MAIKLING
KUWENTO
Press ENTER
Ni Vlad Gonzales
“CLASS,
THIS is the monitor.”
“And this
is the Central Processing Unit.”
“Ok, this
is the keyboard. This is the Mouse.”
Kuwarenta’y
singko minutos na kaming nasa loob ng computer lab pero ang nagagawa
pa lang namin ay ang mag-identify ng parts ng personal computer.
Hindi na yata nakuntento ang guro ko sa lecture sessions namin kaya
pati naman sa laboratory namin ay tuloy pa rin ang lecture.
“Ok class,
let us enumerate the keys in the keyboard. There’s the letter
a, the letter b, c, d and oh, the letter e is there too! Isn’t
it amazing? Ok class, kayo naman ang mag-enumerate.”
Napabuntung-hininga
na lang ako at tumingin-tingin sa paligid. Nakita ko ang iba pang
mga guro ng computer sa isang gilid, masayang kinakalikot ang mga
computer na nasa harapan nila. Narinig ko ang sinabi ng isang co-teacher
ni mam. Paulit-ulit niya itong sinasabi sa isa niyang kasama, paulit-ulit,
walang katapusan.
“Press
ENTER. Press ENTER. Press ENTER.”
Nagtaas ako
ng kamay. Tinawag ko ang aking guro.
“Mam,
ano po ang mangyayari kapag pinindot yung ENTER?”
Tumaas ang kilay
ng guro ko. Natigilan din ang mga co-teacher niya. Namula sa galit
ang aking guro. Hindi ko maintindihan kung bakit.
“Bawal
pindutin yan! Bawal!”
“Pero
mam, bakit yung mga teacher sa gilid pinipindot nila? Bakit kami
hindi puwede?”
Sumabat ang
isang guro, yung nagsasabi ng “press ENTER”.
“Bawal
magsalita sa computer room! Sasabog ang mga computer kapag maingay
ang estudyante!”
“Pero
mam,”
“Quiet!
Sasabog ang mga computer! Bawal magsalita! Bawal pumindot ng kahit
ano! Bawal sumuway sa teacher! Bawal gumalaw! Bawal huminga! Bawal
ang lahat ng hindi sinasabi ng teacher!”
Natahimik ang
mga kaklase ko. Hindi sila gumalaw, may mga hindi rin huminga. Nagpatuloy
sa pagsasalita ang aking guro, at ang iba pang guro’y nagpatuloy
sa pagkalikot ng kanilang mga computer. Ako naman ay mas lalong
nagtaka. At ang pagtatakang di pinaunlakan ng pagpapaliwanag ay
nag-apoy at kumalat sa buo kong katawan. Naging galit ang pagtataka,
naging poot. Kailangang malaman ko ang sagot, kailangan kong makita
ang katotohanan.
Kaya pinindot
ko ang ENTER.
Wala pang isang
segundo’y pumutok ang aking computer. Nauna ang keyboard,
sumunod ang CPU at ang monitor. Mayamaya’y sumabog din ang
computer ng mga kaklase ko. Hindi lang iyon, pati ang guro ko’y
sumabog, ang mga kaklase ko, ang co-teachers ng guro ko, lahat sila’y
sumabog. Kumalat ang dugo, buto at laman sa buong paligid, humalo
sa nasusunog na silicon chips, copper wires, plastic at metal cases
at integrated circuits. Gumuho ang mga pader ng computer lab, sumabog
ang eskuwelahan namin. Nadurog ang lahat-ang mga kalye, ang mga
sasakyan, ang mga nagtitinda ng fishball at gulaman, ang mga drayber
ng tricycle at dyip, ang mga ligaw na aso’t pusa. Sumabog
ang lahat. Nadurog. Naglaho. Humalo ang lahat sa kalawakan. At ako,
naiwan akong lumulutang, lumalangoy sa walang katapusang gunaw,
sa mga tira-tirang piraso ng mundong aking nakasanayan.
Nalunod ako
sa nadiskubreng kamalayan.
For
comments and reactions to this article, please visit Tinig.com
Forums.
|