|
MAIKLING
KUWENTO
Tumbang Preso
Ni Vlad Gonzales
BIGLA ANG pagbagsak
ng ulan habang naglalakad ako sa malawak na Salvacion street ng
Esperanza Homes, ang village na tinitirahan namin. Marami na rin
palang mga bagong bahay dito. Halos wala nang bakanteng lote. Pero
tulad noon, puno pa rin ng mga bata ang kalye, mga batang ngayon
ay parang mga binugaw na langaw sa paghahanap ng masisilungan. Unti-unti
nang nabubura ng tubig ang mga drowing na para sa patintero, piko
at agawang-base. Nagkalat rin ang mga latang ginagamit ng mga bata
sa pagtutumbang-preso. Hindi ko inakalang mag-iiba ang panahon nang
ganito kabilis. Kanina lang, maaliwalas ang paligid at full power
ang sikat ng araw. Ngayon, halos sinlaki ng Buddha beads ang mga
patak ng tubig, at sinasabayan pa ito ng malakas-lakas na pagdaan
ng hangin. Pumapasok na ang tubig sa bag ko, siguradong mababasa
ang discman ko't mga cd. Ang cell ko sa bulsa, binabaha na. Kung
sa ibang araw siguro nangyari ito, malamang ay nagwala na ako. Malamang
ay nagsisisigaw na ako ng "Oh shit, my discman! Shit! Shit!".
Malamang ay tinext ko na ang nangyaring ito sa tropa ko, malamang
nagreklamo na naman ako kina Mom and Dad, malamang nag-tantrum na
naman ako sa harap ng aming maids. Actually, kung sa ibang araw
ay hindi naman talaga ako dadaan dito, ni hindi nga ako maglalakad
pauwi. Pero biglang nagbago ang panahon. Nag-iba ang timpla ng hangin,
salamat sa aking Kuya Banjo.
"Uh sir, are we
like uh, gonna like, mingle with uh, the presos there?"
"Is it ligtas ba
there with all those basaguleros and killers and rapists?"
"But sir, gusto
namin yung amoy bagong close-up, hindi amoy bagong kulong, yuck!"
"Kasi, sir it's
like uh….you know….like, hello?…parang ano kasi
e, like.."
Kanya-kanyang reklamo,
kanya-kanyang komento. Wala sa plano naming mga taga-Philippine
University for Technological Advancements ang magsayang ng oras
sa Muntinlupa, kaya naman galit na galit kami sa prof namin sa Humanities
nang sabihin niyang dito kami magfi-field trip. Kami, ang pinagsama-samang
mga bobo, tanga, malalandi, tarantado, sira-ulo, gago't walang pakialam
ng Pilipinas, pupunta sa kulungan? Bullshit, yun ang sinabi namin.
Hindi naman kami masisisi,
hindi kasama sa pagpapalaki sa mga katulad naming nanganganak ng
pera ang maging active sa ganyang mga bagay. Ni tuition fee increase
o oil price hike nga, wala kaming pakialam. Mga parents naman namin
palagi ang bahala sa lahat ng gastos kaya hindi ako apektado ng
ganoong mga usapan. Kaya nga kami inenrol dito sa pinaka-prestigious
na university sa Pilipinas (sa madaling sabi, ang pinakamataas sumingil
ng tuition), para ipagyabang ang mga perang kinurakot ng mga magulang
namin, tapos aasa pa ang teacher kong magugustuhan namin ang balak
niya. Baguhan lang kasi, hindi pa niya alam ang unwritten tenets
ng eskwela-indifference, corruption, power. Bawal maging socially-conscious
ang mga tao sa eskwelahan namin.
Magaling lang talaga
siguro ang prof kong iyon. Kung hindi siya magaling, siguradong
hindi niya nakumbinsi ang Almighty Administration na magkaroon ng
field trip sa piitan. Siguro may porsyento silang makukuha sa pamasaheng
babayaran namin, o kaya naman ay gagamiting publicity stunt ang
activity. Kunsabagay, magandang training sa amin ang pumunta sa
kulungan. Siguradong mahahasa ang aming mga nakatagong husay sa
pambobola at pampaplastik ng mga nakabababang uri. Siguro yun na
nga. Yun na nga siguro ang dahilan kung bakit buong-puso nilang
pinakawalan ang mga future leaders ng Pilipinas sa mundo ng mga
kriminal.
Akala ko'y hindi na
ako aabot sa aming meeting place. Thirty minutes na akong late.
