|
. (Tuldok)
Ni James Nicolay
ANDITO NA naman
ako. Sa punto na parang blangko. Parang tuldok. Tinatapos ang sense
ng lahat-lahat ng mga salita, pero wala namang pinatutunguhan. Ni
hindi ko nga alam kung ano ang sinusulat ko. Pero sige, type pa
rin nang type. 11:28 PM na ng gabi. At nagta-type lang ako ng mga
salita. Na walang kabuluhan. Parang life, di ba? Tuluy-tuloy lang.
Minsan, may kabuluhan; minsan,
wala.
‘Tapos,
meron akong maiisip na gustong sabihin. ‘Tapos, mag-iisip
pa ako ng paliguy-ligoy na mga ideya, ‘tapos, ita-type ko
na uli. ‘Tapos i-e-edit kasi gusto kong magpa-impress sa mga
nagbabasa na marami akong alam na ideya at kaya kong iparating iyon
sa mga salita na maiiintindihan ng lahat. ‘Tapos, matutuwa
ako, siyempre, napatunayan ko ang pagiging effective writer ko.
May kuwenta pala ang mga natutunan ko sa UP.
‘Tapos, malulungkot ako uli. Kasi, naaalala
ko ang UP. Kasi, nagtatrabaho na ako. First priority ko na ang pera,
di katulad no’ng nasa UP ako, first priority ko e y’ong
lumaya at gumawa ng mga bagay na gusto kong gawin. pero imposible
na ‘yon, e. Di naman ako estudyante hanggang mamatay ako.
Kailangan kong magtrabaho at mag-ipon ng pera kasi, nakakahiya naman
sa nanay ko na nagtrabaho nang ilang taon para mabigyan lang ako
ng magandang edukasyon. No’ng huli nga kaming magkita, inaway
niya ako, e. Kasi, bakit pa raw ako humihingi ng baon samantalang
graduate na ako? Sus, di naman gano’n kadali pumulot ng pera.
Tama nga si Mama. Dati nya pa kasi sinasabi ‘yon. No’ng
nagtrabaho lang ako, do’n ko nalaman na importante
nga talaga ang pera. Sa totoo lang, hindi cliche y’ong kasabihan
na umiikot ang mundo sa pera. Totoo ‘yon. Hindi love ang nagpapaikot
ng mundo kundi pera.
Marami ngang
tao riyan na halos hindi makakita ng love. Kaya sex na lang sila
nang sex. O kaya, nagmumukmok sa isang tabi. Parang ako ngayon.
Nagmumukmok sa harap ng computer kasi, wala na naman akong katabi.
Malapit na nga akong maniwala sa sinabi sa libro ni E. Annie Proulx
na “Love doesn't exist... only the possibilities of love happen.”
Oo nga. Lagi ka na lang pinapaasa ng lahat ng tao na meron ngang
tao na magmamahal sa 'yo. So maghihintay ka naman nang pagkatagal-tagal.
‘Tapos pag nagsawa ka na, makikita mo na putsa, ang tanda
ko na pala, buti pang nagtrabaho na lang ako at nagputa para magkapera
at maka-jugjug pa. Kasi, ‘yang love na ‘yan e icing
lang ng cake. Matamis pero nakakasuya at di naman importante. Pampa-decorate
lang kung baga. ‘Tapos, lalagyan mo ng kandila sa ibabaw,
at ang mga tarantadong mga bisexual friend mo magkakantyawan ng
'Blow! Blow!' ‘tapos, ngingiti ka at matatawa ka kasi napakasaya
nila habang ikaw, di mo nga alam kung masaya ka nga talaga. ‘Tapos
maaalala mo kung kailan y’ong huling sandali na masaya ka
nga talaga. Di mo maalala. Ano’ng ibig sabihin nun? Na hindi
ka pa talaga naging masaya sa buhay mo? Imposible naman ‘yon.
Meron naman siguro, kaso, di mo lang maalala kasi, depressed ka.
Bakit kaya mas tumatagal sa isipan ang mga bagay na nagpapasakit
ng buhay natin? Bakit kaya mas madaling magalit at ma-depress e
minsan, mind over matter nga lang naman ‘yan. You can be happy
if you want. You can be horny if you want. Pero siyempre, easier
said than done ‘yon.
Kasi, hindi naman madaling magluto ng emotion, e.
‘Yang galit at tuwa ay di naman minsan napipilit na maramdaman.
Kusang dumarating. Parang love. Daw. ‘Tapos, matatawa ka na
lang kasi, napakawalang-kuwenta rin n’ong cliche na yun. Naghihintay
ka sa wala. Parang itong sinusulat ko. Naghihintay ka nang matagal
kung ano ba talaga ang point ko pero alam mo naman mula sa simula
na wala talaga. Pero meron, e. So magtitiyaga kang basahin uli lahat.
Tingnan mo kung saan ba nagkaroon ng point ang mga sinabi ko. Minsan,
gan’on ang buhay talaga, e. Tipong wala ka nang ibang magawa
kundi bumalik sa nakaraan at tingnan mo kung nasaan ba talaga ang
point sa lahat ng kaguluhan na nangyari. Minsan, wala kang makikitang
sense. Minsan, naman meron at mabibigla ka kung bakit hindi mo nakita
‘yon dati pa. Kasi masyado kang abala sa paghahanap ng punto.
‘Eto ang punto, o
---> . Sa simula pa lang, ‘yan na ang punto. Di ba, sa
title pa nga lang nito, ‘yon na ang nakita mo? Naiinis ka,
‘no? Para kang napahiya at pinagtatawanan kita sa simpleng
bagay na hindi mo nakita.
Sabi nga ng tatay ko, “Kung ahas lang ‘yan
e natuklaw ka na n’yan kanina pa.” Pero mali din siya,
e. Pa’no kung di naman poisonous y’ong ahas ‘tsaka
bungi rin sya, e di hindi niya ako natuklaw. Di naman lahat ng ahas,
nanunuklaw, di ba? Pero di ko rin alam kasi, wala naman akong interes
sa ahas. Although marami na rin ang nag-ahas sa akin. Mga tao sila.
Minsan nga, parang sampal pa sa mga ahas ‘yon na tinatawag
natin ang mga mapaglinlang na tao na mga “ahas”.
Pero siyempre, dahil sabi nga ng mga Katoliko na
ang tao ang hari ng buong sanlibutan. Tapos na ang Middle Ages,
so babay na, Katolisismo; tapos na rin ang Renaissance, so hindi
na hari ang tao ng sanlibutan. At pinatay na rin ng mga existentialist
ang Diyos. Kaya ang buhay ng tao ay isang malaking blangko. Isang
puwang na wala naman talagang laman kundi isang tuldok. At ang tuldok
na yun ay ‘eto -->. (na nagsasabi na everything is a complete
sentence because it expresses a thought and has a period). Tama
nga. Nasa era o period tayo ng walang hanggan at paulit-ulit na
tuldok...
----------------
Si James Nicolay ay nagtuturo sa mga Koreano at underpaid.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|