Oras ng Paglaya
Ni Angela
Malandi raw ako.
Malimit umaalingawngaw sa aking pandinig ang mga ganitong panlilibak
sa tuwing daraan ako sa isang pangkaraniwang kalye paglabas ng bahay
namin. Maarte. Bastusin. Pok-pok. Sa umpisa hindi ko pinapansin ang
mga sinasabi nila. Para sa akin, wala silang karapatang sabihan ako
ng ganoon. Hindi nila ako pinapalamon. Hindi nila ako binibihisan.
At mas lalong hindi nila ako kilala para pagpiyestahan at gawan ng
tsismis ng mga kagaya nila—mga taong makakati ang mga bunganga at
ginagawang agahan ang pamumuhay ng iba.
Kipkip ang mga
gamit, mabilis akong lumabas ng eskinita. Napadaan ako sa tindahan
ni Aling Josefa. Pinagsisilbihan ang mga sunog-baga at mga lasenggo,
na kay aga-aga, si Kamatayan kaagad ang kasama. Sumipol ang mga lasenggong
hinayupak. Tiningnan ako mula ulo hanggang paa, parang tumitingin
ng karne sa palengke. Hindi ko pinansin ang mga walang-hiya. Pero
ang totoo, natutuwa ako sa papuri nila at napansin nila ako.
Umiral na naman
ang pagiging haliparot ko. Disente sa labas, hayop naman sa loob ang
kalandian. Pero babae lamang ako. Oo nga't nais kong ginagalang ako,
ngunit hindi maiwasang matuwa at napapansin ako ng madla-kahit sa
hindi magandang paraan.
Nakarating na
ako sa abangan ng dyip. Tiningnan ko ang relo na nakasuot sa braso
ko. Mag-aalas otso y medya na ng umaga. Matagal pa sigurong magbubukas
iyon, naisip ko. Mabuti na ito at nang maaga akong makatapos at makapagtrabaho
pa uli sa hapon.
Sumakay ako ng
dyip. Kumuha ng apat na piso sa wallet at iniabot sa tsuper. Mahal
na ang pamasahe. Kailan lang eh piso at singkwenta sentimos lang ang
binabayad ko. Tumataas na rin ang bilihin. Kinalkula ko sa isipan
ko ang mga gastusin, kasama na ang pagpapakain sa kapatid kong bigla
na lang pumunta rito sa Maynila. Alam naman nilang mahirap ang buhay
sa siyudad. At hindi ito isang paraiso tulad ng sinasabi sa komiks.
Pantasya lang yun. Walang katotohanan. Gusto ko nga siyang batukan.
Gusto kong sabihin sa kanyang nagpakatanga ka at naniwala ka sa mga
sabi-sabing gaganda ang buhay mo dito. Pero ang siste, hindi ko rin
maamin sa sarili ko na isa rin akong tanga. Nagpaniwala rin sa mga
kuwento. Kaya heto ako ngayon, mas naghirap na, napariwara pa.
Tumigil ang sinasakyan
ko. Trapik na naman. Hindi na nawala ang lintek na trapik na ito.
Alas nuebe na. Peste. Mauunahan na naman ako. Bakit ba kasi parang
sa demonyo ang mga tsuper dito sa Maynila. Mga hindi makaintindi.
Siksik dito, siksik doon. Umandar nang kaunti ang sinasakyan ko. Naaamoy
ko na ang mga katabi ko. Yung isa, amoy estero pa. Parang hindi naligo.
Hindi na nahiya. Tapos naka-kurbata pa. Yung katabi ko namang babae,
pindot ng pindot dun sa cellphone niya. Hindi na natigil sa kakapindot.
Tapos may nanigarilyo pa. Lalong nasira ang araw ko. Buti naman at
umandar nang muli ang dyip bago pa talagang mag-init ang ulo ko.
Nahagip ng paningin
ko ang karatula ng dapat kong puntahan. Heto na. Pinara ko ang dyip
na sinasakyan ko at tinungo ang pakay na lugar. Sa lagay na iyon ay
gusto kong maduwal. Nais kong ilampaso ang sarili ko habang papasok
ako sa lugar na iyon. Marami nang mga babaeng nag-aayos doon. Lakad
dito, lakad doon. Nakakadiri rin ang mga suot nila. Hindi ko nga alam
kung masasabi ko pang may suot pa sila. Pero nasanay na rin ako. Ganoon
din naman ang gagawin ko. Hinanap ko ang matronang may may-ari ng
massage parlor na pinuntahan ko. Mataba siya, tulad ng pangkaraniwang
bugaw. Pero sosyal. Ayaw pahalatang madumi rin ang negosyo niya. Tiningnan
din niya ako mula ulo hanggang paa, tulad ng mga tingin ng mga lasenggero
sa amin, sabay langhap ko sa usok na binubuga niya. Hinamon ko rin
ang mga tingin niya. Masahe lang naman ang kailangan dito sa negosyo
mo eh. Mas malala pa ang trabaho ko dun sa club. Nais kong ipamukha
sa kanya.
Ngumiti ang matrona,
saka pinakilala ako sa mga masahistang naroon. Puwede na raw akong
mag-umpisa ngayon, bulong pa ng matabang matanda. Pinaubaya niya ako
sa isa sa mga babaeng makakasama ko at dinala na ako sa dapat pagdalhan.
Ilang oras pa
ang lumipas, marami-rami narin ang naserbisyuhan ko. Natuwa nga ang
iba sa akin, mabili daw agad ako. Yung iba, siguro minumura na ako.
Punyeta to ah, mang-aagaw ng trabaho. Kay bago-bago, lumalandi na.
Ano ba ang dapat
asahan sa trabaho namin? Hindi ba ang lumandi, mang-akit sa pamamagitan
ng mga kamay? At kung gusto pa ng mas maraming pera, ibibigay ang
sarili. Kumita ka na, nakapagparaos ka pa.
Muli kong tiningnan
ang relo. Gumagabi na. Napag-usapan na namin ng matabang matrona na
umaga ang pasok ko dahil may pasok pa ako sa gabi. Pumayag naman ang
matanda. Sabagay ay nabigyan ko naman siya ng kunswelo. Pareho kaming
kumita nang malaki.
Nagbihis ako,
umalis sa sauna at pumunta naman sa ibang direksiyon, sakay ng dyip.
Trabaho na naman. Kahayupan na namang trabaho. Mabilis ang naging
biyahe ko. Nadaanan ko na ang maliliwanag na ilaw. Mga foreigner na
naghahanap ng panandaliang aliw. Mga kabataang bumibili ng ipinagbabawal
na gamot. Mga nagbebenta ng laman. Mga nagpapabenta.
Pinara ko ang
sinasakyan ko at tinungo ang isang pamilyar na lugar. Pagpasok ko
ay bumalot na ang malakas na tugtog, kasabay ng mga sigawan at hiyawan.
Marami nang tao, bulong ko sa sarili. Pumunta na ako sa backstage
at nagpalit ng damit. Natawa ako sa sarili. Bakit ko pa kailangang
magpalit ng damit kung huhubarin ko rin naman ito?
Sumigaw ang kasama
kong hostess. Malapit na raw ako. Matapos ang huling tugtog, ako naman
ang pumunta sa entablado. Naghiyawan ang mga tao. Ako ang pinaka-aabangan
nila. Ako at ang katawan ko. Nagsimula na akong gumiling. Sumayaw
sa harapan ng mga tao. Natutuwa ako at nabibigyan ko sila ng kasiyahan—kasiyahan
na ako lang ang may kakayahang magkaloob sa kanila. Nababakas ko ang
apoy ng pagnanasa sa kanilang mga mata. Gusto nila akong hawakan.
Madama ang mala-sutla kong balat sa kamay nila.
Nasa gitna na
ako ng pagsasayaw nang bigla na namang lumungkot ang mga mata ko at
nagsimula na namang mandiri sa sarili. Hindi ko matanggap ang katotohanan
na hindi nga ako natutuwa sa ginagawa ko. Pakiramdam ko ay isang akong
babaeng nilublob sa burak, sa putik. Ngunit may magagawa ba ang isang
mahirap na katulad ko? Mahirap maghanap ng trabaho. Kailangang maging
praktikal kung ayaw mong mamatay sa gutom.
Winaksi ko ang
awa sa sarili at pinagpatuloy ang pagtatrabaho. Sa pag-ikot ko ay
may nakita akong isang pares ng mga mata. Mata na puno ng mga emosyon—awa,
inis, pagtataka, galit, kalungkutan, pandidiri. Muli ko na namang
nakita ang taong ito. Guguluhin na naman niya ako. Tinapos ko na ang
aking pagsasayaw nang may tuwang iniwan sa mga manonood. Pero hindi
sa kanya. Habang nagbibihis ay iniisip ko na ang balak gawin. Gusto
ko siyang kausapin, murahin, sampalin. Hindi na niya kailangan pang
pumunta dito. Hindi na. Hindi ko naman siya kailangan dito. Kumikita
ako kahit wala ang tulong niya. Lumabas ako ng kuwarto, iniwan ang
gamit sa backstage. Saglit lang naman ako.
