v 19.0
Agosto 31, 2002  
Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook

Filipino, Pagka-Pilipino at ang Internet

Pitik
Vlad B. Gonzales

ISANG MAHALAGANG salik ang wika sa komunikasyon. Sa pamamagitan ng maayos at angkop na paggamit ng wika, nagkakaroon ang gumagamit nito ng kakayahang kumuha at makapagbahagi ng kaalaman, ng ating mga mithi at nararamdaman. Sa bawat aspekto ng ating pag-iral ay gumagamit tayo ng wika—-kapag nagpapalitan ng mga sikreto sa pagitan ng ating malalapit na kaibigan, kapag sumasagot sa klase o nagsusulat ng iba’t ibang term paper, sa mga oras ng review para sa eksamen, lahat ay gumagamit ng wika. Dito nakasalalay ang epektibong pagkatuto at matagumpay na paghahatid ng mga ideya sa ibang tao.

Ngunit gaya nga ng nabanggit kanina, kailangang hasain ang wika sa isang kaukulang lebel upang magamit ito nang maayos. Kaya naman may mga kurso tayo sa grammar o balarila, at sa literature o panitikan. Sa pamamagitan ng mga kursong ito, lumalawak ang pag-unawa ng mga mag-aaral tungkol sa paggamit ng iba’t ibang mga salita upang makamit nila ang kanilang mga nais gawin. May matibay na relasyon ang pagbabasa at pagsusulat, sapagkat hindi maaaring umiral ang isa kung wala ang isa pa. Habang umuunlad ang ating kakayahan sa pagbabasa ay inaasahang umuunlad din ang ating kakayahan sa pagsusulat.

Para sa isang manunulat, isang matinding hamon ang maghanap ng kanyang mga mambabasa (dahil inaasahan nating kapag gusto nating magsulat ay mayroon tayong tagabasa ng ating isinusulat). At bilang isang manunulat na gumagamit ng Filipino, mas lalong humihirap ang hamong ito. Hindi natin maitatangging ikinakabit ang Filipino sa pagkabaduy o pagkaluma. Kung hindi cheap, masyadong malalim naman para sa panlasa ng mga tao, di tulad ng Ingles na punung-puno ng “sophistication” at “universality.” Bukod dito’y nabubuhay tayo sa henerasyon ng MTV, isang henerasyong maikli ang pasensya sa pagbabasa sa mga titik at mas may interes sa panonood sa iba’t ibang makukulay na imahen sa sine at telebisyon. Hindi rin madali ang magpalimbag ng mga magasin, pahayagan, at librong maglalaman ng mga isinusulat nating akda. Kung mailimbag man ay di pa sigurado kung may babasa, dahil nga sa maiksi ang attention span ng mga tao kapag pagbabasa ang pinag-uusapan at may problema rin sa mahal na presyo ng mga lumalabas na aklat. Dito pumapasok ang konsepto ng Internet.

Bakit Internet? Bakit hindi? Sa kasalukuyan, ang Internet ay isa sa mga pinakapopular na anyo ng media na umiiral sa ating bansa. Ang magandang katangian ng medium na ito’y ang internasyonal na saklaw nito. Sa simpleng pag-type ng mga Internet address na gusto natin at sa ilang pag-point and click sa ating mga Internet browser, ang sinumang gumagamit nito’y nagkakaroon ng pagkakataong pumasyal sa iba’t ibang sulok ng mundo sa anyo ng mga litrato, tugtog, pelikula, laro, balita, artikulo’t iba pang mga pakulo. Napaka-accessible ng anyong ito para sa mga Pilipino partikular na sa ating kabataan. Maaari na ngayong bumili ng prepaid Internet card sa halagang isang daang piso at mamasyal sa iba’t ibang Web sites sa loob ng mahabang oras. Binibigyan din ang mga taong gumagamit ng Internet ng kakayahang gumawa ng sarili nilang Web site nang walang binabayaran, at ang personal sites na ito’y maaaring bisitahin ng iba pang mga taong may Internet access. Ang nabubuong internasyonal na cyber-community ang nagsisilbing mayamang batis, isang sentro ng oportunidad para sa mga kabataang nais marinig sa bawat sulok ng bansa at ng mundo.

Sa kaso ng Tinig.com, ang komunidad na nais buuin ng patnugutang ito ay isang komunidad ng kabataang Pilipinong may kamalayan tungkol sa mga mahalagang pangyayari sa ating bansa. Nais din ng Tinig.com na buhayin ang mataas na pagpapahalaga ng kabataan sa pagbabasa at pagsusulat. Paano ito naisasakatuparan? Naisasagawa ng aming Web site ang mga adhikaing ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng venue para sa mga kabataang manunulat, sa paghahandog ng isang lunsaran ng kanilang mga ideya at pala-palagay tungkol sa mga isyung bumabagabag sa kabataan ng ating panahon, sa anyo ng mga artikulo’t sanaysay, mga tula, dula at maikling kuwento. Sinisikap ng patnugutang gawing malawak ang saklaw ng mga paksang tinatalakay sa Web site, mula sa mga simpleng isyu tulad ng panonood ng concert ng Parokya ni Edgar o kaya’y ang mga dakilang crush at mga bagay na pinagmumulan ng ating angst sa buhay, hanggang sa mga mas malalim at malawak na usapin tulad ng sekswalidad, pakikipagrelasyon at kalagayang pambansa o panlipunan. May itinayo ring forums at e-group ang Tinig.com upang mas marinig pa ang mga saloobin ng ating kabataan. Ayon nga sa founder ng site na si Ederic Eder, ang Tinig.com ang nagiging “tinig ng ating salinlahi.”

