Senti
Ni Tembarom
Bakit ayaw dumalaw
ang pagod at antok upang mapahinga ang aking diwa mula sa walang hanggang
alalahanin at nakababaliw na isipin? Di mawaglit sa aking isipan ang
masaklap na kinasapitan ng isang kaibigan. Lubhang di-katanggap-tanggap
ang tuluyang pagkawala ng pag-asang magkaroon pa ng pinananabikang
ugnayan. Kung talagang nagwakas nang lahat iyon, bakit di pa ako lubayan
ng mga ganitong pangamba?
Sadya yatang palalo
ang aking isipan. Patuloy nitong sinusuway ang utos ng katwiran. Ayaw
nitong tigilan ang pagtahak sa kawing-kawing na piraso ng mga alaala't
pangamba. Pilit pa ring ipinagsisiksikan ang isang bahagi ng kahapong
tuluyan nang winasak ng kasalukuyan.
Naisin ko mang
wakasan ang ganitong mga isipin, tila naman walang kapaguran ang aking
panulat. Para bagang di pa sapat ang mga salitang dati nang nasabi
at naisulat upang maibulalas ang damdaming namamalagi sa akin. Walang
humpay sa muli at muling paghahabi ng mga salita upang mailarawan
ang kawalang-kulay ng buhay na nakasalalay sa punit-punit na mga alaala.
Di napapagal sa pagkatha ng tugma't sanaysay na nagsasalaysay sa pagtalunton
pabalik sa madilim at matinik na landas ng panahon.
Patuloy na tinatalikuran
ang maningning na sikat ng araw na tumatanglaw sa kasalukuyan…
Kabaliwan—pagsasayang
ng mga ginintuang pagkakataon na maaaring gugulin sa pagbabasa at
pananaliksik. Ngunit bakit parang mas mahalaga ang pagdampot sa mga
pirasong bubog kasya sa pamumulot ng nakakalat na liwanag?
Kailan lilinaw
at lalaya ang isipan?