v 19.0
Agosto 31, 2002  
Home
About us
Archive
Links
Feedback
Contribute
Forums
Guestbook
Sino ang Terorista?
Alipato
Alexander Martin Remollino

KAMAKAILA'Y ISINAMA ng pamahalaan ng Estados Unidos, sa pamamagitan ng Kalihim ng Estado nitong si Colin Powell, ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa listahan nito ng “mga banyagang teroristang organisasyon”.

Bago ito, ang Estados Unidos ay may halos isang taon nang nag-aakalang nakikidigma ito sa pandaigdigang terorismo nang hindi nagbibigay ng malinaw na pagpapakahulugan sa salitang terorista. At ang diumano’y pakikidigmang ito ang ginamit ng Estados Unidos na dahilan upang manghimasok sa mga bansa ng mga may bansa, katulad ng Pilipinas.

Nagsimula ang lahat noong Setyembre 11, 2001. Ang dambuhalang World Trade Center (WTC) ay nauwi sa pagiging mga guho sa loob ng ilang segundo lamang—-diumano’y sa kagagawan ng mga terorista.

Gamit ang buong kahusayan niya sa mga wikang Mesiyaniko at pang-Wild West, kaagad na nagdeklara ang pantas na Pangulo ng Estados Unidos na si George W. Bush ng “digmaan laban sa terorismo”.

Ang unang pinuntirya ng kanyang digmaan ay ang al-Qaeda ni Osama bin Laden, na ayon mismo sa kanilang Federal Bureau of Investigation ay siya ring may pakana ng naunang pagpapasabog sa WTC may ilang taon na noon ang nakararaan. Ngunit aywan kung bakit hindi ito tinugis noon pa lamang kundi noon na lamang nakalugmok na ang Wall Street at ang Estados Unidos at desperado na namang nangangailangan ng karagdagang pamilihang mapaglalagakan ng mga labis na produkto ng kanyang mga pabrika. Nilusob ng mga puwersa ni Samuel ang Afghanistan, na pinamumunuan noon ng walang galang sa karapatang pantaong Taliban na anila’y kumukupkop kay bin Laden—-na noon lamang 1997 ay kinakampihan pa ng Estados Unidos at kaya lamang tinalikuran ay nang magsimulang tutulan ang ilan sa mga panghihimasok nito sa kanilang bansa. Sapagkat marami sa mga mamamayan ng Afghanistan ang noo’y nasusuka na rin sa Taliban, madali itong nagapi sa naganap na digmaan.

Matapos ang digmaan sa Afghanistan, ang Pilipinas naman ang sumunod na pinuntirya ng mga sundalo ni Samuel. Matapos ang digmaan sa Afghanistan, ang Pilipinas mula sa pagiging isa lamang sa maraming bansa ng Ikatlong Daigdig ay biglang naging “pugad ng terorismo”. Anupa’t muling ginamit na pangatwiran ang “digmaan laban sa terorismo” upang makapasok ang mga sundalong Amerikano sa Pilipinas.

Una’y ang Abu Sayyaf, na isang pagkaliit-liit na grupong bandido lamang, ang siyang hinarap ng Estados Unidos. Ipinagpilitan ng White House na ang grupong ito’y kaugnay ng al-Qaeda sa kabila ng pahayag ng isa mismong opisyal ng Hukbong Sandatahan ng Estados Unidos na ang Abu Sayyaf, bagama’t dati ngang kaanib ng al-Qaeda, ay matagal nang itinakwil ni bin Laden dahil sa pagiging lubhang mersenaryo nito.

At ngayon nga’y ang CPP-NPA-NDF ang pinupuntirya ng “digmaan laban sa terorismo”.

Anuman ang maaaring sabihin ng iba tungkol sa ideolohiya ng kilusang komunista sa Pilipinas, hindi maikakailang nakaani na ito ng malawak-lawak ding pagtangkilik mula sa batayang masa ng ating lipunan sapagkat sa ipinaglalaban nito’y may nakikita silang katugunan sa kanilang pangarap na isang araw ay maghari sa ating bayan ang tunay na kalayaan at katarungang panlipunan. Samakatwid ay masasabing ang pakikipaglaban ng CPP-NPA-NDF ay may pinag-uugatang mga lehitimong mithiin ng sambayanan at, samakatwid, ay kaiba sa Abu Sayyaf na walang hangarin kundi pawang paghahasik ng katarantaduhan.

Datapwat ito nga’y tinatawag na terorista ng Estados Unidos.

Dahil dito, maitatanong natin: Ano ba ang ibig sabihin ng Estados Unidos sa salitang terorista?

Si Propesor Randy David ng Kagawaran ng Sosyolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas, na kolumnista rin Philippine Daily Inquirer at isa ring kilalang brodkaster, ay minsang nagbigay ng pagpapakahulugan sa terorismo: “ang paghahasik ng lagim upang pilitin ang taong gumawa ng labag sa matwid.”

Angkop ang pagpapakahulugang ito sa al-Qaeda, sapagkat kayhilig nitong magsagawa ng mga pamamaril at pagpapasabog na walang katuturan dahil sa kawalan ng malinaw na kalabang puntirya.

Ngunit kaiba sa al-Qaeda ang Abu Sayyaf, sapagkat mahihinuha sa pamamagitan ng mga gawain nitong ito’y isang pangkat lamang ng mga karaniwang kriminal na nagtatago sa tabing ng pagiging mga huwad na tagapagpalaya ng Bangsa Moro.

Makabubuting matandaang ang al-Qaeda at ang Abu Sayyaf ay kapwa itinatag ng Central Intelligence Agency (CIA) ng Estados Unidos upang lituhin ang mga mamamayan ng Gitnang Silangan at ng Mindanao at hatiin at bahiran ng dungis ang malalakas na rebolusyonaryong kilusang Islamikong matagal nang nakikipaglaban sa pang-aagaw ng lupang nagkukubli sa likod ng mga tabing ng huwad na Kristiyanismo at pagpapaunlad, na isinasagawa ng Estados Unidos sa pamamagitan ng mga alilang pamahalaan. Nang anihin na ng mga pangkat na ito ang galit ng mga mamamayan sa kani-kanilang mga lunan ay nawalan na ng silbi ang mga ito sa Estados Unidos, kung kaya’t mula noo’y itinuring na silang mga kalaban nito, at pinagtatawag ngang mga terorista.

Ganito rin ang ginawa nila sa yumaong diktador na si Ferdinand Edralin Marcos. Nang magdeklara ito ng batas militar, ang kauna-unahang bumati sa kanya ay ang American Chamber of Commerce and Industry. Sa kasagsagan ng Batas Militar, na kinatampukan ng malawakang paggawa ng mga dapat sana’y tagapagtanggol ng sambayanan ng walang kapantay na mga katalipandasan laban sa karapatang pantao, si Marcos ay pinuri ni George Bush, dating pinuno ng CIA at ama ni George W. Bush, dahil sa diumano’y kanyang “malakas na pangangapit sa demokrasya.” Kailanma’y hindi tinawag na terorista ang rehimeng Marcos, at tinalikuran na lamang ng Estados Unidos noong maliwanag nang kinapopootan ng mga mamamayan.

Sa pagtawag naman ng Estados Unidos ng terorista sa CPP-NPA-NDF, ang bumabalik sa alaala’y ang pagtawag nila ng bandido kay Macario Sakay at sa mga puwersa nito noong mga unang taon ng ika-20 siglo. Si Macario Sakay ang barbero at artista sa komedyang namuno sa pagpapatuloy ng paghihimagsik ng Katipunan sa mga imperyalistang Amerikano matapos na sumuko ang karamihan sa mga pinuno nitong mula sa klase ilustrada at madakip ang noo’y Pangulo ng bansa, si Heneral Emilio Aguinaldo (na sa kalauna’y tatanggap din sa pananakop ng Estados Unidos matapos na makatiyak na hindi magagalaw ang kanyang maraming ari-arian, at tatawag din ng bandido kina Sakay).

Maliwanag na ang batayan ng pagtawag ng Estados Unidos ng terorista sa sinuman ay walang kinalaman sa pagmamahal sa kalayaan at demokrasya kundi nakasalalay sa kung sino ang kapaki-pakinabang sa kanyang mga hangarin.

For comments and reactions to this article, please visit Tinig.com Forums.

MULA SA PATNUGOT
Kapayapaan

SA ISYUNG ITO
Religion, Civil Society, the EDSAs, and the Korean Experience
By Dennis Aguinaldo

My American Dream
By Karla Maquiling

. (Tuldok)
Ni James Nicolay

Kalinaw, Asya!
Ni Tembarom

E-mail
Ni Sherbien Dacalanio

Pangakong Napapako
Irene Martires

KOLUM
Pitik
Vlad Gonzales

Subersibo
Michelle Licudine

Alipato
Alexander Martin Remollino

LATHALAIN
National Consultative Workshop Convened on Street Children and the Juvenile Justice System
By Alfred A. Araya, Jr.,

UN Justice Romeo Capulong Nominated for Ombudsman

MAIKLING KUWENTO
Press ENTER
Ni Vlad Gonzales

Sa mga Panipi ng Tadhana
Ni Vincent Cyrus J. Espiritu

A Nat. Sci. 1 Letter
By Noel Pascual

Old Women
By Dennis Aguinaldo

TULA
Sa Alaala ni Macario Sakay
Ni Alexander Martin Remollino

Dyip sa Aming Bayan
Ni Estelito B. Jacob
Heaven's Song
By Carlo Aristotle Remollino

Young Lovers
By Ime Aznar

 


Copyright © 2002 Tinig.com
All rights reserved