Nakasakay na nga ang lahat sa bus nang dumating ako. Nagche-check
na rin ng attendance si Sir. Sina Mom and Dad kasi, hindi pa pinagawa
ang kotse, napilitan tuloy akong mag-commute. Ayaw pa nga nila akong
payagang umalis, delikado raw kasi. Wala rin naman silang nagawa
dahil required ang lahat na sumama. Siyempre, hinanap ko ang mga
kabarkada ko't doon ako naupo sa tabi nila, sa bandang likuran,
at sa may window ako pumuwesto. Malakas ang aircon ng bus, nakakaantok
kahit na kalat ang ingay ng mga estudyanteng nagkukwentuhan o nakikipag-usap
sa cell. May video pa sa loob, pero ilang beses ko nang napanood
sa cable ang palabas. Habang umaandar ang sasakyan, ang mga bibig
ng mga kaklase ko't ang video, sumabay rin sa pag-andar ang bunganga
ng aking prof. Sinabi niya kung ano ang objective ng activity namin,
na kesyo para raw maintindihan namin ang kultura ng mga tao sa bilangguan,
na kesyo dapat daw naming imulat ang aming mga mata sa mga nangyayari
sa mundo. Kultura? Kalahati nga ng mga tao sa bus, hindi alam ang
kahulugan ng kultura, aasa pa siyang makukuha namin ang sinasabi
niya. At imposibleng manatili akong nakadilat sa gitna ng kanyang
mala-sleeping pills na pagtatalumpati. Naisip ko tuloy na kung kasinghaba
ng biyahe ang pagsasalita ni Sir, e talagang malayo ang pupuntahan
namin! Kaya isinuksok ko ang earplugs ng discman ko, inadjust ang
aking seat at umidlip.
Nakita ko ang sarili
ko sa loob ng isang tricycle. Huminto kami sa gitna ng isang malawak
na kapatagang balot ng semento. Binayaran ko ang driver na kalansay
ng gintong ngiping kinuha ko sa aking bibig, at sinuklian niya ako
ng lata ng sardinas na walang tatak. Naiyak ako dahil hindi ko alam
ang tatak ng ibinigay na lata sa akin pero hindi luha ang lumabas
sa mga mata ko kundi family computer, playstation, cellular phone,
dumbbell, discman, at kotse! Natakot ang driver sa akin, kaya pinalipad
niya ang kanyang tricycle sa langit, ngunit hindi siya tinanggap
ng langit. Bumagsak ang tricycle. Sumabog. Nakakasilaw ang liwanag
mula sa pagsabog, hindi ko maiwasang pumikit. Pagdilat ko'y nawala
na ang mga iniyak kong bagay pati ang tricycle, natira na lamang
ang latang hawak ko. Maya-maya'y nagsilabasan ang mga batang may
hawak na tsinelas. Nagtatawanan sila, pero nang nakita nila ang
lata'y napalitan ng galit ang ekspresyon sa mga mukha nila. Natakot
ako, at gusto ko mang tumakas ay wala akong nagawa dahil nakapalibot
sa akin ang libo-libong mga bata. Isa sa kanila ang naghagis ng
tsinelas, ang asinta'y sa lata pero ang mukha ko ang tinamaan. Malakas
ang tama ng tsinelas, halos mahiwa ang aking mukhang namanhid sa
lakas at sakit ng puwersang nagpabagsak sa akin sa sementadong kapatagan.
Ang pagbato'y nasundan ng isa pa, at isa pa, at isa pa uli. Hindi
ko naman maintindihan kung bakit ayaw kong bitawan na lang ang lata.
Nagtuloy-tuloy ang pagpukol ng mga tsinelas, at habang nangyayari
ito'y maririnig ang magkakasamang pakutya, patawa at pagalit na
pagsigaw, "Lampa! Payatot! Uto-uto! Lampa! Lampa!"
Nagising ako sa pagtapik
ng kabarkada ko, sabi raw kasi ng prof ko'y malapit na kaming bumaba.
Ang weird ng napanaginipan ko. Ang labo. Sa dinami-dami naman ng
lugar, bakit sa bus pa ako mananaginip ng ganoon, at bakit ngayong
field trip pa namin? Baka naman dahil sa nag-tricycle ako noong
umaga, o siguro'y dahil sa de-lata ang kinain ko kanina, pero corned
beef naman 'yon at hindi sardinas, at may tatak iyon-USA Corned
Beef. Hindi kaya dahil sa di ako nagpunta ng gym last week? Naisip
ko tuloy ang therapist ko, siguradong may bago na naman siyang ia-analyze
sa pagkatao ko, may bago na naman siyang mai-interpret. Anong uri
na naman kayang isolation ang itatatak niya sa akin? Interpersonal
isolation? Intrapersonal isolation? Existential isolation? Hindi
ko alam, basta siguradong tungkol na naman sa detachment at emptiness
ang usapan.
