MAIKLING
KUWENTO
Sa mga Panipi ng
Tadhana
Ni Vincent Cyrus J. Espiritu
KUNG MAKAPAGSASALITA
lang kami, siguro malalaman niyo na nasasaktan kami.
Sa simula pa
lamang hindi na namin malaman kung ano ang nagawa naming kasalanan
at ginaganito kami. Kung nalalaman lang ng mga nakatataas ang kalagayan
na hinaharap naming sa pang araw-araw, sana ay nabigyan na siguro
ng karampot na lunas ang malaking problema na matagal nang idinadaing
ng mga pusong nababagabag.
Kung nakakapagsalita
lang kami, sana wala nang mapupunitan ng pantalon mula sa mga nakausling
pako na tulad nang nangyari sa pantalong stateside ni Babes na galing
pang Timbuktu. O hindi naman kaya wala nang mandidiri sa mga palikuran
na para bang may Hepa dahil nadilaw na ng panahon. At kung susuwertihin
pa ay may kasama pang libreng jebs na kulay berde.
Alam naming
lubhang kalunos-lunos ang kalagayan namin. Ngunit wala kaming magagawa,
palagay naming ito na ang itinakda ng tadhana—ang panghabang-buhay
na magdusa sa panlalait ng mga nakaririwasa; isang pag-apak sa katayuan
naming walang kalaban-laban.
Kung makakapagsalita
lang kami, sana nasabi na namin ang lahat ng nilalaman ng puso namin
sa mga nagangasiwa ng panahon. Kung maaari lang, magsusumbong kami
kay Haring Araw at kay Inang Kalikasan sapagkat hindi naman kami
iniintindi nang dapat may alam nito at kung kanilang mararapatin
ay may malaking pagbabago na mangyayari, wala nang mahihirapan,
mapupunitan ng largo at mandidiri; lahat ay magiging masaya.
Lahat sana ito
ay maaaring mangyari, kung makakapagsalita lang sana kami, kaso,
sa gaya naming mga upuan at inidoro lamang, mukhang malabong mangyari
‘yon.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|