|
LATHALAIN
Astig:
Pagdadamit sa Gamitan
Ni Tembarom
(Unang nalathala sa Peyups.com,
Seyembre 13, 2002)
NANG SA wakas
ay pagbigyan ko ang tembtation na panoorin ang pelikulang Gamitan,
inasahan kong ang makikita ko'y gaya rin ng sa ibang karaniwang
sineng sex trip. Alam kong magbibilad lang ng kanilang mga katawan
ang dalawang pinakamaningning na mga bagong bituin ng pinilakang-tabing:
ang mga bagong pantasya ng bayan, ang inosenteng baby na si Maui
Taylor, at ang astig na si Jordan "Wala ba kayong mga kamay?"
Herrera.
Sa karaniwang
ST films, siyempre'y bubusugin at tatakawin ang mga manonood ng
magagandang mga mukha at katawan ng mga artista (Sa Gamitan, lahat
ng mga bida at suporta ay pawang magaganda ang hitsura). Maya-maya'y
ihahain na ang pangunahing putahe: magdadalihan na ang mga bida:
tila walang hanggang himasan, kiskisan, daganan, dalirutan, ungulan,
at halinghingan hanggang sa huling malalim at mapagpalayang buntung-hininga.
Sa pagitan ng mga kalibugan, tuloy ang istoryang gegewang-gewang
pero madaling mahulaan ang kahihinatnan.
Sa una, aakalain mong ang Gamitan ay isang pa-tweetums na teenage
film. Kilig to the bones at medyo OA pa nga si Cathy (Maui) kay
Nick (Wendell Ramos). Nakakaaliw dahil nakuha ng Gamitan ang lifestyle
ng kasalukuyang kabataan—mula sa pagiging kitikitext at tambay
sa bar hanggang sa pananalita: "Ah, gets ko na!" At mawawala
ba naman ang stereotypical na barkadahan: mga babaeng tsismosa at
mga lalaking pa-macho't manyakekoks?
Isang sikat
na star player ng kanilang kolehiyo si Nick. Magkaklase naman sina
Cathy, isang matalino pero pangkaraniwan at inosenteng colegiala,
at ang guwapo at mabait pero weird na si Lui (Jordan) na halatang
may crush kay Cathy. Nagpustahan ang barkada ni Nick: kailangan
niyang makasibak ng isang hard to get na virgin sa loob ng isang
buwan, at si Cathy ang minalas na maging target. Dahil crush ng
bayan si Nick, nai-inlove pa lalo nang todo ang kawawang biktima
sa proseso ng pagpapaamo sa kanya ng lalaki. Matapos siyang magamit,
si Cathy ay ibinasura ni Nick. Nagmukhang stupid luv ang istorya
nila, at kinawawawa mo lang ako ang naging drama ng luhaang si Cathy.
Pero gaya ng
sa mga istoryang may fairy godmother, sa tulong ng kanyang liberated
(na kung naging mahirap sana'y tatawaging haliparot) na ate (Patricia
Javier!), biglang nagbago overnight si Cathy. Nagkaroon ng total
make over sa kanyang hitsura at attitude. Ang dating simple ay naging
sexy; ang inosente ay naging kaakit-akit, tunay na palaban, at mapanganib
na babae. Upang makapaghiganti kay Nick, inakit at ginamit ni Cathy
si Lui, na naging alipin ng pagmamahal na humantong sa obsession
sa babaeng itinatangi.
Makikita ang
prinsipyo ng magkabilaan sa Gamitan—ang mga elemento ng pagmamahal
at kalupitan, ang pagiging inosente at ang pagguho nito, ang liwanag
at dilim, katiwasayan at paranoia. Sa huli, ang makulit na buhay
ng mga estudyanteng ito'y magiging isang seryosong istorya ng pag-ibig
at kalibugan, pagkabigo at paghihiganti, at buhay at kamatayan.
Kakaiba sa iba
ang Gamitan. Sa unang mga eksena pa lamang ay tila nakikipagharutan
na sa atin si Quark Henares, ang direktor at manunulat. Parang kumukindat-kindat
ang malikot na kamera habang nag-aayos at nagsusulat ng tula si
Cathy. Kakaiba ang approach ni Quark—makikita ang bahid ng
pagiging experimental film sa kakaibang juxtaposition ng mga imahe
sa ilang mga partikular na eksena. May mga pagkakataon namang ang
paggamit ng fast-forward ay naihahambing ko sa technique na ginagamit
sa mga palabas na anime.
Samantala, saludo
ako sa musikang umagapay sa Gamitan, mula sa "Just a few more
minutes" ng Itchyworms noong chummy-chummy paang istorya hanggang
sa "Ambulansiya" ng mga taga-Eraserheads sa pinaka-madilim
na bahagi ng pelikula. (Incidentally, di pa man nagmi-mainstream
ang Itchyworms ay nagustuhan ko na sila simula nang mag-guest sila
sa dating radio show ni Jessica Zafra 103.5 K-lite FM. Samantala,
sino ba naman sa atin ang hindi gusto ang Eraserheads?)