Bukod doon ay hindi ko
na gaanong pinag-isipan pa ang panaginip kong iyon dahil sa pababa
na nga kami. Wala na ang mga sementadong kalye, kaunti na lang din
ang mga sasakyan. Nagpasikut-sikot ang bus sa maalikabok na daang
tinutubuan ng marami-raming puno't damo sa paligid. May mga maliliit
ding bahay na nakatayo, karamiha'y gawa lang sa tagpi-tagping kahoy
at yero. Ilang ikot pa't nakita ko na ang isang malaking compound
na pinalilibutan ng matataas na pader, na sa ilang bahagi'y may
makakapal na barb wire. Naaninag ko ang mga matataas na building
na puno ng tao. Ito kaagad ang mapapansin kapag nasa labas, mga
seldang may mga preso, kaya iisipin ng kung sinumang makakakitang
puro ganito ang nakatayo sa loob. Pagkalipas ng ilan pang liko ay
huminto na rin ang bus sa harap ng isang mataas na pulang gate.
Isa-isa kaming nagsibabaan
sa sasakyan. Pinapila kami ng aming teacher, isang pila para sa
mga lalaki at isa para sa mga babae. Tinatakan kaming mga lalaki
sa may braso, para raw hindi kami mapagkamalang preso. Sa gate pa
lang, nag-inarte na kami. Sinabi naman kasi ni Sir na bawal magdala
ng kung anu-anong gamit sa, loob lalung-lalo na ang cell phone at
beeper. Siyempre, nagdala pa rin kami. Kasama rin kasi sa requirements
ng university ang pagiging makulit- sasabihan na nga, 'di pa rin
makikinig. NBP-Medium Security Compound, yun ang nakalagay doon
sa karatulang nakasabit sa gate. Nataranta nga ang iba kong classmates,
wala raw kasi silang nakitang small at saka large security, minimum
at maximum lang daw ang nadaanan namin. Pagkalipas ng ilang minuto
ng kulitan at artihan, nang natapos nang mag-powder at magpabango
ang mga girls, nang naayos na ng mga guys ang aming shades, kuwintas,
singsing at mga naka-gel na buhok, at nang naipatago na ang mga
telepono, pager, discman, gameboy at walkman namin sa guwardiya,
nakapasok na rin kami sa loob.
Akala ko'y puro selda
ang makikita ko pag pumasok ako sa compound, mga seldang puno ng
mga bilanggong tadtad ng tato, mga taong kamukha ng mga kontrabida
sa action films, mga tipong tingin pa lang ay nakamamatay na. Hindi
naman pala. Malawak ang lugar, at ang seldang naaninag ko sa labas
ay isang maliit na bahagi lang ng kulungan. Maraming mga nakatayong
gusali, may mga halamang nakatanim sa paligid, at makikita ang mga
taong nagsisigalaan, naglalaro ng volleyball sa isang bahagi ng
compound, o di kaya'y nakakumpol sa isang lugar at mukhang nagkukuwentuhan.
Sinalubong kami ng ilang mga tao para tumulong sa mga buhat-buhat
naming pagkain. Maayos ang pananamit nila, maaamo ang mukha't parang
tuwang-tuwa nang makita kami. Pumasok kami sa isang eskinita't pumunta
sa isang building. Mga classrooms pala ang nasa building na iyon.
Tumuloy-tuloy kami sa isang classroom at nakita namin ang pagbating
nakasulat sa blackboard na dinisenyuhan ng magkakaibang kulay na
chalk, isang nagsusumigaw na "Welcome PUTA!"
Naghanap kami ng mapupuwestuhan
sa mga upuang nasa silid. Abala pa ako sa paghahanap ng mauupuan
nang dumating ang isang lalaki't kinuha ang mic na nakapatong sa
karaokeng binuo pa yata noong panahon ng Cro-magnon men. Maputi
ang lalaki, katamtaman ang taas at laki ng katawan, mukhang nasa
pagitan ng beinte at beinte singko anyos at may ngiti ng isang grade
2 pupil na niregaluhan ng isang life-size na laruang Voltes V.
"Welcome diyan sa
mga taga-Philippine University for Technological Advancements! Kamusta
na kayo?"
Palakpakan ang
isinagot ng mga kaklase ko. Ako naman, natigilang bigla. Eerie ang
dating ng lalaki sa akin. Parang pamilyar sa akin ang ayos ng mukha,
kulay ng balat at tindig nito. Parang nakilala ko na siya noong
bata pa ako. Para siyang isang kaibigang halos nakalimutan ko na
sa pagdaan ng mga taon. Para siyang si Kuya Banjo.
(Abangan
ang karugtong sa susunod na isyu.)
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|