TULA
Sa Alaala ni Macario
Sakay Ni Alexander Martin Remollino
Sintahimik ng
dagat kapagka tag-araw,
nakatayo ang nahatulan sa tanghalang kahoy,
hinihintay ang berdugong ayusin ang lubid
na hahawak sa kanyang leeg
hanggang sa lisanin siya ng kanyang buhay.
Walang bakas ng damdamin sa kanyang mukha;
walang naroon, liban sa kawalan.
At anong damdamin ang dapat na lamnin
ng kanyang puso?
Hindi pagsisisi, pagkat di kasalanan
ang patuloy na ipaglaban
ang Inang Bayan
matapos na ang mga maharlika
ay magbili ng kanilang mga sarili
bilang mga busabos ng manlulupig.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.