Pero hindi ko
na siya naabutan. Marahil alam niyang magagalit ako sa kanya. Alam
niyang ayaw ko siyang makita. Hindi sa ayaw ko talaga siyang makita.
Ayaw kong makita niya ang ginagawa ko.
Laglag ang balikat
na bumalik ako sa backstage. Sumalampak ako sa sahig at sabay pakawala
ng luhang matagal ko ring kinimkim. Bago na ang tugtog. Naghuhubad
na ang iba kong kasama.
Natawa ako sa
sarili ko. Bakit ba hindi ko matanggap na tama nga ang sinasabi ng
mga tsismosa sa lugar namin na isa akong malandi? Pokpok? Masakit
man tanggapin ang katotohanan, ngunit ganoon talaga. Subalit tingnan
man sa ibang anggulo ang buhay ko, doon at doon din naman ako babagsak.
Oo nga't may pinag-aralan ako, maganda at matalino. Pero wala akong
pera. Pera na bubuhay sa akin at sa pamilya ko, magpapakain sa akin,
magbibihis sa akin upang gawing disente ang buhay kong amoy estero-tulad
ng nakasabay ko sa dyip kanina.
Pinahid ko ang
maalat na likidong dumadaloy sa aking pisngi. Ang buhay talaga, sa
bawat sandali ay nagiging komplikado. Inisip kong harapin ang realidad
at bumalik na sa pangkaraniwang ritwal ng buhay ko. Matutulog, gigising,
maglilinis ng bahay, maghuhubad, kakalantari, maghuhubad at uulit
lang uli sa umpisa. Tumayo na ako at inayos na ang mga gamit ko. Paalis
na ako nang maalala ko ang aking relo. Dali-dali ko itong sinuot,
pagka'y tumigil. Tiningnang mabuti ang instrumentong nakalagay sa
aking maputi at makinis na braso. Napangiti ako. Naalala ko na naman
ang malungkot na pares ng mga mata na siyang nagbigay sa akin nito
noong mga panahong masaya pa kami.
Naaalala ko pa
ang panahong sinabi niyang ayaw niyang masira ang kinabukasan ng isa
man sa amin. Dapat na magsikap kami kahit na mahirap lang. At ang
relong iyon ang regalo niya sa akin noong nakatapos kami ng pag-aaral.
Noong una'y ayokong tanggapin dahil pareho lang kami ng kalagayan
sa buhay. Pareho lang kaming kahig at tuka.
Nagbiro pa nga
siya noon. Sinabi niya na babalikan niya ako. Mahal niya ako. At dapat
magsikap kami. Magsikap. Akala ko biro lang talaga yon, kaya sinakyan
ko naman. Kunwari naniniwala ako sa kanya. Pero dahil sa lebel ng
pamumuhay ko, hindi talaga ako nakinig sa sinabi niya. Nagsikap nga
ako, pero sa maling paraan. Sa nakakadiring paraan.
Muli na namang
bumalik ang isipang iyon. Nais kong itapon ang relong iyon. Nagpapaalala
lamang ito ng pagiging makasalanan ko. Nang pagiging talunan ko. Oo,
talunan. Hindi ko tinanggap ang mga hamon sa buhay at bumigay kaagad
ako. Ang tanga ko talaga. Mangmang.
Nagbalak na akong
umalis. Lumabas na ako ng backstage. Pauwi na ako at nag-aabang ng
masasakyan nang makita ko na naman ang pamilyar na mata. Nakatayo
siya sa isang tabi, nakalagay ang mga kamay sa bulsa ng pantalon.
Parang gusto niya akong lapitan. Nababasa ko sa mga mata niya. Nais
niya akong makasama. Alisin sa nakakadiring lugar na ito. Tiim-baga
pa rin siya. Pero ang mga mata niya'y umaaninag sa nararamdaman niya
sa akin-sa kalagayan ko. Naiyak na naman ako. Dahan-dahan ay lumapit
ako sa kanya. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at niyakap siya
ng mahigpit, at pinakawalan ang sama ng loob. Niyakap niya ako. At
sa tinagal-tagal ng panahon ng pagiging madumi ko, ngayon lang ako
nakaramdam ng ginhawa.
Narinig ko ang
pag tik-tak ng relo ko. Napangiti ako. Nagpapahiwatig na hindi pa
huli ang lahat para sa akin. Dumating na ang oras na pinakahihintay
ko.
----------
Si Angela ay isang high school student at tubong-Cavite.