos ay babalik na kami. Papasok na uli ang kaluluwa namin sa gate ng eskuwelahan, sa pintuan ng classroom, sa mga katawan namin. Didilat kami sa huling pitik ng facilitator. Marami sa amin ang mapapaisip sa kahalagahan ng ginawa namin, pero singbilis din ng pitik ang pagwawalang-bahala rito. Siguro'y masyado lang kaming nabigla sa paltik ng high school life.

***

Noong nag-training ako sa CAT namin, puro pitik din ang maririnig ko mula sa mga cadet officer, lalo na kapag oras ng pahinga. Habang nakaupo kami'y patutunugin ng isang officer ang kanyang mga daliri, at ang bawat pitik ay sasagutin namin ng pahigang galaw, dapat ay ten degrees lang, hanggang sa tuluyang lumapat ang likod namin sa sahig. Ididiretso na rin namin ang aming mga paang naka-indian sit, at pipikit sa loob ng sampung minuto. Dito na namin tinitimbang ang katuturan ng training na ginagawa namin, kung bakit kailangan pang magpakabilad sa araw, magbuhat ng riple, magmartsa at magsisigaw para igalang ng mga tao. Kung bakit kahit pagsabihan kami ng mga magulang naming huwag nang magpakahirap ay nagpapakahirap pa rin kami. Pagkatapos, may maririnig akong kaunting kaluskos, at isang mabilis na tunog. Akala ko nga'y pitik din ito, pero hindi pala. May umutot na naman sa aming squad.

***

Parang ganito rin kabilis nawala yung ilang aktibista noong panahon ng Martial Law. Isang pitik lang, maraming nawalan ng mga kapatid, kasintahan, asawa, magulang kaibigan. At tila sa isang pitik lang ay nawala rin ang kanilang kahalagahan. Parang kay bilis nilang nakalimutan.

Biglaan din ang pagkakahanap ng isang grupo ng mga libingan sa isang masukal na damuhan. Napanood ko yata sa telebisyon, noong hindi ako makatulog. Sabi ng isang saksi, doon daw inililibing yung mga pinapatay noong Martial Law. Sabi sa balita, nabura na raw yung mga pangalan sa nitso, yung mga buto raw, tunaw na.

Tapos, sa isang iglap, may maiisip ako. Mabilis, halos hindi ko mapaniwalaang naisip ko—Bakit kaya parang mas malaman pa ang mga tunaw na laman at buto, ang mga naburang pangalan sa nitso, ang madaliang palabas sa telebisyon, bakit kaya parang mas may buhay pa sila kesa sa kasalukuyang itinatae ng aking panulat?

Singbilis ng pitik ang pagluha ko sa aking pagkahungkag.

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

MULA SA PATNUGOT
Maalaala Mo Kaya?

BAYANI
Remembering Lean
By Marites Sison
Lean ni Alex Remollino
Lean ni Gary Granada

SA ISYUNG ITO
Remembering Treason

Closed Ears and Stifled Voices
By Dennis Aguinaldo

To Kris with Love
By Karla Maquiling

Strange
By James Nicolay

Where's the Enemy?
By Carla Montemayor

E-mail
Ni Sherbien Dacalanio

Talahib
Ni Rodel Mayores

Reap What You Sow
By Roland Simbulan

The Problem with BIR Is Not Rats But Termites
By Jayson Edward B. San Juan

KOLUM
Daluyong
Mong Palatino

Pitik
Vlad Gonzales

Alipato
Alexander Martin Remollino

LATHALAIN
International Conference Tackles Violence Against Children
By Alfred A. Araya, Jr.

Astig: Pagdadamit sa Gamitan
Ni Tembarom

'Text Tax: Terorismo!'

MGA KUWENTONG PP2
Magagaang Sandali sa EDSA noong Enero 18, 2001
Ni
Alexander Martin Remollino

MAIKLING KUWENTO
Tumbang Preso
Ni Vlad Gonzales

Gold from the Fields
By Felicia Sanchez

TULA
Kaming Nagsusuot ng Butas na Maong
Ni Alexander Martin Remollino

Idlip
Ni Arianne Angela Solis

KATAGpuan ng Magkaibigan

Ni Lourdes Zorilla

Your Smile
Ni Anna Sanchez

 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved