Bakit ba naman
sumapit na ang gabi
ang talukap ay di man lang
nag-abalang magsara
at hayaang dumilim ang paningin
at ang isip ay magpahinga?
Hindi kaya dahil
binabagabag ako ng iyong imahen
na pilit lumalapit sa akin
ngunit akin namang nilalayuan?
Dili kasi'y
hindi
pinahintulutan ng panahon
na ang ating mga yabag
ay magdugtong
at ang pintig ng dibdib ay mapag-isa
kaya hayaan
mo na akong
iduyan ng aking tagong kamalayan
habang tahimik kong dinarama
ang damping halik ng hangin
hayaan mong ang multo
ng iyong pagkatao
ay lumutang
at lumipad
papalayo sa langit
nang sa gayo'y ako'y
humiga na't iunan na
ang ulap na aking inaasam
na hagkan at ako'y mahimbing
na't maidlip nang malaya.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.