BAYANI
Lean
Ni Alexander Martin Remollino
NOONG
HULYO 10, 1960, isang bayani ang isinilang: si Leandro "Lean"
Alejandro.
Sa panahong
itong ang itinatanghal na mga huwaran ng kabataan ay karamiha'y
mga artistang alingawngaw ni Ate Glo, napapanahong pagnilayan ang
kanyang naging buhay.
Sino nga ba
si Lean?
Kakabit ng pangalan
ni Lean ang aktibismo; kapag inisip siya ng mga nakakikilala sa
kanya, maiisip nila ang aktibismo. At bakit hindi? Paslit pa lamang
siya'y tila nakatakda nang ang landas ng aktibismo ang kanyang tatahakin.
At nang siya'y paslangin ng mga duwag, isa siyang lider-aktibista.
Sampung taong
gulang pa lamang siya nang kanyang ipamalas kung anong uring tao
siya. Noo'y naroon siya sa aklatan ng kanilang paaralan, pilit na
nanghihiram ng encyclopedia. Pilit din namang tinatanggihan siya
ng tagapamahala ng aklatan, sa kadahilanang ayon sa mga patakaran
ng paaralan, ang mga nasa higit na matataas na antas lamang ang
maaring manghiram ng encyclopedia. Nag-iiyak si Lean, at sa kaguluhang
nilikha ng pangyayaring ito'y kinailangang ipatawag ang kanyang
ina. Nang siya at ang kanyang ina'y kausapin ng mga administrador
ng paaralan, napag-alamang kaya niya ibig na manghiram ng encyclopedia
ay sapagkat ibig niyang saliksikin doon kung paano magagamot ang
isa sa kanilang mga alagang kuting, na noo'y tuluy-tuloy ang pamamayat.
Ayon sa kanyang
ina, ang ganitong pagiging mapag-aruga ay hindi lang sa mga hayop
ipinamalas ni Lean kundi maging sa kanyang mga kapwa tao. Sa katunayan,
ang bahay raw nila'y di mawalan-walan ng tao sapagkat ang bawat
manghingi ng tulong kay Lean ay kanyang pinatutuloy.
Datapwat di
lang ang pagiging mapag-aruga ang ipinamalas ni Lean sa naturang
pangyayari sa aklatan. Higit pa riyan, ipinamalas niya sa napakabatang
gulang ang kahandaang labanan ang kairalan kung ito'y taliwas sa
matwid.
At ang kanyang
pagsalungat sa kairalan ay walang kinilalang banta ng kapahamakan.
Noong siya'y nasa ikaapat na taon ng haiskul, nanganib siyang hindi
makatapos dahil sa pagtangging sagutin ang aniya'y walang katuturang
mga tanong sa isa sa kanilang mga pagsusulit. Nang siya'y kausapin
ng mga guro ay mahusay niyang naipaliwanag ang kanyang panig at
pinayagan siyang makatapos.
Sa paaralan,
nakilala si Lean bilang isang rebeldeng intelektuwal. Siya yaong
uring mag-aaral na hindi papayag na ang mga utak ng kanyang mga
kamag-aral ay masaksakan ng mga kahangalan, kasinungalingan, at
kahibangang madalas-dalas ding sumulpot sa ating mga silid-aralan
dahil sa kabulukan ng sistemang pang-edukasyong itinatag ng mga
Amerikanong mananakop sa ating bansa, na magpahanggang sa mga araw
na ito'y patuloy na umiiral. Nakikipagtalo siya sa kanilang mga
guro—at nadadaig niya ang mga ito. Nang siya'y nag-aaral sa
Unibersidad ng Pilipinas (UP), sinabi niyang ang silid-aralan ay
hindi dapat na pabayaan ng mga aktibista sapagkat maaari itong maging
isang lunan kung saan masasalungat ang mga ideya ng mga reaksiyunaryong
propesor.
Sa UP nagsimula
ang aktibismo ni Lean. Bilang kasapi ng Youth for Nationalism and
Democracy (na iba sa ngayo'y kilalang grupong gayundin ang pangalan)
at manunulat ng Philippine Collegian, isa siya sa mga napatampok
na personalidad sa aktibismo ng kabataan noong mga huling taon ng
diktadurang Marcos. Masigasig siyang nanawagan at kumilos hindi
lang alang-alang sa pagpapabagsak sa diktadura, kundi alang-alang
din sa pagtatatag ng isang tunay na malaya at demokratikong lipunan.
Noong 1985,
itinatag ang Bagong Alyansang Makabayan—isang alyansa ng mga
progresibong puwersang mula sa mga hanay ng mga manggagawa, magsasaka,
maralitang tagalunsod, mangingisda, katutubong mamamayan, kababaihan,
kabataan at mag-aaral, artista at manunulat, propesyunal at kawani,
at taong-simbahan—sa ilalim ng pamumuno ng dating Senador
na si Lorenzo "Ka Tanny" Tañada. Dala ng nasabing
alyansa ang saligang simulain ng tunay na kalayaan at demokrasya.
Si Lean ang nahirang na Pangkalahatang Kalihim ng alyansang ito.
Sa isang panayam,
pinuri ni Ka Tanny si Lean bilang "siyang susunod na dakilang
makabansa."
Sa kauna-unahang
halalan sa ilalim ng panunugkulan ni Corazon Cojuangco-Aquino, si
Lean ay kumandidato sa isang posisyon sa Navotas-Malabon, subalit
siya'y natalo ni Teresita Aquino-Oreta, na ngayo'y kilala sa kanyang
pagsasayaw na wari'y isang belyas matapos na mahadlangan ang pagbubukas
ng isang sobreng naglalaman ng mga katibayang magagamit sana sa
paglilitis ng Senado sa dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada.
Matapos na mabigo
sa pagtatangkang dalhin ang aktibismo sa pulitikang panghalalan,
ipinagpatuloy ni Lean ang pakikisangkot sa parliyamento ng lansangan.
Noong Setyembre
19, 1987, sa kasagsagan ng "muling binuhay na demokrasya"
ng pamahalaang Aquino, si Lean ay pinaslang ng hanggang ngayo'y
hindi pa nakikilalang mga salarin.
Maikli lang
ang naging buhay ni Lean. Subalit sa kanyang 27 taong inilagi sa
daigdig na ito ay marami siyang nagawa alang-alang sa bayan.
May mga taong
bagama't maikli lang ang naging buhay ay higit pang nabuhay kaysa
roon sa mga nabuhay nang higit na malaon. Isa sa mga taong ito si
Leandro "Lean" Alejandro.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|