Saan pumapasok ang wikang Filipino sa usaping ito? Dapat bang puro Filipino ang gamitin upang sabihing maka-Filipino ang isang Web site? Hindi palagi. Kung titingnan ang kalipunan ng mga akda sa Tinig.com, mapapansing hindi naman lahat ng akda’y nakasulat sa Filipino, ngunit hindi nangangahulugang hindi na maka-Filipino ang site na ito. Batid ng patnugutang bagaman malaki ang papel ng wika sa pagsulong ng pagkamakabansa, hindi ito limitado sa iisang wika lamang. Habang ang mga akdang ipinapasa para sa Tinig.com ay naglalaman ng mga paniniwala at adhikaing maka-Pilipino, ito ay pinahihintulutang lumabas kahit na hindi ito nakasulat sa Filipino. Nakakatulong pa nga ang mga artikulong nasa banyagang wika upang mas pagtibayin ang internasyonal na komunidad na nabubuo ng Web site na ito. Ngunit palagi pa ring inaalala ng grupo ang pagpapahalaga sa sariling wika, ang wikang nag-ugat mula sa mga wikang umiiral sa ating bansa, ang wikang kadalasang ginagamit sa mga personal na talastasan, ang wikang gamay ng malaking bahagi ng Pilipinas. Hindi ba’t nakatutuwang malamang ang ating mga iniisip ay umaabot sa mga kapwa nating Pilipino sa anyong gamay na gamay nila? Nakatutulong din ang patuloy na paggamit ng Filipino sa pagsusulong ng sariling identidad, sa pagpapayaman at pagpipino ng sariling tinig na pilit nating binubuo para sa ikauunlad ng ating bansa at ng ating mga sarili.

Ang pagkakabuo ng Tinig.com at ng iba pang mga katulad na Web site ay isang maliit na hakbang pa lamang sa pagpapalaganap ng katangiang makabansa. Ang espasyong maka-Pilipinong nasa Internet ay madalas na inaagaw ng iba’t ibang Web sites, mga lugar na daluyan ng mga hubad na lalaki’t babae, counterstrike at iba pang online games, passwords sites, fan sites at marami pang iba. Wala ring bibisita sa mga site na tulad ng Tinig.com kung hindi naipapasok sa isip at puso ng kabataan ang kahalagahan ng wika at panitikan sa pagbuo ng isang maunlad na lipunan. Kailangang magkaroon ng matinding pagnanasang bumuo ng isang maka-Pilipinong kamalayan sa loob at labas ng mga paaralan, at hindi ito maisasakatuparan kung wala ang tulong ng mga guro at magulang. Sa huli, nakasalalay pa rin sa paghubog ng mga institusyong tulad ng pamilya at paaralan ang pagkakaroon ng bisa ng Internet at iba pang popular na media.

-----------------
Si Vlad ay literary editor ng Tinig.com. Ang piyesang ito ay inihanda niya matapos siyang maanyayahang magsalita sa isang programa sa pagdiriwang ng Linggo ng Wika sa Southridge High School noong Agosto 2-.


For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

MULA SA PATNUGOT
Kapayapaan

SA ISYUNG ITO
Religion, Civil Society, the EDSAs, and the Korean Experience
By Dennis Aguinaldo

My American Dream
By Karla Maquiling

. (Tuldok)
Ni James Nicolay

Kalinaw, Asya!
Ni Tembarom

E-mail
Ni Sherbien Dacalanio

Pangakong Napapako
Irene Martires

KOLUM
Pitik
Vlad Gonzales

Subersibo
Michelle Licudine

Alipato
Alexander Martin Remollino

LATHALAIN
National Consultative Workshop Convened on Street Children and the Juvenile Justice System
By Alfred A. Araya, Jr.,

UN Justice Romeo Capulong Nominated for Ombudsman

MAIKLING KUWENTO
Press ENTER
Ni Vlad Gonzales

Sa mga Panipi ng Tadhana
Ni Vincent Cyrus J. Espiritu

A Nat. Sci. 1 Letter
By Noel Pascual

Old Women
By Dennis Aguinaldo

TULA
Sa Alaala ni Macario Sakay
Ni Alexander Martin Remollino

Dyip sa Aming Bayan
Ni Estelito B. Jacob
Heaven's Song
By Carlo Aristotle Remollino

Young Lovers
By Ime Aznar

 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved