v 20.0
Setyembre 19 , 2002  
Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook
Magagaang Sandali sa EDSA noong Enero 18, 2001
Ni
Alexander Martin Remollino

"ANG REBOLUSYON ay hindi isang piging," minsa'y sinabi ni Mao Zedong. At ito'y totoo hindi lamang sa mga rebolusyon kundi maging sa mga pag-aalsang hindi rebolusyonaryo. Matinik ang landas ng rebolusyon, at ito'y totoo maging sa mga pag-aalsang hindi rebolusyonaryo.

Ngunit ang landas ng rebolusyon ay hindi naman pulos na tinik. Gayundin naman ang landas ng pag-aalsang hindi rebolusyonaryo. Ang rebolusyon at ang pag-aalsang hindi rebolusyonaryo'y kapwa maaaring magkaroon ng malamang ay tatawagin ng rebolusyonaryong si Jose Maria Sison na "magagaang sandali sa pakikibaka", na siya niyang paglalarawan sa ilang katawa-tawang pangyayari sa kanyang buhay noong siya'y nasa kabundukan sa kanyang aklat na Rebolusyong Pilipino: Tanaw mula sa Loob.

Ang People Power 2, na isang hindi rebolusyonaryong pag-aalsang naganap sa makasaysayang lansangang ang pangala'y EDSA noong Enero 2001, ay hindi nakaligtas sa ganitong mga pangyayari. Ang Enero 2001 ay isang kabanata ng kasaysayan natin kung kailan milyun-milyong Pilipino ang nagtipun-tipon sa isang dambuhalang lansangan upang patalsikin ang isang tarantado at hangal na pulitiko mula sa pinakamataas na katungkulan sa bansa, ngunit sa bahaging ito ng kasaysayan ay hindi nalimot ng mga kalahok ang tumawa at magpatawa-at ang maging katawa-tawa.

Ang may pinakamalalim na ukit sa aking gunita ay ang Huwebes, Enero 18.

Kalilipas lang ng tanghali nang ako'y dumating sa EDSA noong araw na iyon.

Kakaunti pa lang ang mga tao—ilang oras pa bago muling darami, sapagkat karamiha'y kundi man kumakain pa ay natulog muna sa kani-kanilang mga bahay upang bawiin ang lakas na sinipsip ng pagpupuyat. Ngunit sa kabila ng kauntian ng mga tao'y parang marami pa rin ang mga tao dahil sa ingay na likha ng mga katatawanan.

Nariyan ang nangyari nang ipahayag ng tagapagsalita (sa mga sandaling iyo'y si Ruth Cervantes ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, kundi kami namamali) ang pagparoon nina Maria Isabel Lopez at Dante Varona. Hindi na yata narinig ng ilang kabataang lalaki ang pangalan ni Maria Isabel Lopez, pagkat agad silang nagsisigaw habang nagtatatawa, "Nasaan na si Dante Varona?"

Nang umakyat sa tanghalan upang magtalumpati ang noo'y tagapangulo ng UP Student Council, ang ngayo'y tagapangulo ng National Union of Students of the Philippines at kolumnista ng Tinig.com, si Mong Palatino, malakas ang palakpakang sumalubong sa kanya, lalo na yaong palakpakang mula sa ilang kolehiyala sa aking likuran na ang uniporme'y puting blusa at bughaw na pantalon.

Lalong lumakas ang palakpakan nang isigaw niyang, "Kung napabaksak natin ang isang matalinong diktador, kayang-kaya nating pabagsakin ang isang bobong diktador!"

Ngunit nang wikain niya tungkol kay Erap ang, "Kung idolo niya si Marcos, idolo rin namin sina Lean Alejandro, Eman Lacaba, Lorena Barros..." ay nagtanungan ang mga kolehiyala sa aking likuran, "Sino 'yon?" at ang mga kunot sa kanilang mga noo kaipala'y hindi matatapyas ng kahit isang libong paet.