Hindi puro laman
at kawatan ang Gamitan, may kaluluwa ito. Halata ang pagkiling ng
istorya sa sining at panitikan at sa mundo ng mga ideya. As opposed
to Nick na sa basketball lamang magaling, kapwa may hilig sa poetry
sina Cathy at Lui. Itong huli, bukod sa nagpipinta, ay may interes
sa mga bagay na di-pangkaraniwan at mahiwaga. Sa masalimuot na bahagi
ng pelikula, halinhinang maririnig ang kanilang mga tula tungkol
sa pag-ibig at kamatayan.
Hindi ka lamang
bubusugin at kikilitiin ng pelikula. Papag-isipin, gagambalain,
at babagabagin ka nito. Higit sa lahat ng emosyon, ang kawalang
pag-asa ang sumampal nang pinakamalakas sa akin. Gaano man kainit
ang romansahan nang sa wakas ay ibigay na ni Cathy ay gantimpala
niya kay Lui matapos ang paghihingati niya, hindi ko na magawang
mag-init pa sa kalibugan ng eksena. (Honestly 'di ko pinanood ang
pelikula para suriin; syempre, gusto ko ring makakita ng—sa
salita ng isang kaibigan, ay—gumagalaw, hehe). Disturbing
pa nga, kung paanong nagawa pa nilang magtalik habang may bangkay
na nakahandusay sa ibaba lamang ng kama nila. Si Cathy, ang inosente
at kinikilig na kabataan, nang mapukaw ay naging napaka-makamandag.
Si Lui, ang inosente at mahiyaing makata, nang matukso ay naging
tila-robot na sunud-sunuran.
Pandalas ang
pagmura ko sa eksena kung saan pinira-piraso ni Lui ang bangkay
ni Nick. Astig in a weird and horrible sense naman ang pagkaka-deliver
ni Maui ng birong "Wala ba kayong mga kamay?" sa eksenang
ito, na nakaragdag sa nakapanghihilakbot na eksena. Sa totoo lang,
nakakapanindig-balahibo, bagamat hindi aktwal na ipinakita ang hiniwa-hiwang
duguang katawan.
Sa aking opinyon,
kapuri-puri ang kuwento at pagkakagawa ng pelikulang Gamitan. Hindi
ito mumurahing pampagana lamang. Totoong maaaring maraming pagkukulang,
at ang iba'y pupunahin ang kakayahan ng mga artistang nagsiganap,
ngunit iiwan ko na ang ganoong kritisismo sa mga eksperto.
Higit na mahalaga
para sa akin, isinasalaysay ng Gamitan ang kuwento ko at istorya
mo—o istoryang posibleng maging kuwento ng sinuman sa atin.
Inilarawan nito ang mga sarili nating kalibugan, obsesyon, at kabigyan.
At sa pagpapakawala natin sa mga kinukuyom na damdamin, ng mga pinipigil
na panggigigil, sinong makapagsasabing hindi tayo maaaring maging
isang Lui o isang Cathy?
Sinasampal at
ginugulat tayo ng katotohanang hatid nito. Ipinakikita nitong mapanganib
makipaglaro sapagkat maaring sa huli'y tayo ang paglaruan ng mismong
laro. Nakatuntong sa realidad ang Gamitan, sa kabila ng maraming
puna sa ilang butas sa takbo ng istorya. Ginamit ni Quark ang ang
lohikal na konsepto ng karma. In-invoke rin niya ang konsensyang
taglay nating lahat. Sinadya man o hindi, makikita ang pananaig
ng batas—bagamat hindi ng hustisya. (Sa totoong buhay kasi,
gaya ng sa kuwento, kadalasa'y napaka-komplikado ng mga pangyayari
kaya't ang katarunga'y nababaon pa rin).
Dahil sa pagpapakita
nito ng trahedyang bunga ng mapaglarong mga puso, masasabing may
pagpapahalaga ang pelikula sa pag-ibig. Pinaaalahanan tayo ng Gamitan
na kung mapataas ang ating lipad, kung mapalayo ang ating pag-alagwa,
hindi tayo magtutuluy-tuloy sa alapaap, bagkus ay palagapak na babagsak
tayo sa lupa.
Anu't anupaman,
natutuwa akong nagpagamit ako. Pero natatawa pa rin ako sa komento
ng isa ko pang kaibigan: Damitan ko raw si Maui at baka siya mapulmunya.
Pero mas pinili kong damitan ang Gamitan sa panghuhubad na ginagawa
rito ng mga kritiko.
http://www.peyups.com/article.khtml?sid=1244&mode=flat&order=1
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|