|
Sagot sa All-out
War ni Gloria
| Subersibo |
 |
| Michelle
Licudine |
ISANG ARAW,
nang ako ay bumibili ng dyaryo sa Quiapo, nanlaki ng aking mata
ng makita ang deklarasyon ni Gloria: all-out war sa leftist organizations.
Kahit ang New Peoples Army lang ang kanyang pinanggigilang durugin,
naging napakalinaw naman ng kanyang depenisyon na kasali rin dito
ang labor organizations at mga militanteng organisasyon.
Bigla ko tuloy
naalala ang mga kwento ng panahong sunod-sunod ang pagdurog ng gobyerno
sa mga progresibo, maging rebolusyonaryong, organisasyon.
Sina Ninoy Aquino,
Edgar Jopson, Lean Alejandro, at ang pinakahuli ay si Filemon Popoy
Lagman ang mga sikat na lider ng masang Pilipino. Namatay sila sa
kamay ng mga kaaway, kasama ang hindi na mabilang na mga kasama
sa pagkilos na nagbuwis ng buhay para sa tunay na demokrasya.
Tila ang mga
naghahari-harian sa gubyerno ay bulag, dahil ni isa sa kanila ay
hindi nakita na hangga't walang hustisya, hanggat hindi pantay ang
karapatan ng bawat tao, ay iaanak at iaanak nito ang aktibismo.
Simple ang panlaban sa idelohiya ng mga tinagurian ni Gloria na
mga kaaway ng lipunan—ang panlipunang hustisya at pagkakapantay-pantay.
Ngunit mas pinili ng mga elitistang ito na tawaging terorista ang
mga progresibo kaysa simulan ang pagbabago tungo sa panlipunang
hustisya.
Sunud-sunod
ang atake sa mga kalayaang sibil, mula sa pag-alis ng maximum tolerance
sa mga rally hanggang sa banta laban sa mga militanteng organisasyon.
Ngunit sa kabila nito tuluy-tuloy pa rin ang iringan ng magkakaibang
organisasyon, lalo na yung magkakaiba ang idelohiya.
Gayunpaman,
inoobliga tayo ng obhektibong kondisyon na magkaisa, dahil sa banta
at balak ng bulok na gubyernong dudurugin tayo. Kaya naman nais
kong pasalamatan ang isang underground na komunistang partido—ang
Partido ng Manggagawang Pilipino (PMP)—na binuo ng dating
hiwa-hiwalay na mga komunistang grupo. Inabot man ng sampung taon
ang kanilang iringan, ngayon sabay-sabay na ang kanilang martsa.
Isang martsa na mas maingay dahil sila ngayon ay magkakasama. Nang
aking mabasa ito sa dyaryo, nakakita kaagad ako ng isang nagniningning
na liwanag ng tagumpay.
Ngunit sa kabila
nito ay wala pa ring tiwala ang kampo ni Jose Maria Sison, dahil
ayaw pa rin nilang makipagkaisa sa laban para depensahan ang mga
karapatan at kalayaan ng taumbayan. Ngunit kung ayaw man ng mga
mga kasama sa kampo nila na makipagkaisa, sana ay magsilbing inspirasyon
ang pagsasama ng apat na komunistang grupo na ngayon ay PMP. Sana
ay ilaban man lang ng mga sinserong kasama sa kampo ni Sison, kahit
minsan ang sa tingin nila ay tama, at hindi magsilbing abogado na
lamang ng autokrasya ng kanilang partido.
“Obligado
tayong magsama-sama sa isang taktikal na laban, dahil obligado tayong
ipanalo ang laban. Kung mas malapot ang pulitika para sa masa kaysa
personal na samaan ng loob, hindi natin duduraan ang bukas na palad
ng mga kasama sa ibang grupo na handang makipagkaisa.”
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|