Makaraan ang ilampung minuto, si Nora Aunor na ang nasa tanghalan. Nanggipuspos ang mga tao sa kanyang pagsasalaysay ng kung paano siya nilapastangan ni Erap sa matagal na panahon. Ngunit ang panggigipuspos na iyo'y karaka-rakang napawi nang kanyang kantahin ang mahimagsik na awiting "Bayan Ko"-na mali-mali ang mga titik na inaawit at paminsan-minsa'y namamali pa sa tono, kaipala'y sapagkat labis na nahirati sa mga "Together Again" at "I Can't Stop Loving You".

Ilang sandali pa'y si Ka Mameng Deunida ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap ang nasa tanghalan. Parang kulog ang halakhakan ng mga tao nang kanyang laitin sa mapilantik na tinig "ang tungak na si Enrile."

Gumayak ng itim ang langit. Hindi na mga kasapi ng Bayan ang nangangasiwa sa programa.

Nagpalakpakan ang mga tao nang mula sa kakapalan ng madla ay lumitaw ang isang malaking karatulang naghuhumiyaw ng, "Fuck you, Mr. President!"

Sa isang bahagi ng programa'y tinawag si Noel Cabangon, ang dating bokalista ng grupong Buklod, at kanyang inawit ang "Pag-ibig sa Tinubuang Lupa".

Makaraan ito'y nakita ko sa makapal na bunton ng mga tao ang isang kaibigan sa UST, kung saan ako nagkolehiyo. Nang kami'y makalapit sa isa't isa, isa sa mga una niyang itinanong sa akin ay kung bakit kaya hindi tumutugtog sa raling iyon ang Buklod.

Nang pakantahin sa tanghalan sina Nikki Valdez at Carol Banawa, ang unang itinanong ng aking kakilala sa UST ay, "Sino naman 'yang mga 'yan?"

Ang sabi ko'y sina Nikki Valdez at Carol Banawa ng ABS-CBN.

"Hindi ko kilala," anang aking kaibigan.

Habang kumakanta ang dalawa'y nagpakawala ang aking kaibigan ng isang malakas-lakas na, "Inaantok ako." (Noo'y "Tanging Yaman" ang kinakanta ng dalawa.)

Pinagtinginan kami ng mga tao. Malinaw kong nabasa sa kanilang mga tingin ang isang tahimik na pagpapalagay na ako at ang aking kaibigan ay mga baliw.

Matinik nga ang landas ng labanan. Ngunit maging sa landas na ito'y maaari tayong makatagpo ng mga payasong magpapagaan sa bigat ng ating pasanin. Malinaw na nakita ang katotohanan nito sa EDSA noong Enero 18, 2001.

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

MULA SA PATNUGOT
Maalaala Mo Kaya?

BAYANI
Remembering Lean
By Marites Sison
Lean ni Alex Remollino
Lean ni Gary Granada

SA ISYUNG ITO
Remembering Treason

Closed Ears and Stifled Voices
By Dennis Aguinaldo

To Kris with Love
By Karla Maquiling

Strange
By James Nicolay

Where's the Enemy?
By Carla Montemayor

E-mail
Ni Sherbien Dacalanio

Talahib
Ni Rodel Mayores

Reap What You Sow
By Roland Simbulan

The Problem with BIR Is Not Rats But Termites
By Jayson Edward B. San Juan

KOLUM
Daluyong
Mong Palatino

Pitik
Vlad Gonzales

Alipato
Alexander Martin Remollino

LATHALAIN
International Conference Tackles Violence Against Children
By Alfred A. Araya, Jr.

Astig: Pagdadamit sa Gamitan
Ni Tembarom

'Text Tax: Terorismo!'

MGA KUWENTONG PP2
Magagaang Sandali sa EDSA noong Enero 18, 2001
Ni
Alexander Martin Remollino

MAIKLING KUWENTO
Tumbang Preso
Ni Vlad Gonzales

Gold from the Fields
By Felicia Sanchez

TULA
Kaming Nagsusuot ng Butas na Maong
Ni Alexander Martin Remollino

Idlip
Ni Arianne Angela Solis

KATAGpuan ng Magkaibigan

Ni Lourdes Zorilla

Your Smile
Ni Anna Sanchez

 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved