Kalinaw,
Asya!
Ni Tembarom
(Unang nalathala sa pamagat na 911
at Kapayapaan sa Asya, Peyups.com,
Agosto 30, 2002)
PARA SA mga
bansang ang aklat ng kasaysayan ay basang-basa ng pulang dugo ng
digmaan, malaking kapahingahan ang makahimlay sa masagana, luntian,
malaya, at payapang daigdig na kinukupkop ng katarungan. Iskolar
ng Bayan, di ba't nakakatukso ang paglahok sa kampanya para sa pag-iral
ng kapayapaan sa Asya at sa buong daigdig?
Sa mismong kandungan
ng Unibersidad ng Pilipinas, kasalukuyang nagtitipun-tipon ang mga
Asyanong nahuhumaling sa kapayapaan at katarungan. Walang kapaguran
nilang hinahabol ang katiwasayan. Itinatatag nila ang isang malawak
na alyansang magtataguyod ng kapayapaan sa buong rehiyon.
Sa NISMED, may 120 kinatawan ang iba't ibang samahan mula sa 16
na bansa na nag-uusap at nagpaplano para mga sama-samang pagkilos
upang ilantad sa buong mundo ang mga totoong kaaway ng kapayapaan.
Sila ang mga tagapagtatag ng Asian Peace Alliance.
Sa kanyang mensahe
ng pagtanggap sa mga kalahok sa pagtitipong tinawag na "Kalinaw—Asian
People Speak up for Peace," na tatagal mula Agosto 29 hanggang
Setyembre 1, 2002, ganito ang pahayag ni dating Senador Bobby Tañada:
"Nagsasama-sama
tayo sa araw na ito upang maghanap ng mga pamamaraan tungo sa pagkakaunawan
sa pagitan nating mga Asyano—upang magsimula sa pagkakaisa
at magtatag ng pagtutulungan upang maisulong ang kultura ng kapayapaan
sa rehiyon."
Ang salitang
"kalinaw" ay salitang Bisaya para sa kapayapaan. Galing
ito sa salitang "mingaw" na sa English ay "state
of stillness, of serenity."
Mananawagan
ng Asian Peace Alliance sa mga pamahalaan sa Asya na kanilang bawiin
ang suporta sa umano'y pakikidigma laban sa terorismo, na inilunsad
ng Estados Unidos matapos itong atakehin ng terorismo noong Setyembre
11, 2001. Tinanggap at sinuportahan ng mga pamahalaan ng mga bansa
sa Asya ang giyera ng paghihiganting ito ng US. Si Pangulong Gloria
Macapagal-Arroyo halimbawa, ayon sa ilang kritiko, ay nagsisilbing
tagapagsalita sa Asya ni US President George Bush.
Bagamat sila
mismo ay nagngingitngit laban sa terorismo, naniniwala ang mga tagapagtatag
ng Asian Peace Alliance na ang digma ng US ay nagsisilbing banta
sa kaligtasan ng mga Asyano at sa pandaigdigang kapayapaan.
May punto naman
sila. Nariyan ang Balikaran na tumatapak sa ating pambansang kasarinlan.
At di ba sa dikta ng US ngayo'y kandarapa ang pamahalaang Arroyo
sa pagsusulong ng isang batas laban sa terorismo? At kapag sinuri
mo ang mga panukalang batas ay makikita mong kahit sinong sumalunga
sa pamahalaan at sa US ay maaaring ituring na terorista. Parang
isasailalim tayo sa batas militar.
Di nga ba't
alang-alang sa giyera laban sa terorismo, inihahanay na ngayon ang
mga armadong rebolusyunaryong grupo gaya ng New Peoples Army at
Moro Islamic Liberation Front sa mga bandidong kidnaper gaya ng
Abu Sayyaf at Pentagon Gang?
Kakampi na ng
US, napapabalitang ang Japan ay may balak na pagpapatindi ng militarisasyon
sa rehiyon.
Sa Gitnang Silangan,
gaya ng mga taga-Afghanistan, pati mga sanggol at batang Palestino
ay hindi nakakaligtas sa dahas ng Israel na sinusuportahan ng US
alang-alang pa rin sa walang hanggang pakikidigma nito.
Naniniwala rin
ang mga tagapagtatag ng Asian Peace Alliance na hindi ang militarisasyon
at digmaan ang sagot sa terorismo, na kung pakasusuriin ay nag-ugat
sa kahirapang dulot ng neoliberal na ekonomiya—US din naman
ang nagsusulong at nagtataguyod at sa iba pang di-makatarungang
patakarang dala ng globalisasyon.
Ayon kay Achin
Vanaik, isang anti-nuclear activist mula sa India at kilala sa buong
mundo, ang mga suliraning kinakaharap ng mga bansang Asyano ngayon
ay dulot ng pandaigdigang krisis na hatid ng "US-and-corporate-led
domination". Upang malutas ang mga suliraning ito aniya, dapat
tayong kumilos, sa kabila ng ating mga pagkakaiba, laban sa mala-demonyong
kontrol na ito. Kailangan lamang natin na maunawaan nang lubusan
ang konsepto ng hustisya.
Kabilang ang
UP Third World Studies Center sa mga nanguna sa gawaing ito. Si
Pangulong Franciso Nemenzo, pati na rin ang ilang iginagalang na
propesor at alumni gaya nina Roland Simbulan, Walden Bello, Miriam
Coronel-Ferrer, Randy David, Malou Mangahas, Carmen Abubakar, Jeannie
Nacpil-Manipon, Lidy Nacpil, Cookie Diokno, at iba pa, ay may kanya-kanyang
bahagi sa paglulunsad ng Asian Peace Alliance.
Maaaring mabigat
at para sa ating mga nakababata ang mga isyung ito. Ngunit isiping
ang mga Iskolar ng Bayan na nauna sa atin ay umugit sa kasaysayan
ng pakikibaka para sa katarungan, tunay na kasarinlan at kapayapaan.
Sana, kahit
papaano'y makisangot tayo sa mumunting paraan na maiaalay natin.
Kasama sa mumunting paraang ito ang pag-aaral at pagsusuri sa tunay
nating kalagayan at ang pagkilala, pagsuporta, at pagsasabi sa iba
tungkol sa paglitaw ng mga kilusang pangkapayapaan gaya ng Asian
Peace Alliance.
Pinatunayan
ng kasaysayan na ang mga kabataang iskolar ay UP ay kabilang sa
mga pangunahing tagapagtanggol ng kapayapaan sa bayang itong pugad
ng luha at dalita. Muli't muli natin itong patunayan.
Related links:
Yes, Observe National
Independence & Peace. Get involved now before it becomes
too late.
Babykiller.com
- War is Child abuse and murder. Let your voice be heard to stop
the killing.
------------------
Ibinabato ni Tembarom, 23, ang hamon ng kapayapaan hindi lamang
sa mga taga-UP, kundi sa lahat ng kabataang Pilipino.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|