MULA
SA PATNUGOT
Sa Pagbaba
ng Tabing
Matapos ang may
isang linggong palabas, natapos din—bagamat nagdulot ng napakalaking
pinsala—ang pagwawala ng Estrada loyalists.
Sa umano'y ispirito
ng malayang pagpapahayag, may isang linggong nagtipun-tipon ang libu-libong
mamamayang maka-Estrada sa EDSA shrine. Tinawag nila itong EDSA 3
or Poor People Power. Hiningi nila ang pagpapalaya kay Erap at pagbaba
sa pwesto ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ang lehitimong pangulo
ng bansa.
Subalit nang kanilang
ma-realize na magwala man sila habampanahon sa EDSA, walang papansin
sa kanila—sapagkat sa iba't ibang bahagi ng bansa ay tuloy ang regular
na takbo ng buhay—desperado nilang sinugod ang Malacañang.
At andaya nila, ha: tayo noon, sa People Power 2, ay hanggang Mendiola
lang; di tuloy natin naigawad ang citizen's arrest kay Erap. Pero
ang Estrada loyalists, nakapaghasik ng gulo sa mismong gates ng Palasyo.
Sa paligid ng
Mendiola, umulan ng bato, umagos ang dugo at lumaganap ang usok. Hindi
sinanto ng mga loyalista maging ang equipment ng mga manggagawa sa
media, pati ang sasakyan ng Red Cross.
Kinokondena ng
Tinig.com ang pang-uuto, pang-uulol, pang-aaliw at pang-a-agitate
ng mga pulitikong kaalyado ng dating pangulo sa masang mahihirap.
Sa kawalang pag-asa, sa itinanim na galit, nagawa ng pagkarami-raming
tao ang ganoon katinding kaguluhan.
At please, huwag
naman sana nilang gamitin "in vain" ang mga katagang People
Power.
Sa paghawi ng
usok, umayon ang kasaysayan sa katarungan at katuwiran. Pagkat ang
Mob Power I sa EDSA ay isang rebelyong hungkag: walang makatarungan
at moral na adhikain. Kaya naman muling sumadlak sa kangkungan ang
puwersa ng masamang Pilipino ni Estrada. Nanaig ang diwa ng totoong
People Power.
Sa Araw ng Paggawa,
muling nabawi ng People Power forces ang EDSA Shrine at napayapa ng
lehitimong tagapagtanggol ng sambayanan ang Mendiola.
Nawa'y maging
malaking aral sa pamahalaang Arroyo ang mga naganap. Sinsero sana
nitong itaguyod ang kapakanan ng sambayanan, lalo na ng masang mahihirap.
Tanging ang pagganap ng gobyerno sa pangunahing papel nitong maglingkod
sa mga mamamayan ang makagagamot sa galit ng masang sawang-sawa na
sa tila di pagpansin sa kanila.
Sa pagbaba ng
tabing para sa palabas ni Erap, isinilang ang ikalawang isyu ng Tinig.com.
Sapagkat layunin ng Tinig.com na maging totoong tinig ng mulat na
kabataan—partikular ng Generation Txt—muli naming inihandog sa inyo
ang isa na namang isyu nito.
Sa gitna ng kaguluhan
at krisis pampulitika, minsa'y nakakapagod din. Bilang pamamahinga,
mag-senti muna tayo't tutukan ang mga personal na krisis: basahin
ang Lost ni Gollum at Senti
ni Tembarom.
Narito rin ang
maiikling kwentong kapwa may temang pag-ibig: A
Faint Cry of My Soul ni Guerera at Oras
ng Paglaya ni Angela. Mai-inspire naman kayo sa The
Courage to Go On ni StarGazer.
At syempre, dahil
isa sa mga layunin ng Tinig.com ay makatulong sa lalong pagsulong
ang kamalayang panlipunan ng bagong salinlahi, naririto pa rin ang
mga isyung panlipunan ng mga nakalipas na buwan. Tinatalakay ni Miq
Manalang ang special registration sa Forfeited
Privilege at may komentaryo naman tungkol sa censorship si Vincent
Adam Viaña sa A Critique on Hypocrisy: The
Live Show Controversy.
Ihahabol naman
natin ngayong linggong ito ang artikulo ni Mong Palatino tungkol sa
eleksyon.
At mabanggit na
rin ang eleksyon, minabuti ng mga editors ng Tinig.com na mag-endorso
ng ilang kandidato para sa pambansang halalan. Ang dalawang kandidato
ng People Power Coalition, sina Bobby
Tañada at Winnie
Monsod, na dahil sa di-matatawarang integridad at kakayahan ay
sadyang karapat-dapat sa Senado. Lubhang nangangailangan sila ng ating
tulong--kapwa sila mababa sa mga survey. Upang lalo namin kayong makumbinsi
sa kanilang kakayahan, pakidalaw ang kanilang mga website.
Naniniwala rin
kaming sina Liwayway
Vinzons Chato at Perfecto
Yasay na pareho ring nasa dulo ng surveys, ay kapwa karapat-dapat
ding mahalal sa Senado. At paki-pwera ang lahat ng nasa Puwersa ng
Masa.
Samantala, nag-o-offer
naman ng bagong pulitika ang Bayan
Muna.
May konting laman
na ang ating download page, at nangongolekta
pa kami ng links.
Paumanhin sa hindi
namin pagtupad sa pangakong maging bi-monthly. Sisikapin naming maisakatuparan
ang pangakong iyan sa mga susunod na isyu.
Patuloy namin
hinihintay ang inyong mga kontribusyon at feedback.
Maraming salamat,
Ederic Eder
Editor, Tinig.com